#OustDuterte sa panahon ng 2019-nCoV

February 7, 2020

Sa gitna ng malinaw na banta ng paglaganap ng sakit sa bansa, tumitindi rin ang pagkamuhi ng taumbayan sa kapabayaan ng pangulo at ng gobyerno.

Kumalat sa social media ang panawagang #OustDuterte. Ito’y sa harap ng pangamba ng mga Pilipino na makapasok sa bansa ang novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).

Tila naipapakita kasi sa pagtugon (o kakulangan sa pagtugon) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkalat ng pandemikong sakit ang pinakamasahol na mga katangian ng kanyang administrasyon.

Puna ng publiko, huli na nga ay kapos pa ang aksyon ng gobyerno laban sa kumakalat na sakit. Inuuna pa umano ni Duterte ang relasyon nito sa Tsina at ang pagpapabango sa imahe ng kanyang administrayon kaysa sa kaligtasan at kalusugan ng mga Pilipino.

Marami naman ang kumuwestiyon sa kahandaan ng gobyerno sa pagtugon sa pagkalat ng 2019-nCoV sa bansa. Kapansin-pansin din umano na gaya ng mga nagdaang krisis at kalamidad, hindi na naman mahagilap ang Pangulo.

Sa harap ng mabagal at kapos na aksyon ng gobyerno sa kabila ng pinangangambahang paglobo ng bilang ng kaso ng 2019-nCoV sa bansa, ligtas pa nga kaya ang mga Pilipino sa ilalim ni Duterte?

Ano ang 2019-nCoV?

Sa huling tala ng World Health Organization (2 Pebrero 2020), umaabot na sa 14,557 katao sa buong mundo ang kumpirmadong may 2019-nCoV at nasa 305 na ang naitalang bilang ng mga namatay.

Disyembre 2019 naitala ang unang kaso ng 2019- nCoV sa bayan ng Wuhan sa Tsina. Mabilis na kumalat ang virus sa iba’t-ibang dako ng Tsina at kalaunan sa daigdig. Naitala na rin ang ibang kaso ng 2019-nCOV sa mga bansa sa Asya, Australia, Europa at Hilagang Amerika.

Bagamat kasalukuyan pang pinag-aaralan ang katangian at pinagmulan nito, ipinaliwanag ng World Health Organization na ang 2019-nCoV ARD ay isang bagong uri ng coronavirus na hindi pa nakita dati sa tao.

Gaya ng ibang uri ng coronavirus, nagdudulot ito ng iba’t-ibang klaseng sakit mula sa karaniwang ubo, sipon at trangkaso hanggang sa malalang mga sakit sa respiratory system na siyang pangunahing puntirya nito.

Naunang pinaniwalaang nakukuha ang virus sa mga hayop at nalipat sa tao. Gayunman, marami sa mga pasyenteng may 2019-nCoV ay napag-alamang hindi nagkaroon ng anumang exposure sa mga hayop o mga palengkeng nagbebenta ng hayop na nagpapakita lamang na tao sa tao na ang paraan ng pagkalat nito.

Nauna na ring naiulat na pangunahing sintomas ng 2019-nCoV ang lagnat, ubo at kakapusan ng hininga na maaaring makita 2 hanggang 14 araw mula nang mahawa ang pasyente. Gayunman, mayroon ding mga kumpirmadong kaso pero hindi nagpapakita ng anumang nasabing sintomas.

Kasalukuyan nang naka-lockdown ang buong bayan ng Wuhan para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng virus. Dito kasi matatagpuan ang Huanan Seafood Market, kilalang bilihan ng mga exotic na hayop na naunang itinurong lugar kung saan nagbagong anyo ang virus mula sa karaniwang coronavirus at nagpasa-pasa sa mga taong namimili rito.

Gayunman, nakitang marami sa mga pasyenteng may 2019-nCoV ay walang anumang kinalaman sa nasabing palengke o sinumang nagmula dito.

