Konteksto

Pagkukunwari sa ngalan ng peryodismo

January 28, 2019

Para sa estudyanteng kumukuha ng Peryodismo sa kolehiyo, malaking insulto ang ginagawa ng mga bayarang propagandista o hao siao na ito sa paglapastangan sa propesyon.

Hindi porke’t peryodista ay peryodismo na ang ginagawa niya. Bagama’t may mga peryodistang nagsusulong ng responsableng peryodismo, may mga peryodista rin namang nagpapakalat lang ng propaganda ng gobyerno.

Para sa ordinaryong tagasubaybay ng midya, malalaman lang ang kaibahan ng tunay sa iresponsableng peryodista kung babasahin ang inuulat niya. Tatlong tanong lang ang kailangang sagutin: (1) Nainterbyu ba ang iba’t ibang panig o taga-gobyerno lang ang binigyan ng boses? (2) Sinuri ba ang pahayag, lalo na ng taga-gobyerno, kung ito ay makatotohanan? (3) Ginagamit ba ang mga salitang “honorable,” “kagalang-galang” o iba pang kapuri-puring termino para tukuyin ang mga ininterbyung nasa kapangyarihan?

Sadyang iba ang pagsusulat ng balita (news) sa simpleng pagkopya ng praise release. Hindi po ako nagkamali sa paggamit ng terminong praise release (sa halip na press release). Ano pa ba ang matatawag mo sa isang opisyal na pahayag na abot-langit ang papuri sa politiko o opisina ng gobyerno? At matatawag mo pa bang peryodista ang bulag na nag-uulat sa pamamagitan ng wagas na pagkopya?

Kung “hindi” ang sagot natin sa huling tanong, ano kaya ang akmang termino para sa ganitong klaseng tao? Mainam ba siyang tawaging bayarang propagandista? O mas uubra kaya ang hao siao (nagkukunwaring peryodista)? Anuman ang terminong piliin, kailangan lang nating ulit-ulitin ang puntong hindi peryodismo ang ginagawa niya.

Para sa estudyanteng kumukuha ng Peryodismo sa kolehiyo, malaking insulto ang ginagawa ng mga bayarang propagandista o hao siao na ito sa paglapastangan sa propesyon. Sadyang hindi rin ito magandang halimbawa sa mga mag-aaral ng elementarya’t hayskul, lalo na sa mga interesadong lumahok sa peryodismong pangkampus (campus journalism).

Kahit na nararapat lang na punahin ang mga indibidwal na piniling maging bayarang propagandista o hao siao, kailangan ding isakonteksto ang kanilang maging gawi sa sistemang umiiral sa midya.

Tandaan nating may mga organisasyong pang-midya (media organizations) na pag-aari ng mga may interes sa politika o negosyo. Kahit na hindi sila kumikita, may pakinabang pa rin ang pagiging may-ari ng midya para makakuha ng pabor mula sa mga nasa kapangyarihan. At dahil wala silang pakialam sa pagsusulong ng responsableng pamamahayag, kung sino-sino na lang ang kanilang kinukuhang tagapaghatid ng balita. Kung tutuusin pa nga, walang lugar sa kanilang organisasyon ang responsableng peryodista dahil baka lumabas pa ang baho nila.

Kung may malaking kinalaman ang pribadong sektor, malaki rin responsibilidad ng gobyerno sa pagbibigay ng masamang pangalan sa Peryodismo. Hindi lang ito tungkol sa pagkalat ng “fake news” mula sa ilang nasa kapangyarihan at sa mga organisasyong pang-midyang nakapaloob sa gobyerno. At lalong hindi lang natin tinutukoy ang kawalan ng sapat na kaalaman ng ilang opisyal at empleyado ng gobyernong ang pangunahing trabaho ay komunikasyonng pangmadla at midya. Higit pa sa mga importanteng puntong ito, kailangang suriin ang retorika ng opisyal na polisiya.

Mainam na tutukan sa puntong ito ang polisiya ng pamahalaan tungkol sa editorial independence. Kung susuriin ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2016, ilang beses niyang binanggit ang terminong “editorial independence.” Binanggit niya ang pagbubuo sa isang People’s Broadcasting Corporation (PBC) na papalitan ang kasalukuyang PTV 4. Sabi ni Duterte, magkakaroon ang PBC ng “editorial independence through innovative programs and intelligent treatment and analysis of news reports, as well as developments of national and international significance.” Aba, kahit ang Radyo ng Bayan ay sinabi rin ni Duterte na magkakaroon ng “upgrading to make it financially viable and dependable for accurate, independent and enlightening news and commentary.” Ayon kay Duterte, ang Radyo ng Bayan (tinatawag ngayong Radyo Pilipinas) ay ipapaloob sa PBC.

Sa unang tingin, magandang balita ito para sa mga nagtatrabaho sa PTV at Radyo Pilipinas dahil may oportunidad na silang maging tunay na peryodista bunga ng pangakong editorial independence. Sa wakas, may “tagumpay” nga ba tayong puwedeng ipagbunyi?

Noong Hulyo 28, 2016, isinumite sa Senado ni Sen. Loren Legarda ang Senate Bill No. (SBN) 913. Makalipas ang ilang araw (Agosto 4, 2016), isinumite naman sa House of Representatives ni Rep. Alfred Vargas ang House Bill No. (HBN) 2143. Pareho ang nilalaman ng mga panukalang batas na ito at layunin nilang buuin ang PBC. Sabi sa Sec. 4 (Independence) ng SBN 913 at HBN 2143, ang PBC ay magiging “independent in all matters concerning contents of its output.” Totoo kaya ito?

Kung gusto nating busisiin ang komposisyon ng planong PBC board of directors na binubuo ng pitong katao, may tatlong mula sa gobyerno, tatlong mula sa pribadong sektor at isang mula mula sa sektor ng edukasyon. Bagama’t may maliit na mayorya (57 porsyento) ang pribadong sektor at sektor ng edukasyon, hindi pa rin matatawaran ang kontrol ng gobyerno hindi lang sa pamamagitan ng board of directors kundi pati na rin sa mismong patakarang nakapaloob sa Sec. 10 (Functions) ng SBN 913 at HBN 2143.

Nakasaad kasing ang PBC ay magsisilbing “vehicle for bringing the government closer to the people” (Sec. 10-b). Hindi rin ito mag-eere ng anumang bagay na “outrage public feeling in general” (Sec. 10-g.4). Nasaan ang kalayaang nais ibigay sa PBC kung isinusulong pa rin nito ang interes ng gobyerno?

Para sa pamahalang ito, malinaw na ang kalayaan sa pamamahayag at editorial independence ay mga terminong ginagami lang para pagtakpan ang patuloy na pagkompromiso sa peryodismo. Kung ang opisyal na retorika ay hindi tumutugma sa nakasaad na polisiya, hindi na nakakagulat ang patuloy na paglapastangan sa propesyong may susing papel sa pagpapaunlad ng demokrasya.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
Danilo Araña Arao

Danilo Araña Arao

Si Danilo Araña Arao ay kawaksing propesor (associate professor) sa Departamento ng Peryodismo, Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Siya rin ay kawaksing patnugot (associate editor) ng Bulatlat Multimedia at nasa board of directors ng Alipato Media Center at Kodao Productions.