Karapatang Pantao

Panibagong crackdown

February 13, 2020

Muling tinarget ng gawa-gawang pagkakaso ng rehimeng Duterte ang progresibong mga kritiko ng gobyerno – ngayon naman sa Eastern Visayas.

Muling naglunsad ang rehimeng Duterte ng crackdown sa progresibong mga organisasyon. Sa pagkakataong ito, mga lider at kasapi ng mga organisasyon sa Eastern Visayas ang naging target.

Madaling araw ng Pebrero 7, magkakasabay na nireyd ng mga tauhan ng Philippine National Police at Criminal Investigation and Detection Group, sa pangunguna ng isang Lt. Col. Pedere, ang mga opisina ng Katungod Sinirangang Bisayas, tsapter ng Karapatan sa rehiyon, Bagong Alyansang Makabayan-Eastern Visa-yas, at People’s Surge, sa Brgy. 77; at sa staff house ng Rural Missionaries of the Philippines-Eastern Visayas at Eastern Vista sa Calanipawan, kapwa nasa Tacloban City. Natagpuan diumano sa naturang mga opisina ang dalawang baril, isang machine gun, mga bala at mga materyales sa paggawa ng improvised explosive device.

Arestado sina Marissa Cabaljao ng People’s Surge, kasama ang kanyang isang-taong gulang na sanggol, Mira Legion ng Bayan, Alexander Philip Abinguna na Karapatan National Council member para sa Eastern Visayas, Mariell Domanquill ng RMP at ang independent journalist na si Frenchie Mae Cumpio ng Eastern Vista.

Ayon sa mga naaresto, pawang mga human rights worker, journalist at aktibista, na tinaguriang Tacloban 5, tinamiman umano sila ng mga baril at bomba dahil sa kanilang layunin na ilantad ang kabulukan ng rehimen. Anila, pinaparatangan sila na mga kasapi ng New People’s Army dahil sa pagiging kritiko ng gobyerno.

Mala-Gestapo

Tinuligsa ng Karapatan ang pag-aresto sa Tacloban 5. Anila, mala-Gestapo ang naging reyd ng kapulisan sa naturang mga opisina ng progresibong mga grupo sa Tacloban. “Ang mga pag-aresto at reyd ay dapat magsindi ng galit para sa mga tumitindig para sa kalayaang sibil at karapatang pantao, husitisyang panlipunan at pangmatagalang kapayapaan sa bansa.”

Magkahalintulad ang reyd sa Tacloban at mga reyd noong Oktubre-Nobyembre 2019 sa opisina ng mga progresibo sa Negros at Maynila. Inilunsad ang operasyon habang nasa kasarapan ng tulog ng mga tao sa opisina, sapilitang papasok ang raiding team, palalabasin ang mga tao para makapagtanim-ebidensiya, at aarestuhin ang mga lider o kasapi ng oraganisasyon at sasampahan ng gawa-gawang kaso. Sa reyd sa Tacloban, inaresto muna ang lima bago ipinakita ng kapulisan ang search warrant.

Kinuwestiyon ng Karapatan ang integridad at indepensiya ni Judge Eligio Petilla ng Regional Trial Court Branch 44 sa Tacloban City na siyang naglabas ng warrant sa mga naturang reyd.

“May duda kami sa mga judge na pumapayag sa paggamit ng kanilang korte para sa judicial harassment ng human rights defenders. Sila ba’y may kaugnayan sa mga opisyal sa ehekutibo na nagpapatupad ng Executive Order 70? Ang kanilang pagpirma ba sa naturang search warrants sa mga opisina ng mga organisasyong ito ay magreresulta sa mas matataas na puwesto tulad ng mga mahistradong nagsagawa nito?” tanong ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Palagay ng Karapatan, nabigyan ng pabuyang puwesto sa Korte Suprema ang isang opisyal ng korte matapos nitong ibasura ang petisyon para sa writ of amparo at habeas data ng ilang grupo noong nakaraang taon, habang ang isa pa’y tumatakbo bilang inindorsong nomindado ni Duterte sa Court of Appeals matapos na maglabas ng searh warrant sa reyd at pag-aresto sa Negros at Manila noong Oktubre 2019.

“Nakakasuklam itong gasgas na taktika ng kapulisan na pagtatanim ng ebidensiya, ng armas at granada, para masampahan ng kaso ang mga kritiko ng pamahalaan. Alam nilang walang ginagawang ilegal itong human rights workers, alagad ng media, at mga aktibista kaya ganitong klase ng desperado at ilegal na police operations ang kanilang inilulunsad,” ani Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite.

Kinondena naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang anila’y atake sa mga aktibista sa pangunguna umano ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Noong Pebrero 10, iniulat naman ng Altermidya – People’s Alternative Media Network na alas-4:30 ng hapon noon, hindi pa rin nasasampahan ng anumang kaso ang lima. Lampas na ito sa 36-oras na maksimum na maaaring ipiit ang tao nang walang kaso.

