Ginigipit, pero lumalaban

June 5, 2019

Hindi patitinag ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at maka-manggagawa sa mga bigwas ng rehimeng Duterte: Magpupunyagi sila.

Sinusupil, nilalamangan, dinadahas. Sa kabila nito, nagpupunyagi ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. Lumalaban at nagtatagumpay.

Ito, mistula, ang naging tema ng nakaraang linggo. Lunes, Hunyo 3, nang maglabas ng hatol ang San Mateo Regional Trial Court sa kasong illegal possession of firearms sa aktibista at organisador ng mga manggagawa sa transportasyon, si Marklen Maojo Maga. Ang hatol: maysala raw si Maga. Sa kabila ito ng malinaw na mga ebidensiya na nagtuturo sa pagiging “planted” o gawa-gawa ng mga ebidensiya. Tantiya ng mga kasamahan ni Maga, tinakot o pinresyur ang judge na pumabor sa malinaw-na-pekeng ebidensiya ng mga pulis.

Hedda Calderon, matapos ang ilegal na pag-aresto sa kanya noong Oktubre 2018. <b>Kontribusyon/Joms Salvador</b>

Hedda Calderon, matapos ang ilegal na pag-aresto sa kanya noong Oktubre 2018. Kontribusyon/Joms Salvador

Sa araw ring ito, pumayag naman ang Sta. Cruz Regional Trial Court na magsampa ng bail si Hedda Calderon, matagal nang aktibista sa kilusang kababaihan na bahagi ng tinaguriang Sta. Cruz 5. Katulad ni Maga, peke at planted ang nakuha raw na mga “baril at pampasabog” sa kotseng sinakyan niya at nina Adelberto Silva, Edisel Legaspi, Ireneo Atadero at Julio Lusania, noong Oktubre 15, 2018 sa Sta. Cruz, Laguna. Ibig sabihin nito, ayon sa mga abogado, mahina ang ebidensiya sa kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa sa lima.

Samantala, noong Hunyo 2, pinaslang naman ng di-pa-kilalang armado, si Dennis Sequena, organisador ng Partido Manggagawa na nangangasiwa ng di bababa sa tatlong labor disputes, sa San Pedro City, Cavite. Kinondena ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa ang pamamaslang.

Noong Mayo 30 naman, pinaboran ng Korte Suprema ang hiling ng mga grupong Karapatan, Gabriela at Rural Missionaries of the Philippines (RMP) para sa writs of amparo at habeas data laban sa mga respondent ng petisyon na sina Pangulong Duterte, Defense Sec. Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mga opisyal ng militar at pulisya, at iba pang opisyal ng rehimeng Duterte.

Ang writ of amparo ay utos ng korte na protektahan ang mga petisyuner na may banta sa kanilang buhay, sa kanilang kalayaan at seguridad mula sa mga militar, pulis at iba pang armadong puwersa ng Estado. Ang writ of habeas data naman ay utos ng korte sa mga awtoridad ng Estado na ilabas sa mga petisyuner ang lahat ng dossier na hawak nito ukol sa petisyuner (sa kaso ng sa itaas, ang Karapatan, Gabriela at RMP) at kung kailangan, sirain ang mga dokumento o dossier na ito.

Paliwanag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, na patunay ang naturang desisyon na may magagawa ang kilusang masa o ang nagkakaisang mga mamamayan para pigilan ang mga atake at igiit ang kanilang mga karapatan.

“Paalala ito sa gobyerno na makakahanap ang mga sektor at tagapagtanggol (ng karapatang pantao) na inaatake para igiit (ang karapatan) at makapagpanagot sa mga maysala, sa kabila ng koordinadong pambabraso,” sabi ni Palabay.

Mga mambabatas ng blokeng Makabayan, nagpahayag ng pagtutol sa "Security of Tenure" Bill sa Kamara. <b>Kontribusyon</b>

Mga mambabatas ng blokeng Makabayan, nagpahayag ng pagtutol sa “Security of Tenure” Bill sa Kamara. Kontribusyon

Bigo sa endo

Malinaw, bahagi ng koordinadong pambabraso ng rehimeng Duterte sa kilusang manggagawa at kilusang masa ang panghaharas, pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso, at pamamaslang sa mga organisador at lider nito.

Sa ilalim ng rehimeng Duterte, nasaksihan sa kilusang manggagawa ang muling pagsigla sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga pagkakaisa sa hanay ng iba-ibang grupo. Nagkakaisa sila batay sa pagtutulak na ibasura ang kontraktuwalisasyon at magkaroon ng pambansang minimum na sahod sa mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor. At sa patuloy na di pagtugon ng rehimeng Duterte sa mga panawagang ito, lalong lumalakas ang paniningil ng mga manggagawa.

Patuloy pa rin ang pagpapanggap ng rehimen na may ginagawa ito sa isyu ng kontraktuwalisasyon. Sa kasalukuyan, sinisikap ng mga alyado ng rehimeng Duterte na iratsada sa Kongreso ang Senate Bill 1826 o ang isang “Security of Tenure” Bill. Pinapakete ito ng mga alyado ni Duterte bilang solusyon sa problema ng kontraktuwalisasyon. Pero nagkakaisa ang mga grupo ng mga manggagawa tulad ng Kilusang Mayo Uno, Nagkaisa! Coalition, at iba pa, sa paninging “peke” at nagpapasahol pa sa problema ng naturang panukalang batas.

Nasa third and final reading na ang SB 1826. Ayon sa KMU, hindi umano ipinagbabawal nito ang “fixed-term” at “multi-layered” na pangongontrata (mas kilala bilang iskemang “endo” o end of contract). Samantala, walang pangil umano ang mga probisyon nito sa mga employer at nangongontratang ahensiya na sangkot sa labor-only contracting.

