Pondo sa kalamidad at sakuna, sinako na?

February 1, 2020

Tuwing may kalamidad o sakuna, naipapakita ng mga Pilipino na buhay na buhay ang diwa ng bayanihan. Gayundin, nabubuking naman ang tila baluktot na prayoridad ng pamahalaan.

Sa pagputok ng Bulkang Taal, tumampok sa balita at social media ang pagdadamayan ng mga ordinaryong mamamayan. May mga tumulong sa mga istranded na motorista, namimigay ng libreng face mask at pagkain sa mga apektadong residente, at nagbukas ng kanilang tahanan.

Umani naman ng batikos si Interior and Local Government Sec. Eduardo Año dahil sa pag-apela nito sa publiko na mag-donate ng relief goods para sa mga nasalanta. Ang tanong kasi ng marami, bakit nanghihingi pa ang gobyerno? Nasan ang pondo para sa kalamidad na galing sa buwis ng mamamayan?

Calamity Fund

Ilang araw bago pumutok ang Bulkang Taal, pinirmahan ni Pangulong Duterte ang P4.1-Trilyong pambansang badyet para sa taong 2020. Mas mataas ito kumpara sa P3.662-T badyet noong 2019 at sinasabing pinakamataas na sa kasaysayan ng bansa.

Sa kabila ng napakalaking badyet, P16-Bilyon lang mula dito ang nakalaan para sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Fund o tinatawag ding Calamity Fund. Mas mababa ito ng 4 na bilyong piso mula sa P20-B noong 2019.

Halos kalahati na ang natapyas sa calamity fund mula sa P38.9-B noong 2016 bago naupo si Duterte.

Ayon kay dating Budget and Management Sec. Benjamin Diokno, kinaltasan umano ang calamity fund dahil may mga taon namang hindi ito nagagamit at bumababa ang paggastos para sa kalamidad. Gayundin, mayroon naman daw supplemental na badyet para sa mga sakuna.

Gayunpaman, aminado ang gobyerno na ang maliit at kinaltasan nang P16-B nakalaang badyet ay kukulangin pa rin para sa tindi ng epekto ng pagsabog ng Bulkang Taal. Hindi rin ito buong-buong gagamitin para dito. Kaya naman humihingi pa si Duterte ng karagdagang P30-B na supplemental na pondo para lamang sa pagtugon sa pagsabog ng Taal.

Ti n at ay ang P5-B mula sa 2020 calamity fund ay nakalaan na para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng mga lindol sa Mindanao nonog 2019. P3.5-B naman ang gagamitin para sa patuloy na rehabilitasyon ng Marawi.

Lumalabas na P7.5-B na lamang ang natitirang calamity fund para sa buong taon. Samantala, hindi pa tapos ang pagaalburoto ng Taal. Kakasimula pa lamang din ng taon at inaasahang may mga kalamidad at sakuna pang tatama sa bansa.

Nasan ang pondo?

Para sa Ibon Foundation, ang napakababang calamity fund ay nagpapakita ng kawalan ng prayoridad ng administrasyong Duterte para sa mga kalamidad at sakuna sa kabila ng pagiging disaster-prone ng bansa.

Sa kabila daw kasi ng pagkaltas ng calamity fund para sa taong 2020, tinaasan naman ng gobyerno ang pondo para sa anila’y “mapagsamantala” at “makasariling interes” na mga gastusin.

Halimbawa umano ang P9.3-B nakalaan para sa confidential intelligence funds ng Tanggapan ng Pangulo na pinaniniwalaang gagamitin lamang sa pagatake sa mga mahihirap at kilalang kritiko ng administrasyon.

Tumaas din ng higit P3-B ang inilaang pondo para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na umaabot sa kabuuang P36.439-B. Higit pang mas mataas ito kumpara sa nakalaang calamity fund.

Samantala, kinuwestiyon naman ni Sen. Panfilo Lacson ang aniya’y re-alignment ng mahigit P83-B ng mga miyembro ng Kongreso para sa kanilang “pork barrel”.

Dagdag pa ng Ibon, makikita sa prayoridad ng pagbabadyet ng gobyerno na tila binabalewala ng administrasyong Duterte ang matagal nang bulnerabilidad ng bansa sa mga kalamidad at sakuna.

