Kapirasong Kritika

Gilas ni Gelacio

September 10, 2019

Sa kanya, makikita ang lubos na pagpaloob ng intelektwal sa rebolusyon. Sa mga ito, rebolusyunaryo siya higit sa lahat – bago maging manunulat, alagad ng sining o manggagawang pangkultura.

Noong ikalawang hati ng dekada ’90 pataas, maraming estudyanteng aktibista ang naakit magbasa ng mga sanaysay ni Gelacio Y. Guillermo, kasama ang mga naisulat niya sa nom de plume na nom de guerre din na Kris Montañez. Mga aktibistang mahilig, bukod sa pambansang kalagayan at rebolusyon, sa panitikan at kultura – sa panunuring panlipunan din, at sa mga kaisipan sa pangkalahatan. Pagkatapos ng mga batayang akda ni Joma, ang ilan, si “Gelas” na ang binabasa.

Panahon iyun ng “katapusan ng kasaysayan”: sinamantala ng imperyalismong US ang pagbagsak ng modernong rebisyunismo sa Unyon Sobyet at ang lalong pagbubukas sa merkado ng modernong rebisyunismo sa China para palabasing natalo ng kapitalismo ang sosyalismo. Sa bansa, sinagpang din ang tunggalian sa Kaliwa. Hambog ang kapitalismo: ito raw ang maghahatid sa mundo ng demokrasya at kaunlaran. Ang bansa, magiging NIC daw sa “Philippines 2000.”

Sa Pilipinas, mapapanatiling buhay ang mga kaisipang radikal sa nagpupunyaging kilusang makabayan. Sa akademya, sa pangkalahatan ay mahina ang naturang mga kaisipan, pero pinakamasigla na sa larangan ng panitikan, sining at kultura. May mga aktibistang magbabasa kay Guillermo, at sa kanyang mga “tsokaran” din, dahil required reading sa ilang klase; may mga magbabasa dahil inirerekomenda at tinatalakay, bukambibig pa nga, ng mga naunang kapwa-aktibista.

Gelacio, kasama si Cesar Lacara, awtor ng "Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway: Talambuhay ni Tatang." Kuha sa bahay nina Tatang sa Tondo, Manila. Larawan ni <b>Jimmy A. Domingo</b>

Gelacio, kasama si Cesar Lacara, awtor ng “Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway: Talambuhay ni Tatang.” Kuha sa bahay nina Tatang sa Tondo, Manila. Larawan ni Jimmy A. Domingo

Maraming dahilan para tanggihan ang pagtingin ng pilosopong si Georg Lukacs na higit sa anumang tesis, ang metodo ang mahalaga sa Marxismo. Pero tampok ang metodo sa maraming akda ni Guillermo. Lagi siyang nagmumula sa masaklaw na pagsusuring rebolusyunaryo sa kalagayan at kasaysayan ng bansa, sa pakikibaka at kontra-pakikibaka, hindi sa tanaw mula sa balon ng panitikan at kultura, bago tumutungo sa huli – nang dala ang malalim na kalaaman sa mga ito.

Ang natatangi sa mga sanaysay niya ay ang yaman ng impormasyon, karanasan at matalas na pagsusuri hinggil sa rebolusyunaryong panitikan at kultura kung saan ito pinakamahalaga – sa hanay ng masang magsasaka sa kanayunan, kaugnay ng armadong pakikibakang isinusulong ng New People’s Army o NPA. Iilan lang, kung mayroon man, sa kanyang mga kasabayang manunulat ang maramihang nakapaghango ng mga ito para ihapag sa mga mambabasa.

Sa kabila ng, o marahil dahil sa, lalim ng lubog niya sa rebolusyunaryong panitikan at kultura, at mismong pakikibaka, hindi kakikitaan ang mga sanaysay niya ng bara-barang pasada at husga sa mga personahe ng di- o kontra-rebolusyunaryong kaisipan. Masinsin ang kanyang pagbasa sa kanila, masinop ang mga kategoryang ginamit sa kanila, at mapagpasya siyang nagsasara ng mga usapin sa mambabasa kahit hindi kakikitaan ng pagsisikap na patahimikin ang tinutuligsa.

Kakatwa na marami sa mga sulatin niya, na bumubuo ng isang rurok ng pagbuo at pagbubuod sa rebolusyunaryong panitikan at kultura, ay nagawa noong dekada ’80, panahon ng pagliko’t pag-ikid ng pakikibaka. Sa kalakhan, dahil sa mahigpit na pagtangan ng mga ito sa mga batayang prinsipyo, at sa pangunahing porma ng paglaban, nanatili silang wasto, makabuluhan sa dekada ’90 at higit pa – bagamat dapat maging kritikal kung mayroon pa ring ipa sa bigas, kumbaga.

Sa mga sanaysay ni Guillermo, makikita ang lubos na pagpaloob ng intelektwal sa rebolusyon. Sa mga ito, rebolusyunaryo siya higit sa lahat – bago maging manunulat, alagad ng sining o manggagawang pangkultura. Pangunahin kung pangunahin: sa tanaw ng rebolusyon nagmumula ang tanaw ng rebolusyong pangkultura. Rebolusyunaryong panitikan at kultura na nag-aambag sa armadong pakikibaka. Para bang NPA pa rin na nagpapaliwanag sa masa kapag tinutuligsa ang mga katunggaling intelektwal at mga impluwensyado nila.

Si Gelacio, tagapagsalita hinggil sa kalagayan ng panitikan at sining ng pesanteng Pilipino sa isang kumprenensiya ng inisponsor ng Gapas Foundation. Larawan ni <b>Jimmy A. Domingo</b>

Si Gelacio, tagapagsalita hinggil sa kalagayan ng panitikan at sining ng pesanteng Pilipino sa isang kumprenensiya ng inisponsor ng Gapas Foundation. Larawan ni Jimmy A. Domingo

Ngayon, sa pagpanaw niya, nalalaman natin ang buhay na humubog sa mga sulatin. Lumaki’t nagkaisip sa Hacienda Luisita, naging working student. Unang hati ng dekada ’60 pa lang, nakikisangkot na bilang aktibista at manunulat. Nakapagturo at napatalsik sa maraming paaralan kaugnay ng pagmumulat at pag-oorganisa. Nag-underground noong Batas Militar at lumahok sa armadong paglaban. Tumulong sa pagsulat at paglilimbag ng maraming rebolusyunaryong akda.

Pumanaw na si Guillermo, pero nagpapatuloy ang kilusan. Ang mga akda niya, nasulat man sa nakaraan, ay kumakatawan sa isang rurok ng pakikibaka at rebolusyunaryong gawain sa panitikan at kultura. Sa pagpupunyagi ng kilusan ng sambayanan, patuloy siyang babasahin para kuhanan ng aral at inspirasyon – katunayan, papaigting hanggang tagumpay. Mananatili siyang buhay, at nasa hinaharap pa ang lubusang paggagap at pagyakap sa kanya.

09 Setyembre 2019
Teo S. Marasigan

Teo S. Marasigan

Si Teo S. Marasigan ay isang kolumnista na tumatalakay sa progesibong pulitika at popular na kultura.