FEATURED

Kawalang trabaho pinakamalupit sa kasaysayan ng bansa (Una sa dalawang serye)

Pinalala ng Covid-19 ang masama nang lagay ng empleyo sa bansa. Pinalala naman ng rehimeng Duterte ang masahol nang kalagayan ng mga manggagawa dahil sa pandemya.

Tatlong beses noon pumapasada ng jeep si Tatay Elmer Cordero, 72. “Kumikita ako ng P500 sa isang araw. Ito lang ang pinagkakasya namin,” kuwento niya sa kalagayan nila noon – bago ang pagdating ng pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19). Bago ang lockdown ng gobyerno.

“Kapag wala akong biyahe, nangangalakal kami ng basura,” kuwento niya. Hirap sina Tatay Elmer makaagapay sa pangkain ng nilang mag-asawa at ampon na tatlong taong batang babae. Siya lang ang nagtatrabaho sa pamilya.

Nang ideklara ng administrasyong Duterte ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso 16 dahil sa pandemya, tila sinukluban ang mundo nina Tatay Elmer. Paano sila kakain ngayon? Sa kabila ng kuwarantina, sinikap niyang makahap ng paraan.

“Nanghingi kami ng tulong sa mga tao. Naglakad ako noon ng anim na kilometro, binenta ko ang tools (panggawa ng sasakyan) para pambili ng gatas para sa bata,” kuwento niya.

Tulad ng maraming tsuper noon, nagtiis sila. Umaasa sana kasi sila at iba pang kasamahang drayber sa Caloocan na makakapagpasada nang ideklara na General Community Quarantine (GCQ) na ang Kamaynilaan noong Hunyo 1. Pero ilang araw bago ang GCQ, biglang inanunsiyo ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF) ng administrasyong Duterte na hindi ipagbabawal pa rin daw ang pagpasada ng mga jeep. Desperado na ang mga jeepney driver.

Nakilahok sina Tatay Elmer sa “balik-pasada” na protesta ng mga drayber at operator noong Hunyo 1 at 2. Noong gabi ng Hunyo 2, pinuntahan sila ng mga pulis. Inaresto ang anim na miyembro at lider ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston). Mahigit isang linggong nakakulong si Tatay Elmer – dahil lang giniit niya ang karapatang makapagtrabaho sa kabila ng nakaambang gutom ng pamilya.

Ang mainam sa kaso ng Piston 6, bumuhos ang suporta mula sa publiko, pati na ang ilang celebrity katulad ng artistang sina Angel Locsin, Bea Alonzo, at iba pa. Gayunman, pinakikita lang ng kanilang pagprotesta ang tindi ng krisis sa bansa ngayon – tindi ng kawalang empleyo, na hindi lang Covid-19 ang maysala, kundi iniluwal din ng mga polisiya ng rehimeng Duterte.

Makasaysayang krisis

Umaabot na sa 7.3 milyong Pilipino ang nawalan na ng trabaho dahil sa pandemyang Covid-19, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Umabot naman sa 6.4 milyon ang underemployed o kulang sa trabaho katulad nina Tatay Elmer na tsuper ng mga pampublikong jeepney. Kung ipagsasama ang dalawang bilang, nasa 13.7 milyon ang wala o kulang sa trabaho sa bansa.

Sa datos pa lang na iyan, masasabing ito na ang pinakamalupit na krisis sa empleyo sa kasaysayan ng bansa.

Pero paliwanag ng Ibon Foundation, independiyenteng institusyon ng pananaliksik, mas karima-rimarim pa ang reyalidad. Ayon dito, lolobo pa ang datos kung isasama ang bilang ng mga Pilipino na hindi kasama sa pormal na labor force noong panahon ng ECQ (halimbawa, mga nagtitinda o nagseserbisyo na hindi binibilang ng Department of Labor and Employment o DOLE) na aabot sa 4.1 milyon. Isama pa rito ang 2.6 milyong hindi na itinuring na walang trabaho magmula nang baguhin ng gobyerno ang kahulugan ng unemployment noong Abril 2005.

