UHC: Di sagot sa problema sa kalusugan ng bayan

February 13, 2020

Pinangalandakan ng rehimeng Duterte ang libreng serbisyong pangkalusugan daw. Pero kabaligtaran nito ang nangyayari ngayon.

Sa pagpasok ng 2020, naging malalaking pasabog ang ilang pagbabago sa serbisyong pangkalusugan ng ating gobyerno sa ngalan ng Universal Health Care (UHC).

Pero sa halip na ginhawa ang maidulot, tila magiging dagdag-pasakit at pahirap pa sa mga mamamayan ang mga ito— ang pagtaas ng bayarin sa PhilHealth at pagbawas ng serbisyong medikal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Pinalala lang

Una rito ang nakasaad sa batas na pagtaas ng premium para sa mga direct contributor ng PhilHealth.

Para sa mga empleyado at nagnenegosyo, makikitang tataas ang kontribusyon ng mga miyembrong ito sa tatlong porsiyentong sinasahod, para sa mga kumikita ng higit sa P10,000 pero mas mababa sa P60,000 kada buwan. Paghahatian man ito ng empleyado (binabawas sa suweldo) at employer. Pero malaking bagay pa rin ang bawas na ito ngayon. Tataas pa ito nang 0.5 porsiyento kada taon hanggang 2024, kung saan aabot na ito ng limang porsiyento.

Ang minimum wage earner na kumikita ng P6,840 kada buwan (dahil mas mababa sa income floor na P10,000), makakaltasan ng P150 para sa PhilHealth buwan-buwan. Katumbas na nito ang P1,800 sa isang taon. Sa mga overseas Filipino workers (OFW), nakadepende ito sa kinikita nila dahil walang employer na makikihati sa kanilang kontribusyon. Nasa pagitan ng P1,800 hanggang P21,600 kada taon ang binabayaran nila.

Hindi maliit na bagay ang mga bayaring ito. Ayon mismo sa Philippine Statistics Authority noong Oktubre 2019, nagbabayad ang kada Pilipino ng P7,496 (P6,390 kung pagbabatayan ang inadjust na presyo) kada taon para sa kalusugan, o P625/buwan.

Pampublikong ospital na Philippine Orthopedic Center. <b>PW File Photo</b>

Pampublikong ospital na Philippine Orthopedic Center. PW File Photo

PCSO, di na madudulugan

Ang pangalawang pagbabago’y lumabas na memo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong 2020 na nagsabing ililipat nila sa UHC ang 40 porsiyento ng “Charity Fund, Documentary Stamp Tax Payments, [at] mandatory contributions.” Sa ngayon, ang pondo ng PCSO ay isa sa pinaka-inaasahan ng naghahanap ng tulong pinansiyal para sa kanilang kalusugan.

Ayon sa memo, ititigil na ang pagbigay ng ayuda sa mga gamot (maliban sa chemotherapy), implant/devices, surgical supplies, laboratory/diagnostic procedures, non-/minimally invasive procedures, heart procedures, organ transplantation, at rehabilitative therapy. Bababaan naman ang ibinibigay na ayuda sa bayarin sa ospital (hospitalization), chemotherapy, at dialysis.

Malaking insulto sa mga mamamayan ang mga pagbabagong ito. Kapipirma lang ng UHC at Implementing Rules and Regulations (IRR) noong 2019, pero di pa nararamdaman ang mga benipisyo nito. Taong 2017 nang huling mabago’t madagdagan ang mga benepisyo o benefit package ng PhilHealth, pero dahan-dahan nang inaalis ang mga dating inasahang pagkukuhanan ng tulong ng mga may sakit.

Sa huli, tanging ang pagtutulak sa pamahalaan na ibigay at tiyakin ang libre, komprehensibo, progresibo at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan ang tutugon sa mga kagyat na hinaing at sakit ng taumbayan.