Pambansang Isyu

Atake sa Kapamilya

February 13, 2020

Bahagi ng lahatang-panig na atake sa karapatan ng mga mamamayan ang plano ng rehimeng Duterte na mawala sa ere ang ABS-CBN.

“Lagi mo akong binabanatan, ha. Lawyer ka rin pala.”

Sabi ito ni Jose Calida, solicitor-general, sa isang reporter, nang magsampa siya ng petisyon para sa quo warranto sa Korte Suprema laban sa broadcast network na ABS-CBN 2 noong Lunes, Pebrero 10.

“Ginagawa ko lang ang trabaho ko, sir,” sagot ng reporter na si Mike Navallo, na nagkataong abogado nga rin. Nagkokober noon si Navallo sa naturang pagsampa ng petisyon ni Calida. Pinili ng SolGen na huwag sumagot ng mga tanong sa midya, pero tila pinili rin niyang sindakin si Navallo, na nagtatrabaho sa mismong network na gusto niyang ipasara.

“Mag-practice ka na lang (ng abogasya). Magkita tayo sa court,” sabi pa ni Calida. Hindi maipagkakamali: mistulang pagbabanta ang sinabi na ito ng SolGen, na tumatayong abogado ng buong administrasyong Duterte.

Palasyo ang nasa likod

Masasabing isinasalarawan ng insidenteng ito ang buong aktitud ng rehimeng Duterte sa midya, lalo na sa mga mamamahayag at institusyon ng midya na palagay nito’y bumabatikos o kumokontra rito.

“Malinaw” na lumampas sa hangganan ng opisina niya si Calida, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), nang “personalin” niya si Navallo na nagkokober lang naman ng pagsampa ni Calida ng petisyong quo warranto. “Klasikong halimbawa ng isang tauhan ng gobyerno na pinagkakamali ang posisyon ng awtoridad niya bilang lisensiya para magwasiwas ng bigat niya,” ayon sa grupo ng mga mamamahayag.

Sa pahayag ng ABS-CBN matapos ang pagsampa ng petisyon ng SolGen, sinabi ng network na desidido ang rehimeng tanggalin sa ere ang network kahit na may pagdinig pang hinihintay sa Kamara para sa franchise renewal.

“Lumalabas na sa pagsampa ng kasong quo warranto batay sa diumano’y mga paglabag ng ABS-CBN, balak ng tanggapan ng Solicitor General na ipasara ang ABS-CBN na siyang ikakapahamak ng milyun-milyong Pilipino na umaasa sa network para sa balita, libangan at serbisyo-publiko.

Agad na itinanggi ng Malakanyang at ni Calida na may kinalaman si Pangulong Duterte sa petisyong quo warranto na naghahangad na ipawalang-bisa ang prangkisa ng ABS-CBN. Pero paano nito maitatanggi na mga alyado at tauhan mismo ng Pangulo ang nagtutulak sa mga hakbang para mawalan ng prangkisa ang naturang network?

Ilang buwan nang nakabitin sa Kamara ang panukala para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN. Matatandaang pinatigil ng alyado ng Pangulo na si Palawan Rep. Franz Alvarez ang lahat ng mga pagdinig kaugnay ng franchise renewal.

Noong Disyembre 30, 2019, hinikayat pa mismo ni Duterte ang ABS-CBN na ibenta na lang ang naturang network bago mapaso ang prangkisa. “Itong ABS-, mag-expire ang contract ninyo. Mag-renew kayo, ewan ko lang kung may mangyari diyan. Kung ako sa inyo, ipagbili n’yo na ‘yan),” sabi niya.

Hindi maitatanggi na gigil si Duterte sa naturang network. Ilang kritiko at tagamasid sa pulitika ang nagsasabing maaaring pinepresyur ni Duterte ang pamilyang Lopez (na may-ari sa ABS-CBN) na ibenta ang network para mabili ng bagong-sulong na bilyonaryong si Dennis Uy.

(Nitong Setyembre 2019, biglang pumasok si Uy sa talaan ng Forbes Magazine bilang ika-22 pinakamayamang Pilipino. Matatandaang isa si Uy sa pinakamalaking campaign contributor ni Duterte. Nag-ambag ang negosyante ng di-bababa sa P30-Milyon sa kampanya ni Duterte noong 2016.)