“Hindi pumirma ang Tacloban 5 ng waiver sa Art. 125 ng Revised Penal Code hinggil sa arbitraryong pagkakulong, ibig sabihin, dapat lumaya na siya ngayon,” ulat ng Altermidya.

Human rights worker na si Alexander Philip Abinguna. <b>Altermidya</b>

Human rights worker na si Alexander Philip Abinguna. Altermidya

Di-terorista

Bumuhos naman ang suporta sa Tacloban 5 na nakapiit sa Municipal Police Station sa Guindapunan, Palo, Leyte. Anila, hindi NPA o mga terorista ang mga inaresto kundi lehitimong mga kasapi ng organisasyon at human rights defenders.

Sa Facebook post ni Naomi Klein, bantog na awtor at aktibistang Canadian, ibinihagi niya ang imahe ni Marissa Cabaljao kasama ang sanggol. Sinabi ni Klein na nakasama niya si Cabaljao bilang prodyuser sa isang pelikula hinggil sa climate change sa Pilipinas. Hiniling niya sa publiko ang pagpirma sa petisyon para sa walang-kundisyong pagpapalaya sa Tacloban 5 na matatagpuan sa change.org.

Samantala, pinasinunga-lingan ng Altermidya ang paratang ng 8th Infantry Division ng Philippine Army na mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines si Frenchie Mae Cumpio. Saad ng grupo, katawa-tawa pero nakakabahala ang paratang na ito, at naglalagay sa mga mamamahayag tulad ni Cumpio sa matinding panganib.

Inihayag din ng iba’t ibang organisasyon ng estudyante at kabataan ang kanilang pagsuporta sa Tacloban 5 na kalakhan ay nasa kanilang kabataan pa.

Ayon sa Kasama sa UP, alyansa ng student councils sa buong sistema ng Unibersidad ng Pilipinas, kalakhan umano ng mga indibidwal na naaresto ay nagmula sa UP Tacloban na kung saan si Mira Legion at Marielle Domequil ay naging bahagi ng student council at mga kilalang mga lider-estudyante.

Bukod sa pagpapalaya sa mga naaresto, ipinanawagan din ng UP Tacloban Student Council, UP Vista, at ng iba’t ibang oraganisasyon, fraternities, at sororities sa UP Tacloban ang kagyat na pagbasura sa MO 32 in Samar, Bicol, at Negros, ng EO 70 na anila’y nagbibigay-dahilan sa serye ng panghaharas at paglabag sa karapatang pantao sa bansa.

Dumagdag din sa panawagan para sa kagyat na pagpapalaya ng Tacloban 5 ang UP Solidaridad, One Big Fight for Human Rights and Democracy, One La Salle for Human Rights and Democracy at marami pang iba.

Red-tagging

Bago pa ang reyd sa mga opisina sa Tacloban, ayon sa Tacloban 5, nabalitaan na nila ang pagpapatindi ng panggigipit sa mga progresibong organisasyon sa rehiyon.

Anila, matapos ang mga engkuwentro ng miltar at NPA sa Borongan noong Nobyembre at Disyembre 2019, ipinapakalat ng AFP na pupuntiryahin nila ang legal na mga aktibista sa “white area”. Bukod ang pinatinding paniniktik at panghaharas, naging tampok din ang red-tagging sa mga organisasyon at mga lider at kasapi nito.

Sa ilalim ng EO 70 at whole-of-nation approach ng programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Duterte, nilegalisa ng rehimeng Duterte ang red-tagging bilang bahagi ng padron ng panggigipit sa progresibong mga organisasyon at mga kritiko ng gobyerno.

Ayon sa Ibon Foundation, independiyenteng institusyon ng pananaliksik, “ang Red-tagging ay pagbabadya sa ilegal na pag-aresto sa mga aktibidta at reyd sa kanilang opisina, tulad ng limang aktibista sa Tacloban, Leyte kamakailan lang o ang ilang dosena pa sa Bacolod at Maynila noong Oktubre at Nobyembre 2019. Naging sentensiyang kamatayan na ito para sa…293 na aktibista na ang nabiktima ng extrajudicial killings ng hinihinalang mga puwersa ng Estado.”

Nagsampa ng kaso ang Ibon noong Pebrero 10 sa Ombudsman para panagutin sina Maj. Gen. Antonio Parlade Jr., Presidential Communications and Operations Office (PCOO) Usec. Lorraine Badoy, at National Security Adviser Hermogenes Esperon, bunsod ng kanilang malisyoso at walang-basehang redtagging sa mga aktibista, indibidwal at grupo mula nang maitayo ang NTF-ECLAC noong 2018.


Featured image: Apat na kababaihan sa Tacloban 5: Frenchie Mae Cumpio, Mariell Domanquill, Mira Legion at Marissa Cabaljao. Larawan ng Altermidya
Peter Joseph Dytioco

Peter Joseph Dytioco

Si Peter Joseph Dytioco ay staff reporter ngayon ng Pinoy Weekly.