Husgahan Natin

Usapin sa Jipco

February 1, 2020

Kung may mga pulis na makikialam sa ating pag-oorganisa ng unyon, paano pa ito magiging malaya?

Ayon sa mga magigiting nating labor organizers o taga –buo ng mga unyon, sadyang mahirap magtayo ng unyon sa mga export processing zones.

Bakit? Simple lang ang sagot mga kasama.

Ang mga lugar ng export processing zones o special economic zones ay napapaligiran ng malalaking bakod.

Ang pasukan o labasan ng mga ito ay mahigpit na binabantayan ng mga gwardya. Hindi ito mapapasok ng ordinaryong mamamayan na walang permit mula sa mga police o security guards na nagbabantay rito.

Ito ang dahilan kung bakit kaunti lamang ang mga unyon sa loob ng mga special economic zones. Naturingan ang mga itong no union zone area.

Sayang at sa ating bansa ay mayroon sanang humigit kumulang 400 special economic zones na tinatantyang may mga 7.5 milyon na manggagawa.

Subalit sa ngayon, sa ilalim ng administrasyong Duterte ay lalong humirap ang pag-oorganisa ng unyon sa loob ng mga export processing zones.

Ito ay dahilan sa Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA), ang tanggapang may kontrol sa mga special economic zones, noong Marso 2018 sa Camp Crame.

Ayon sa kanilang Memorandum of Agreement na nilagdaan, magtatayo sila ng Joint Industrial Peace and Concern Office (Jipco) sa mga export processing zones o special economic zones sa buong bansa.

Layunin ng Jipco ang paghawak sa anumang reklamo tungkol sa seguridad ng mga pagawaan sa loob ng special economic zones, labanan ang nakikitang pagbubulabog sa kapayapaang industriyal, at tiyakin ang malayang pagkilos ng mga tao at produkto sa mga special economic zones.

Ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga pulis o mga PNP personnel sa loob ng special economic zones.

Nitong Enero 22, 2020 ay inumpisahan na nila ang pagbuo ng Jipco sa special economic zones sa Gitnang Luzon o Region III.

Sinabi pa ni P/Brig. Gen. Rhodel Sermonia, Regional Director ng Police Region III, na ang Central Luzon ay nananatiling flash point pagdating sa insurgency at inaasahan niyang ang pulisya, sa pamagitan ng Jipco, ay makakatulong upang ang mga kompanya sa export processing zones o special economic zones ay hindi mapasok o maimpluwensiyahan ng mga komunista.

Ngunit sa pagtingin ng mga unyon at mga manggagawa, ang hakbang na ito ng PNP at ng PEZA na buuin ang Jipco ay isa sa mga paraaan upang supilin ang karapatang magbuo ng unyon.

Malinaw na ang paglalagay ng desk o detachment ng pulis sa mga pagawaan sa ilalim ng Jipco ay isang paraan upang takutin ang mga empleyado na naghahangad na magkaroon ng unyon sa kanilang pabrika.

Tandaaan natin na sa ating Saligang Batas ay ginagaran-tiyahan ang karapatan ng bawat mamamayan na magtayo ng unyon o asosasyon basta’t hindi lumalabag sa batas.

Sinasabi rin ng ating Labor Code na patakaran ng ating bansa ang pagsusulong sa malayang unyonismo bilang paraan upang makamit ang demokrasya at katarungang panlipunan.

Kahit sa mga International Conventions ay nakasaad ang karapatan para sa malayang pagtayo ng unyon at pagsapi rito ng mamamayan.

Kung may mga pulis na makikialam sa ating pag-oorganisa ng unyon, paano pa ito magiging malaya?

Isipin natin na noong mga nakaraang taon ay malaking papel ang ginampanan ng PNP sa pagbuwag sa mga pagkilos ng mga manggagawa sa PEPMACO at Nutri-Asia.

Isa pa, ang kasunduan na magtatayo ng Jipco ay isinagawa nang walang naganap na konsultasyon sa mga manggagawa.

Kung layunin ng Jipco na magdulot ng kaayusan sa mga manggagawa, bakit hindi man lang sila kinunsulta sa bagay na ito?

Layunin daw ng Jipco na mapairal ang kapayapaan sa mga export processing zone.

Kung ganun, bakit hindi na lang ideklara ng pamahalaan na Peace Zone ang mga export processing zone? Dapat lang pag-usapan ang karapatan ng mga manggagawa nang walang kinikilingan sa bagay na ito.

Sa bahagi ng Commission on Human Rights (CHR), binanggit nito na ang pagbubuo ng Jipco ay bahagi ng pagpapatupad ng pamahalaan sa programa ng National Task Force To End Local Communist Armed Conflict sa ilalim ng Executive Order 70.

Binanggit ng CHR na sa pagpapatupad na ito ng pamahalaan sa Executive Order 70, posibleng maapakan nito ang karapatang mag-organisa ng mga manggagawa.

Kaya nangako ang CHR na babantayang mabuti ang implementasyon ng Jipco upang matiyak na igagalang nito ang batayang karapatan ng mga manggagawa.

Ngunit ayon naman sa Defend Job Philippines, ang iskema ng Jipco ay kasangkapan lamang para supilin ang karapatan ng mga manggagawa sa mga industrial zones sa Gitnang Luzon.

Wala itong kaibahan sa Operation Tokhang na pinairal ng administrasyong Duterte sa usapin sa droga, wika nila.

Ano pa ang inaantay natin mga kasama? Labanan ang Jipco!

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.