“Desidido si Duterte na mapatahimik ang lumalakas na pagkondena ng mga manggagawa sa kanyang bigong mga pangako na ibasura ang kontraktuwalisasyon sda pamamagitan ng pagdeklara sa SOT Bill bilang priority bill. Pero lalo lang ikinagagalit ng mga manggagawa ang pataksil na pagraratsada sa pekeng SOT Bill na nagpapatunay na protektor siya ng malalaking negosyo at ahensiya sa kontraktuwalisasyon,” paliwanag ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Kitang kita umano ng mga manggagawa ang tangkang panlilinlang ng rehimen sa SB 1826.

Bigwas sa manggagawa

Dahil di nadadaan sa panlilinlang, sinisikap umano idaan ng rehimeng Duterte sa pandadahas ang pagpapatahimik sa naggigiit na mga manggagawa.

Mula nang maupo si Duterte sa poder, marami nang lider-manggagawa at organisador sa hanay ng mga manggagawa, isama pa ang iba pang aktibista at lider-masa, ang kinasuhan, kinulong, hinaras, at pinaslang.

Kabilang na sa mga kinulong: sina Oliver at Rowena Rosales, dating mga organisador sa hanay ng mga kawani ng gobyerno (illegal na inaresto noong Agosto 11, 2018); Juan Alexander “Bob” Reyes, dati ring organisador sa mga kawani ng gobyerno at organisador sa mga manggagawa (inaresto Hunyo 2, 2018); si Ireneo Atadero, matagal nang organisador ng KMU (inaresto Oktubre 15, 2018); at ang mga labor rights advocates na consultant pangkapayapaan ng National Democratic Front na sina Adelberto Silva (inaresto Oktubre 15, 2018); Ferdinand Castillo (inaresto Pebrero 12, 2017); at Renante Gamara (inaresto Marso 20, 2019).

Kasama rin sa mga aktibista at konsultant pangkapayapaan na nakakulong sina Rey Casambre (kinulong noong Disyembre 11, 2018) at Vicente Ladlad (inaresto noong Nobyembre 8, 2018).

Lahat sila, at ang iba pa, kinasuhan batay sa gawa-gawang mga kaso, itinanim na mga baril, bala at granada o eksplosibo.

Sa kaso ni Hedda Calderon, gayundin sa naunang pagbasura sa kasong illegal possession of explosives kay Rafael Baylosis (inaresto noong Enero 31, 2018, binasura ang kaso at pinalaya noong Enero 18, 2019), kinatigan ng korte ang panig ng mga bilanggong pulitikal. Pero sa kaso ni Maojo Maga, tila pumanig ang korte sa malinaw na di kapani-paniwalang mga pahayag ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) gayundin ang ebidensiyang baril at bala na malinaw na itinanim kay Maga.

Nagsalita si Elmer "Ka Bong" Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, sa piket sa harap ng San Mateo RTC matapos ang promulgasyon ng kasong illegal possession of firearms and ammunitions kay Maoj Maga. Sa kaliwa ang asawa ni Maoj na si Lengua de Guzman at anak nilang si Li Boy. <b>Kontribusyon</b>

Nagsalita si Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, sa piket sa harap ng San Mateo RTC matapos ang promulgasyon ng kasong illegal possession of firearms and ammunitions kay Maoj Maga. Sa kaliwa ang asawa ni Maoj na si Lengua de Guzman at anak nilang si Li Boy. Kontribusyon

Di patitinag

Ilegal na dinukot si Maga noong Pebrero 22, 2018, habang naglalaro ng basketball at matapos maghatid sa kanyang anak sa eskuwela sa kanilang komunidad sa San Mateo, Rizal. Malinaw sa mga saksi na walang dalang baril si Maga. Wala siyang paggagamitan nito habang nagbabasketball, habang hatid-sundo sa anak, o habang nag-oorganisa ng mga manggagawa at tsuper ng jeepney.

Sa kabila nito, ipinakita ni Maga ang kanyang patuloy na paglaban sa harap ng desisyon. Malamang na iaapela ng mga abogado niya ang desisyon ng San Mateo RTC. Samantala, hindi natitinag ang mga kaanak niya sa pagpapatuloy ng laban para mapalaya si Maga at iba pang bilanggong pulitikal.

“Napakasakit makita ang mabubuting tao na nasa kulungan. Habang ang mga kriminal, mandarambong at mamamatay-tao ay nasa laya at nagpapakasasa sa kapangyarihan,” sabi ni Lengua de Guzman, asawa ni Maga at isa ring aktibista sa kilusang paggawa. Gayumpaman, sinabi niyang hindi nila isusuko ang laban para sa asawa at sa iba pa.

“Hindi katapusan ng laban para sa kalayaan ni Maoj ang desisyon ngayon. Iaangat natin sa ibang antas ang laban, magsasagawa tayo ng mga aksiyong legal, at igigiit ang pagpapalaya kay Maoj at iba pang bilanggong pulitikal,” sabi pa ni de Guzman.

Kinabukasan ng promulgasyon ng kaso, nasa lansangan muli siya, ang kanyang anak na si Li Boy at iba pang aktibista at tagasuporta. Nagprotesta sila sa harap ng tanggapan ng Department of Justice sa Manila para kondenahin ang inhustisyang sinasapit ni Maga sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Sa kabila ng mga panunupil, panlalamang at pandarahas, nananatili sila at nagbubuo ng pagkakaisa sa hanay ng mga kapwa manggagawa at mamamayan – para makakamit ng higit pang mga tagumpay para sa kanilang mga karapatan at kapakanan.

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a cultural and political writer who regularly contributes for Pinoy Weekly.