Suma total, ayon sa Ibon, tinatayang aabot sa 14 milyon ang walang trabahong manggagawa sa bansa ngayon. Mahigit isa sa bawat 10 Pilipino. O Isa sa bawat tatlong manggagawang Pilipino (may 45.2 milyong Pilipino ang mga manggagawa o nasa labor force, ayon sa DOLE, noong Oktubre 2019).

Tantiya ng Ibon, kaiba sa mga ibinabandera ng rehimeng Duterte bago sumapit sa bansa ang Covid-19, bumabagal na talaga ang paglago ng ekonomiya ng bansa. Pinalala ito ng pagdating ng pandemya.

Sa bahagi ng mga mamamayan, mararamdaman ang krisis na ito araw-araw – mula sa kawalang trabaho, kawalan ng akses sa mga batayang serbisyo na dapat gobyerno ang nagbibigay, hanggang sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Pinatutunayan ito kahit ng mga sarbey. Inilabas ng Social Weather Stations ang sarbey nito noong Mayo. Ayon dito, dumoble ang kagutuman sa bansa. Mula 8.8 porsiyento noong Disyembre 2019 at bago lubusang tumama ang pandemya, umakyat ito sa 16.7 porsiyento noong Mayo ang nagsasabing nagugutom sila at ang pamilya nila. Pinatutunayan ito ng mga ulat sa midya ng mga pamilyang bumaba ang, o nawalan ng, sahod, at hindi makakuha ng ayudang social amelioration ng gobyerno.

Maliliit na employer

Sinu-sino ang nawalan ng trabaho?

Mayorya ng mga manggagawa ay nakaempleyo sa maliliit na empresa, pabrika, opisina o negosyo. Ito ang micro, small and medium enterprises (MSMEs). Ang MSMEs ay nag-eempleyo ng 10 hanggang 199 empleyado, at may assets o kapital na P3-Milyon hanggang 100-M.

“Kinakatawan ng MSMEs ang 99.6 porsiyento ng mga establishment sa buong bansa,” ayon kay Alex Aquino ng Responsible Investment for Solidarity and Empowerment (RISE), sa public briefing ng Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (CURE Covid) noong Hunyo 5. “Umaabot sa 62 porsiyento ang ineempleyo nito, at nag-aambag ng 36 porsiyento sa Gross Domestic Product ng bansa.”

Noong kasagsagan ng ECQ sa Kamaynilaan, 76 porsiyento ng MSMEs ay tumigil ang operasyon. Marami sa mga negosyong ito, hindi pa rin nagbabalik-operasyon. Ang marami, baka hindi na makabalik operasyon.

Samantala, 22 porsiyento ang nagsagawa ng militadong operasyon. Ibig sabihin, dalawang porsiyento lang ng MSMEs ang kasama ng malalaking “esensiyal” na mga empresa ang may operasyon noong ECQ.

Sa buong bansa, mahigit 50 porsiyento ng MSMEs ay tumigil ng operasyon, ayon mismo kay Trade and Industry Sec. Ramon Lopez. Umabot sa 12.55 porsiyento ang may limitadong operasyon at 34.79 porsiyento ang nakapagpatuloy ng buong operasyon.

Nag-alok ng pautang ang DTI para sa MSMEs, sa ilalim ng Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso Enterprise Rehabilitation Fund. Dito, makakautang ang micro-enterprises ng P10,000 hanggang P200,000, habang makakautang ng hanggang P500,000 ang maliliit o small enterprises.

Pero bukod sa utang ito at kailangan ding bayaran, malinaw na hindi sapat ito para buhayin ang maraming mga negosyong nag-eempleyo ng mga manggagawa.

Kulang na ayuda

Umabot daw sa 18 milyong benepisyaryo ang nais abutin ng Social Amelioration Program, ayon sa IATF. Pero malinaw na maliit ang bilang na ito para sa mga walang trabaho. Ayon sa Ibon, hindi lang 8 milyon kundi 18.9 milyon ang dapat na benepisyaryo. Ito’y kung susundan ang datos hinggil sa labor force ng gobyerno na mahigit 45 milyong manggagawa.