Sa inilabas na World Risk Report noong 2019, pang-siyam ang Pilipinas sa may pinakamataas na banta ng mga sakuna dahil nasa loob ito ng tinatawag na “Ring of Fire” na madalas tamaan ng mga paglindol at pagsabog ng bulkan. Tinataya naman mahigit 20 bagyo ang tumatama sa bansa taun-taon. Sa tala naman ng Global Facility for Disaster Reduction and Recovery (GFDRR), lumalabas na 74 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ay bulnerable sa mga natural na sakuna at kalamidad.

Kuha ni <b>Jhun Dantes</b>

Kuha ni Jhun Dantes

Epekto ng pagsabog

Sa huling tala ng NDRRMC, nasa 103,443 pamilya o halos 400,000 indibidwal na ang apektado ng pagsabog ng Taal sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas, Cavite at Quezon.

Ayon naman sa Department of Agriculture, umaabot naman sa P3.17-B ang halaga ng pagkawasak ng agrikultura na nakakapekto sa mahigit 15,790 ektaryang lupain na karamihan ay taniman ng kape, pinya at mga gulay.

Matindi rin ang epekto ng pagsabog ng Taal sa mga mangingisda sa Batangas na pinagkukunan ng higit 16,400 metriko tonelada ng bangus at pumupuno sa 4 na porsiyento ng kabuuang produksyon nito sa buong bansa. Dito din kinukuha ang higit 64,000 metriko toneladang tilapia na katumbas naman ng sangkapat (1/4) ng kabuuang produksiyon ng bansa.

Pagbangon

Enero 26, ibinaba na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 3 ang Alert Level Status ng bulking Taal dahil sa paghina na umano ng volcanic na aktibidad nito.

Pinayagan na ring makauwi sa kani-kanilang tahanan ang mga residenteng nagsilikas mula sa mga evacuation center maliban sa mga naninirahan sa mga barangay sa mismong isla ng bulkan at mga barangay na malapit dito.

Gayunman, hindi pa tapos ang kalamidad para sa mga apektado ng pagsabog ng Taal. Sa tindi kasi ng epekto sa kanilang kabuhayan at paninirahan, malaking hamon ngayon sa mga mamamayan ng Batangas, Laguna at Cavite ang pagbangon mula sa sakunang ito.

Nanawagan naman ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ng reparasyon o kabayaran mula sa gobyerno para sa kabuuang nawalang kita ng mga apektadong magsasaka at mangingisda sa halip na alukin sila ng pautang mula sa Survival and Recovery Assistance Program ng Department of Agriculture.

Sa kabilang banda, nanawagan naman ang Bagong Alyansang Makabayan Timog Katagalugan (Bayan-TK) sa publiko at mga siyentista para sa isang komprehensibong pagtatasa at imbestigasyon sa epekto ng pagsabog ng bulkang Taal. Ito ay kasunod ng panukala ng DILG na tuluyang ipagbawal ang paninirahan sa 14 kilometrong danger zone sa paligid ng bulkan na magdudulot umano ng dislokasyon at kawalan ng kabuhayan ng daan libong mga pamilya.

Iginiit naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang agarang pagsasabatas ng House Bill (HB) No. 5259 o Evacuation Centers Bill na inihain ng Bayan Muna noong 2019. Layunin ng panukalang batas na magtayo ng mga permanenteng evacuation centers sa kadadalawa hanggang tatlong barangay.

Ayon kay Zarate, mas matipid ito kaysa sa pagtatayo lamang ng mga evacuation centers tuwing may sakuna. Dagdag pa ni Zarate, dapat umanong pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang mga pangmatagalang solusyon at ang rehabilitasyon.

Sa huli, sinabi ng Ibon na sa pangmatagalan, dapat mamuhunan ang gobyerno sa mga tunay na sustenableng mga komunidad. Sa kanilang panukala para sa People’s Economics, sinabi ng IBON na kayang sama-samang lampasan ng mamamayan ang mga matitinding sakuna at kalamidad kung mayroong istableng trabaho at kita, disenteng pabahay at mga disaster-ready na mga imprastraktura, at sapat na serbisyong publiko at sosyal na nakadisenyo tungo sa pag-igpaw sa mga kalamidad. .

Neil Ambion

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.