Editoryal

Papampam

February 13, 2020

Pero parang batang laki-sa-layaw si Duterte. Halos apat na taon nang nagpapakasasa siya sa dalawang “magulang” (bagamat mas bagay ang “amo”): pagsasanay-militar sa brutal na giyerang kontra-insurhensiya sa among Kano, pangako ng proyektong pang-imprastraktura na iuutang naman sa among Tsino.

Nag-iinarte. Nagpapasuyo. Sa salita ng mga beki, papampam.

Iyan ang ikinikilos ngayon ni Pangulong Duterte kaugnay ng (nagtatagong) amo niyang mga Kano, o sa salita ng mga aktibista, imperyalismong US. Nagtampo, nagmaktol, naglupasay ang Pangulo na parang uhuging bata matapos kanselahin ng embahada ng US sa Pilipinas ang visa ng dating hepe ng pulisya, hepeng tagapagpatupad ng madugong giyera kontra droga, at ngayo’y Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon sa mga opisyal ng gobyernong US, kaugnay ito ng papel ni Bato sa madugo-at-wala-nang-kredibilidad na giyera kontra droga ng rehimen, gayundin ng panunupil ng rehimen sa oposisyunistang senador na si Leila de Lima. Pero madaling basahin ang pagitan ng mga salita ng mga Kano. Ginagawang pressure point lang ito (o sugat ng rehimen na pinipisil ng mga Kano) para puwersahin si Duterte na maghunus-dili sa ganap na pakikipagmabutihan sa karibal ng US sa pang-ekonomiya at pampulitikang monopolyo sa daigdig na China.

Pero parang batang laki-sa-layaw si Duterte. Halos apat na taon nang nagpapakasasa siya sa dalawang “magulang” (bagamat mas bagay ang “amo”): pagsasanay-militar sa brutal na giyerang kontra-insurhensiya sa among Kano, pangako ng proyektong pang-imprastraktura na iuutang naman sa among Tsino. Hangga’t maaari, kay Duterte, nakakakuha siya ng pakinabang (at sila, sa kanya) sa dalawa.

Ang problema ni Duterte, hindi sanay sa hating atensiyon ang among Kano. Sanay itong nasosolo ang mga tutang Pilipino. Halos isang siglo matapos gawaran ng “kalayaan” ang Pilipinas, astang kolonya pa rin ng mga Kano ang Pilipinas, at hindi papayag ang mga ito na nakikipagmabutihan sa ibang amo si Duterte. At nakita nito ang isang pressure point ng kurap na mga tuta: ang paglalamyerda at shopping ng mga opisyal ng rehimen sa ibang bansa, lalo na sa Amerika.

Pero nakita rin ni Duterte ang paraan para mapresyur ang mga Kano: mag-inarte, magpapampam. Kunyari lalayasan na niya ang mga Kano. Ibabasura ang Visiting Forces Agreement.

Paano natin nalamang pag-iinarte lang ito? May 180 araw pa bago maging epektibo ang abrogasyon ng VFA. Mula noong pormal na sinumite ng rehimen ang notisya hanggang sa dulo ng 180 araw, marami ang puwedeng mangyari. Puwedeng mapatahan at mabigyan ng gusto niya ang nagmamaktol nilang tuta. Puwedeng magmabutihan muli sina Duterte at US Pres. Donald Trump (na minsan nang kinantahan at pinapurihan ni Duterte noong 2016). Puwedeng magkaroon ng bagong kasunduan na pamalit sa VFA.

Noong Pebrero 7, iniulat ng Philippine Daily Inquirer ang pagpapalipad ng US Air Force F-16 fighter jets sa Cesar Basa Air Base. Bahagi ito ng Bilateral Air Contingent Exchange – Philippines, o ehersisyong militar ng dalawang air forces sa ilalim ng VFA. Kinumpirma ni Lorenzana na may joint exercises ngang nagaganap – sa eksaktong panahon na pinababasura raw ni Duterte ang VFA.

Samantala, sinabi ng mga galamay ng rehimen na makikipagnegosasyon na ito sa iba pang bansa para makuha ang pagsasanay-militar na hindi makukuha ng AFP kung mawawala na talaga ang VFA. Napakagandang tugtugin ito sa tainga ng mga Tsino.

Nananawagan ang maraming makabayang grupo na totohanin ng Pangulo ang pagbabasura sa VFA. Maaasahan kaya nating tunay na tumindig sa sariling paa ang nag-iinarte, nagpapasuyo, papampam na tuta?

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.