Lahatang-panig na atake

“Walang-dudang pinatu-tunayan (ng quo warranto petition ni Calida) na desidido ang gobyernong ito na gamitin ang lahat ng kapangyarihan nito para ipasara ang broadcast network na ang muling pag-aapruba ng prangkisa, na nakasalang ngayon sa Kongreso, ay personal na pinangangako ni Pangulong Duterte na haharangin,” pahayag ng NUJP, sa wikang Ingles.

Buong suporta ang iba’t ibang grupo ng midya, kabilang ang network ng mga grupo ng alternatibong midya, Altermidya – People’s Alternative Media Network, na nagsabing walang duda nagmumula sa Malakanyang ang panibagong atake sa ABS-CBN.

“Kagagawan ang atakeng ito sa malayang pagpapahayag (free expression) at kalayaan sa pamamahayag (press freedom) ni Pangulong Duterte (mismo), na binibira ang ABS-CBN sa bawat pagkakataon, (at) inaakusahan ang network ng ‘pagkamakaisang-panig’ (‘bias’) at panggagantso (‘swindling’) dahil sa di raw pag-ere ng ilang pampulitikang patalastas niya noong kampanya para sa 2016 eleksiyong pampangulo, gayundin sa di raw pagbayad ng sapat na buwis,” ayon sa pooled editorial ng Altermidya na pinamagatang “Thrashing press freedom” (“Pagbabasura sa karapatan sa pamamahayag”).

Kapansin-pansin, ayon sa grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, na nangyari ang pagsampa ng quo warranto tatlong araw matapos ang pinakahuling maramihang ilegal na pag-aresto sa mga aktibista sa Tacloban City.

Noong Pebrero 7, nireyd ng mga pulis ang opisina ng progresibong mga grupo at inaresto ang limang aktibista, kasama pa ang isang community journalist, si Frenchiemae Cumpio, batay sa malinaw na gawa-gawang mga kaso. (Basahin ang istorya sa pahina 3.)

“Hindi magkakaiwalay ang mga kasong ito – ipinapakita nito ang organisadong mga hakbang ng mga papet ni Duterte na supilin ang mga kritiko nito sa lahat ng prente, sa desperadong pagtatangkang ikonsolida nito ang kapangyarihan. Hindi na lang tungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN ang petisyong quo warranto: atake na ito sa karapatan ng mga mamamayang Pilipino na makaalam (“people’s right to know”),” sabi ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Samantala, isa pang inaatake ni Duterte sa pagpaso sa prangkisa ng ABS-CBN ang posibleng pagkawala ng trabaho ng mga empleyado ng network. Noong katapusan ng 2018, may 6,730 regular na empleyado, 900 di-regular at mahigit 3,325 talents ang ABS-CBN, ayon sa Defend Jobs Philippines, batay sa ulat ng network sa Securities and Exchange Commission at Philippine Stock Exchange.

“Habang kinikilala natin namay iba-ibang isyu sa paggawa na inilalaban ng mga manggagawa ng Kapamilya (network, katawagan sa ABS-CBN), hindi naman nangangahulugang (makata-rungan ang) di-pag-renew sa prangkisa ng ABS-CBN…(L)ibu-libong pamilya pa rin ang umaasa sa network na ito para sa kanilang kabuhayan,” sabi ni Gerardo Serue, tagapagsalita ng Defend Jobs Philippines.

Dahil sa garapal na mga atake ng rehimeng Duterte sa midya at karapatan ng mga mamamayan, unti-unting nagkakaisa ang iba’t ibang sektor para labanan ito.

Naglunsad ang NUJP ng online petition para sa franchise renewal ng ABS-CBN na mabilis na umabot sa halos 200,000 ang pumirma (nang isinusulat ang artikulong ito). Target ng petisyon sa change.org (https://www.change.org/p/abs-cbn-one-million-for-abs-cbn-s-franchise) na makakalap ng isang milyong pangalan.

Maliban sa mga grupo ng midya, mga grupong pangkarapatang pantao, mga organisasyong masa katulad ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Anakbayan, Gabriela, at iba pa, mismong mga empleyado at maging artista ng ABS-CBN (tulad nina Anne Curtis, Vice Ganda, Jolina Magdangal, Lorna Tolentino, Baron Geisler, at iba pa) ay nakiisa para igiit ang karapatang muling makapag-ere ng naturang network.

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is Pinoy Weekly's editor-in-chief and a board member of PinoyMedia Center, Inc.