Sa maagang bahagi pa lamang ng pagkalat ng 2019-nCoV, marami nang bansa ang kagyat nagpatupad ng mga pansamantalang pagbabawal sa pagpasok ng mga bumibiyahe galing sa Wuhan o ibang bahagi ng Tsina at mga bansang may kumpirmadong kaso ng 2019-nCoV. Ito’y para maiwasan ang pagkalat ng sakit sa kanilang bansa at ibayo pang lumaganap sa ibang sulok ng mundo.

Sa ganitong pandaigdigang kooperasyon sa pamamagitan ng pagkontrol ng paglabas-pasok at pagkuwarantina ng mga tao at kalakal para pigilan ang mga pandemikong sakit, matagumpay na nahinto ang pagkalat ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS-CoV) noong 2003 at iba pang mga kumalat na mga virus gaya ng Middle East Respiratory Syndrome (MERS-CoV), H1N1 at swine flu.

Sa Hong Kong, nagbanta pa nga ang mga unyon ng mga manggagawa sa mga ospital at mga riles nito na magwewelga kung hindi ipapasara ang hangganan ng bansa sa Tsina para pigilan ang pagkalat ng 2019-nCoV.

2019-NCoV sa Pilipinas

Isa na ang naitalang patay dahil sa 2019-nCoV sa Pilipinas. Ang pagkamatay ng 44-taong gulang na lalaking Tsino sa bansa ang kauna-unahang kaso ng pagkamatay sa 2019-nCoV na naitala sa labas ng Tsina.

Nasa 80 katao na ang iniimbestigahan ng Department of Health para sa 2019-nCOV. Dalawa dito ang nagpositibo sa nasabing sakit kabilang na ang naitalang namatay, habang 30 naman ang negatibo. Samantala, hinihintay pa umano ang resulta para sa 48 pang iniimbestigahang pasyente.

Mag-asawang Tsino ang unang dalawang kumpirmadong kaso ng 2019- nCoV sa Pilipinas. Galing sila sa Wuhan, pumasok sa bansa bilang mga turista at namasyal sa Cebu at Dumaguete bago bumalik sa Maynila kung saan sila naospital at nakumpirmang positibo sa 2019-nCoV.

Kasalukuyan na rin umanong tinututukan ng mga awtoridad ang iba pang pasaherong lulan ng eroplano na nakasama ng dalawa. Walo na umano sa mga ito ang may ubo at sipon.

Sa tala ng Department of Tourism, mahigit 1.6 milyong turistang Tsino ang pumasok sa bansa mula Enero hanggang Nobyembre 2019, taon kung kalian unang natukoy ang 2019-nCoV sa Tsina. Pumapangalawa ang Tsina sa South Korea bilang pangunahing pinagmumulan ng mga turistang pumapasok sa Pilipinas.

Sinabi naman ni DOH Secretary Francisco Duque III na wala pa namang mga naiulat na pagkalat ng sakit sa mga komunidad sa bansa. Wala rin umanong dapat ipangamba ang mga Pilipino basta panatilihing malusog ang pangangatawan, magsuot ng face mask at umiwas muna sa mga matataong lugar.

Pinapaalalahan rin nito ang publiko na mag-ingat para maiwasan ang sakit. Ilan na rito ang paghuhugas ng kamay, pagluto nang mabuti sa pagkain at wastong asal sa pag-ubo.

Tugon ni Duterte

Bago pa man makumpirma ang unang kaso ng 2019-nCoV sa bansa, nanawagan na sa gobyerno ang iba’t-ibang grupo, mga mambabatas at mga eksperto na magpatupad ng travel ban para sa mga manggagaling sa Tsina at iba pang apektadong bansa.

Sa isang pahayag, personal itong tinutulan ni Duterte at sinabing hindi niya umano ito gagawin dahil “hindi patas” sa mga Tsino.