Kinuwestiyon ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) kung bakit limitado lang sa 18 milyon pamilya ang sinasaklaw ng SAP. Anila, 73 porsiyento lang ito ng 24.5 milyong kabuuang pamilya sa buong bansa. “Nangangako si Duterte na may perang ipapakalat para sa mahihirap, pero sa ulat naman niya ay makikita na limitado pala ang mabibigyan. Makikita din ito sa maraming mga pamahalaang lokal at barangay na nagreklamo sa limitadong bilang ng pamilyang aayudahan,” ayon pa sa grupo.

Sinabi ng gobyerno na makakatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 ang kuwalipikadong mga benepisyaryo ayon sa regional wage. Ipinagmalaki pa ng gobyerno na noong Mayo 21, umabot na sa 97 porsiyento o P98.6-Bilyon ng badyet daw ng SAP para sa unang tranche ang napamahagi na ng naturang mga ahensiya. Pero laganap pa rin ang nagrereklamo na hindi sila nakatanggap. Lalo na ang sinasabing second tranche ng SAP. Samantala, sa panahon ng GCQ sa Kamaynilaan, wala nang SAP.

Ayon kay Tatay Elmer, matapos ang matagal na pag-aasikaso at pagpila, nakatanggap siya ng ayudang SAP. “Pinambayad ko ng kuryente,” aniya, at agad na naubos.

Ayuda – sa malalaking negosyo

Samantala, malalaking negosyo ang tila nakakatanggap ng malalaking ayuda. Ayon sa Ibon, malaking bahagi ng sinasabing recovery plan ng administrasyong Duterte ang pagbigay ayuda sa mga kapitalista. Kabilang dito ang Philippine Program for Recovery with Equity and Solidarity (PH-Progreso) ng Department of Finance (DOF).

“Hindi nagbibigay ng ayudang pera ang PH-Progreso sa mahihirap at mga pamilyang may mababang income na siyang pinaka-nangangailangan.Samantala, gustong bigyan ng panukalang ito (ang malalaking negosyo) ng P667-B na corporate tax breaks (o di-pagbayad ng buwis)….(Ito) ang pinakamalaking (tax break) sa kasaysayan ng bansa,” ayon sa Ibon.

Bukod pa rito, gusto bigyan ng gobyerno ng P133.7-B na pautang at garantiya ang naturang malalaking negosyo, habang may P142.8-B sa iba pang tax cuts, at karagdagang P233.3-B sa “additional liquidity” para sa kanila.

“Ang malupit pa, gusto pang pahirapan ng administrasyong Duterte ang walang-trabahong mga Pilipino ng matataas na consumption taxes,” ayon pa sa Ibon. Pinaplano umano ng DOF at mga alyado ng rehimen sa Kongreso ang pagtataas pa ng buwis sa sweetened drinks, junk food, online shopping at mga sasakyan.

Samantala, tila pinarurusahan pa ng administrasyong Duterte ang mga drayber at operator ng pampublikong jeepney na naghirap na sa lockdown. Habang pinipigilan pa ang pagpapasada ng mga jeep, pinayagan naman ng IATF ang pagpasada ng sinasabing “modernong jeepney,” mga minibus na may makinang Euro-4 na pag-aari ng iilang malalaking operator.

Noong nakaraang linggo, nabalitang nagpositibo sa Covid-19 ang dalawa sa Piston 6. Malamang na nakuha nila ito sa loob ng kulungan dahil may mga nagpositibo rin sa mismong Caloocan City Jail habang nakakulong sila.

“Masakit ito, at pinalalala pa ang pagdurusa (ng mga drayber) ngayong may mga nagkaka-Covid-19 na sila na resulta rin naman ng palpak na paraan ng gobyerno na i-contain at i-isolate ang virus,” dagdag ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno o KMU, na tumulong sa pagpapalaya at pagkampanya para sa suporta sa Piston 6.

“Hindi ba kataka-taka na nagagalit tayo sa lahat ng pinsala ng walang awa at korap na gobyernong ito na nagpapahirap at patuloy na nagpapahirap sa mahihirap at nagtatrabahong Pilipino?” ani Labog. Sab pa niya, hindi na lang Covid-19 ang nagpapalala sa kawalang empleyo ng 14 manggagawa, kundi ang gobyerno mismo.