Editoryal

Hustisyang may-kiling sa mga naghahari

December 3, 2019

Kalakaran sa ilalim ni Duterte ang kawalan ng pananagutan, pagabsuwelto – pagbasura ng kaso o pagpapalaya – at pagbibigay ng ispesyal na trato sa mga mandarambong at iba pang mga kriminal mula sa hanay mga mayayaman at maimpluwensiya.

Ganap na ang pagkaka-absuwelto ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo mula sa anumang kaso ng pandarambong.

Nito lang nakaraan, ibinasura na ng Ombudsman, batay sa kakulangan diumano ng ebindensya, ang natitirang kaso ng plunder, malversation of public funds at graft laban kay Arroyo at iba pang mga opisyal kaugnay ng hindi wastong paggamit ng P73 milyon pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office noong 2004 hanggang 2007.

Napalaya si Arroyo isang buwan matapos maupo bilang presidente si Pangulong Duterte nang ibasura ng Korte Suprema noong Hulyo 2016 ang kaso ng pandarambong ni Arroyo sa P366-M pondo ng PCSO mula 2008 hanggang 2010.

Kalakaran sa ilalim ni Duterte ang kawalan ng pananagutan, pag-absuwelto – pagbasura ng kaso o pagpapalaya – at pagbibigay ng ispesyal na trato sa mga mandarambong at iba pang mga kriminal mula sa hanay mga mayayaman at maimpluwensiya. Ilan sa halimbawa ang pagbasura ng mga kaso ng pandarambong ni Imelda Marcos, Sen. Bong Revilla, Jinggoy Estrada; Ang pag-absuwelto sa kaso ng korupsiyon kina House Speaker at 2019 Philippine South East Asian Games Organizing Committee Chairman Allan Peter Cayetano at dating puno ng Bureau of Customs at Bureau of Corrections na si Nicanor Faeldon; Ang pag-absuwelto sa kasong kriminal ni dating Philippine National Police Chief of Staff Oscar Albayalde sa pagkakaugnay nito sa “ninja cops” at ang pagbasura ng mga kaso sa mga kilalang drug lords tulad nina Kerwin Santos at Peter Lim. Isama na rin sa mga ito ang munitk nang pagpapalaya sa mga nahatulang kriminal tulad ni dating Mayor ng Calauan, Laguna na si Antonio Sanchez.

Sa kabilang banda naman, ang mahihirap at iba pang batayang seksiyon ng populasyon ay dinadanas ang kawalan ng hustisya. Mas malala pa, ginagamit ni Duterte ang batas para supilin at patahimikin ang mga naghahanap ng hustisya.

Kunsabagay, papel naman talaga ni Duterte, tulad ng lahat ng naging pangulo ng bansa, na tiyaking kumikiling sa naghaharing uri ang sistema ng hustisya upang protektahan ang kanilang mga interes.

“Naabsuwelto at nababasura ang mga kaso ng mga alyado ni Duterte habang ang mga kritiko at nagpapahayag ng diskuntento ay nabiktima diumano ng weaponization of the law ng rehimen ni Duterte sa pamamagitan ng serye ng mga reyd, mga search warrant, ilegal na mga pag-aresto, at ang pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso,” ani Alex Danday, tagapagsalita ng Anakbayan.

Kaya wasto ang opinyon ng Anakbayan hinggil sa usapin: hindi makakaasa ng anumang hustisya sa ilalim ng rehimen ni Duterte at nanatiling mailap ito para sa milyun-milyong Pilipino na nabiktima ng mga may kapangyarihan sa pulitika at ekonomiya.

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.