Samantala, nauana namang sinabi ni DOH Secretary Duque na hindi umano ipatutupad ang travel ban sa mga turistang Tsino dahil sa maaaring epekto nito sa pulitika at diplomatikong relasyon ng Pilipinas sa Tsina.

Sinabi naman ni dating Special Assistant to the President at ngayo’y Senador Bong Go na hindi dapat ipagbawal ang pagpasok ng mga Tsino sa bansa dahil hindi lang naman umano Tsina ang tinamaan ng virus.

Sa halip, nagpatupad ang gobyerno ng boluntaryong repatriyasyon ng mahigit 300 Overseas Filipino Workers sa probinsiya ng Hubei kung saan matatagpuan ang Wuhan.

Inabot naman ng ilang araw mula nang kumalat ang 2019-nCoV sa labas ng Tsina bago pa nagpatawag ng pulong ang Malakanyang para bumuo ng plano ng aksyon. Ang naturang pulong, ginanap pagkalipas ng ilang araw matapos itong itakda at isang araw matapos makumpirma ang unang kaso ng 2019-nCoV sa bansa.

Ilang araw matapos mamatay ang ikalawang kumpirmadong kaso ng 2019-nCoV sa bansa, inanunsyo na ng Malakanyang na magpapatupad na ito ng temporary travel ban sa mga manggagaling sa Tsina, Hong Kong at Macau. Inatasan na rin nito ang iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno para magtulungan at mapigilan ang pagkalat ng virus.

Bukod dito, wala pang ibang partikular na inilalabas na plano ang administrasyon habang patuloy na nadaragdagan ang mga pinaghihinalaang tinamaan ng 2019-nCoV sa bansa.

Galit ng publiko

Sa kabila ng panawagan ng Malakanyang para sa pampulitikang ceasefire at na huwag umanong pulitikahin ang pagkalat ng 2019-nCoV, hindi naman mapigil na ulanin si Duterte ng batikos mula sa iba’t-ibang organisasyon, mga personalidad at maging mga mambabatas dahil sa huli, mabagal, walang kahandaan at kapos na aksiyon ng gobyerno sa ganitong krisis.

Naging viral sa social media ang #OustDuterte mula sa mga netizens na nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa pagtugon ni Duterte sa pagkalat ng 2019-nCoV at sa kawalan ng kahandaan ng gobyerno sa pagharap sa ganitong mga krisis pangkalusugan.

Tingin ng Bagong Alyansang Makabayan, ang pagtampok ng #OustDuterte sa social media ay isang porma ng protesta ng publiko sa malinaw na kawalan ng administrasyon ng “sense of urgency” sa harap ng sitwasyon gayundin sa naunang pagtanggi nitong magpatupad ng travel ban sa takot sa magiging ganti ng China sa bansa. Idagdag pa rito ang pagkaltas ni Duterte sa budget ng pampublikong kalusugan partikular na sa pagmonitor ng mga sakit at sa pangkalahatang serbisyong medikal.

Matindi naman ang galit ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa pagpapabaya ni Duterte sa maralita alang-alang sa relasyon nito sa Tsina. Tanong ni Gloria Arellano, tagapangulo ng Kadamay, “Pati ba naman sa panganib ng Coronavirus, China pa rin ang mahalaga sa Pangulo?”

Pinuna naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang tila pagiging kampante at ang pagpapabaya ng gobyerno sa kalusugan ng mamamayan sa harap ng pagkalat ng 2019-nCoV. Hindi umano dapat maging business as usual ang Pangulo sa harap ng ganitong krisis. Hindi umano nakikita ni Duterte ang krisis sa 2019-nCoV sa punto de bista ng mga ordinaryong Pilipino kaya tila wala itong plano at kahandaan para tugunan ang krisis.

Hindi handa, walang badyet

Ikinadismaya naman ng mga siyentista ang pagkaltas ni Duterte sa pondo ng Disease Surveillance at serbisyong medikal sa harap ng pagkalat ng 2019-nCoV.

