Hindi sila kailanman natuto


Matalino at mapagmasid ang taumbayan. Lumalaban ang isang tao hindi dahil siya ay na-brainwash o may nag-uudyok sa kaniya kundi dahil siya mismo ang nakakaramdam ng pagpapahirap ng mga naghaharing uri. Saksi siya sa katiwalian at korupsiyon at ang kabulukan ng gobyerno.

Hindi deklarado ang Martial Law sa bansa ngunit hindi na rin nalalayo sa batas militar ang istilo ng pagpapatakbo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gobyerno. Buong-lakas na iwinawasiwas ni Duterte sa polisiya ng whole-of-nation approach ang tatlong sangay ng gobyerno – executive, legislative at judiciary, ang kapulisan at militar at ang mga batas laban sa mga tingin nitong “banta” sa “kaayusan” na nais nitong ipatupad.

Higit naging agresibo ang estado sa pag-atake sa mga kritiko, oposisyon, mga human rights defenders at mga aktibista nang buuin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at ang counterpart nito sa NCR. Aminin man o hindi ng estado, itinuturing nitong kalaban ang mga progresibong organisasyon kasama ang mga lider at kasapi nito. Kaya tila naging normal na ang red-tagging at panggigipit, marahas na aksyon laban sa mga mapayapang pagkilos, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, pag-aresto at mas masahol pa’y pagpatay.

Kailanma’y hindi na natuto ang estado at mga naghaharing uri – anumang pilit nilang sikilin ang paglaban, higit pa itong susulong. Nang ipataw ng diktador na si Ferdinand Marcos ang Martial Law noong dekada sitenta, nagpunyagi ang mga aktibista at mga kontra sa diktadurya sa lihim na paraan ng pagkilos. Sa yugtong din ito ng kasaysayan lumakas ang rebolusyonar-yong kilusan.

Matalino at mapagmasid ang taumbayan. Lumalaban ang isang tao hindi dahil siya ay na-brainwash o may nag-uudyok sa kaniya kundi dahil siya mismo ang nakakaramdam ng pagpapahirap ng mga naghaharing uri. Saksi siya sa katiwalian at korupsiyon at ang kabulukan ng gobyerno. Huwag insultuhin ng gobyerno ang taumbayan. Meron silang kakayahang magsuri at maging kritikal.

Hangga’t pina-ngangalagaan nila ang makitid na interes ng kanilang uri, na nagdudulot ng paghihirap ng mayor na bahagi ng populasyon, hangga’t namamayani ang inhustisya, laging may titindig at lalaban. Alam ito ng naghaharing uri. Nagtatanga-tangahan lang sila.