‘Gawa-gawang kaso’ vs Gabriela, iba pa, binasura na, pero pinabuhay pa ni Esperon


“Kinokondena ng Karapatan sa pinakamalakas na paraan ang kasong perjury ni Esperon na binuhay mula sa kamatayan matapos ito mabasura,” ani Jigs Clamor ng Karapatan.

Mga lider at miyembro ng Gabriela na nagpiyansa bago pa man maglabas ng mandamyento de aresto mula sa gawa-gawang kaso na isinumite ni National Security Adviser Hermogenes Esperon. <b>Kontribusyon</b>
Mga lider at miyembro ng Gabriela na nagpiyansa bago pa man maglabas ng mandamyento de aresto mula sa gawa-gawang kaso na isinumite ni National Security Adviser Hermogenes Esperon. Kontribusyon

Nagpiyansa ang mga lider ng Gabriela, Rural Missionaries of the Philippines at Karapatan na sinampahan ng gawa-gawang kasong perjury ni National Security Adviser Hermogenes Esperon.

Kabilang sa mga nagpiyansa sina Gert Libang, tagapangulo ng Gabriela; Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela; human rights activists na sina Elisa Tita Lubi, Fr. Wilfredo Ruazol, Jose Marie Callueng, Jigs Clamor, Kiri Dalena, Edith Burgos; Sr. Emma Cupin ng RMP, at iba pa.

Nakatakdang magpiyansa rin si Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, matapos makabalik mula sa pagdalo sa ika-43 sesyon ng United Nations Human Rights Council sa Geneva, Switzerland bilang bahagi ng Ecumenical Voice for Human Rights and Peace in the Philippines (EcuVoice).

Batay ang reklamo ni Esperon sa petisyong writ of amparo at habeas data na isinampa naman ng mga grupo laban kina Esperon sa Korte Suprema na ibinasura ng Court of Appeals.

Nauna nang ibinasura ng piskal ang naturang kaso ni Esperon, kaya ipinagtataka ng mga grupo kung bakit biglang may rekomendasyong para sa mandamyento de aresto nila batay sa reklamo ni Esperon.

“Kinokondena ng Karapatan sa pinakamalakas na paraan ang kasong perjury ni Esperon na binuhay mula sa kamatayan matapos ito mabasura,” ani Jigs Clamor ng Karapatan.

“Iginigiit at inuulit namin na ang kasong perjury na ito ay walang iba kundi gawa-gawa at ganti na kaso matapos magsumite ang Karapatan, RMP at Gabriela ng petisyon para sa paglabas ng writ of amparo at habeas corpus sa Korte Suprema noong Mayo 2019 para humingi ng proteksiyon mula sa red-tagging, panghaharas ng militar at mga paglabag sa karapatang pantao laban sa tatlong organisasyong ito at mga miyembro nila,” pagtatapos niya.