Ayon sa Advocates of Science and Technology for the People (Agham) lalo umanong nabubuking ngayon ang kawalan ng kahandaan at kapasyahan ng gobyerno sa pagtugon sa mga sakuna.

Inabot pa umano ng 5 araw bago nakumpirma ang unang kaso ng 2019-nCoV sa bansa. Ito’y matapos pang umasa sa inupahang laboratoryo sa Australia gayong kaya naman daw ng mga lokal na siyentista at mga pasilidad dito na gawin ang naturang pagsusuri nang mas mabilis at tuluy-tuloy kung mayroon lamang mabisang plano o estratehiya ang gobyerno para harapin ang mga ganitong krisis.

Inilantad din ng Agham na sa ilalim ng pinirmahang pambansang badyet para sa 2020, napakalaki umano ng ikinaltas para sa serbisyong sosyal gaya ng kalusugan. Ang badyet umano halimbawa ng DOH para sa programa nito sa epidemiology and disease surveillance ay kinaltasan ng 56 porsiyento na katumbas lamang ng P115.5-Milyon kumpara sa P263-M noong nakaraang taon.

Ayon naman sa KMP, malaki ang kakulangan ng tauhan sa serbisyong pangkalusugan ng mahigit 10,000 na tauhan. Halos umano 25 porsiyento ng kabuuang mga barangay sa bansa ang walang nakatakdang health worker at may kabuuang kakulangan na 80,000 health workers sa field health facilities ng bansa.

Sa kabila nito, mahigit P10 bilyon naman ang kinaltas ni Duterte sa kabuuang badyet sa serbisyong pangkalusugan para sa 2020.

Sa panahon ng krisis pangkalusugan, isa sa pinakabulnerable ang mga maralita. Kaya naman nanawagan ang Kadamay na dapat mayroong emergency medical assistance ang pamahalaan para sa mahihirap. Ikinagalit nila ang pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na walang face mask na maipamimigay sa publiko.

“Napakaraming rekurso ng gobyerno, lahat ng bisyo at luho ng mga opisyal nagagawan ng paraan, pero itong simpleng face mask para sa isang emergency biglang walang magagawa?” ani Arellano.

Sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng 2019-nCoV, karaniwan nang namimigay ng libreng face mask ang mga gobyerno sa publiko para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng virus.

Nauna na ring napabalitang nagpadala ni Senador Richard Gordon sa pamamagitan ng Philippine Red Cross ng mahigit 3 milyong face masks sa Tsina.

Nanawagan naman si Gabriela Rep. Arlene Brosas sa Kongreso na mag-apruba ng supplemental budget para sa DOH na dapat gamitin sa pagmonitor sa mga kaso ng 2019-nCoV at pagpigil sa ibayo pang pagkalat nito sa bansa.

Para naman sa Bayan, sa halip umano na sayangin ang rekurso ng gobyerno sa mga walang silbing gastusin gaya ng National Task Force on Insurgency, dapat na lamang umanong paglaanan ng mas malaking pondo ang paggastos para sa pampublikong kalusugan.

Ligtas ba ang mga Pilipino sa pagkalat ng 2019-nCoV sa ilalim ng administrasyong Duterte? Ayon sa KMP, “Tila iniwan na ni Duterte ang mga Pilipino na harapin ang virus nang mag-isa,”

Kasabay ng pagkalat ng 2019-nCoV, asahang lalo ding kakalat ang pagkamuhi ng mga Pilipino sa kapabayaan ni Duterte sa kalusugan ng mamamayan para sa sarili nitong kapakanan, at sa kapakananan ng mga kasanggang-dikit nitong mga negosyante at gobyerno ng Tsina.

Sa huli, sinabi ni Arellano, “May Duterte man o wala, dapat maglaan ng serbisyo para sa mga pinakanangangailangan. Pero dahil ilang ulit nang napatunayang pabor ang Pangulo sa pagpapakatuta sa China at pagpatay sa maraming mahihirap, nararapat din siyang patalsikin.”

Neil Ambion

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.