Pagpaslang kay Malayao, wala pa ring hustisya

February 7, 2020

Pinaslang si Malayao kahit pa nasa proteksyon siya ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), ang pirmadong kasunduan ng bawat panig ng GRP-NDFP para sa lahat ng kalahok at may kaugnayan sa usaping pangkapayapaan.

Wala pa ring katarungan isang taon matapos ang pagkakapaslang kay Randy Malayao, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at tagapagsalita sa negotiating panel sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at gobyerno ng Pilipinas, ayon sa grupong Hustisya.

Iginiit ng grupo na walang ginawang seryosong pag-iimbestiga ang gobyerno para mapanagot ang mga salarin mula nang mapatay si Malayao noong Enero 30, 2019 sa isang pampasaherong bus sa Nueva Vizcaya.

“Walang pag usad ng kaso dahil hindi rin interesado ang gobyerno na mag-imbistiga ng malalim. Bakit nga naman, ang pagpatay kay Randy Malayao ay pabor sa estado. Poder at interes nila ang mawala ang mga tinig na nagsusulong ng tunay na kapayapaan para sa mamamayan,” ani Evangeline Hernandez ng Hustisya.

Pinaslang si Malayao kahit pa nasa proteksyon siya ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), ang pirmadong kasunduan ng bawat panig ng GRP-NDFP para sa lahat ng kalahok at may kaugnayan sa usaping pangkapayapaan.

Isinisisi ng Hustisya ang krimen sa Malacañang dahil sa halip umano na bigyang solusyon ang mga hinaing ng mamamayan tulad ng lumulubhang kahirapan, kawalan ng trabaho at hustisyang panlipunan, pagpaslang at panunupil ang sagot ng gobyernong Duterte,” dagdag ni Evangeline Hernandez.

Laganap ang extrajudicial killings sa panahon ni Duterte at nananatili ang walang kapanagutan sa mga krimen ng ahente ng estado. “Hindi lang nakakagalit ang ginawang pagpaslang kay Malayao, ito’y naging malaking marka ng administrasyong Duterte sa kasaysayan ng Pilipinas, hanggang sa larangan ng internasyunal na hukuman. Nahaharap ngayon si Duterte sa UNHRC at sa ICC,” pagtatapos ni Evangeline Hernandez.

Soliman A. Santos

Soliman A. Santos

Soliman Santos took up Malikhaing Pagsulat at University of the Philippines-Diliman. He is currently teaching at Polytechnic University of the Philippines-Sta. Mesa.