FEATURED

Gloria: Istorya ng welgistang lola


Subok at maaasahang paraan ang pag-uunyon para itrato nang patas at may dignidad ang mga manggagawa.

Isang mainit na Lunes na hapon iyon. Tawanan at kantyawan ang maririnig sa pagtitipon ng mga manggagawa sa plantasyon ng saging sa Brgy. Osmeña, Compostela, Compostela Valley. Diretsuhan ang agenda ng pagpupulong. Sinasangguni ng unyon ang buong kasapian kung itutuloy ang welga. “Nagbibiro ka ba? Hindi tayo titiklop. Sinimulan natin ang welga, tatapusin natin ito,” sigaw ng isang babae na tila nainsulto sa tanong.

Nangiti sa paghanga ang ilang batang lalaking unyonista. “Mahiya naman tayo sa mga lola. Mas matapang pa sila sa atin! sabi ng isang lalaki.

Sa siksikang lugar ng welga ay may mahigit 60 lola na banana packer ng Sumifru Packing Plant 230, kung saan halos 95 porsiyento ng manggagawa ay kababaihan.

Mga kasapi sila ng pinagsamang unyon ng manggagawa sa sagingan na Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farm (Namasufa) sa ilalim ng lokal na tsapter na Packing Plant 230 (PP230). Nagwelga sila noong Oktubre 11 dahil sa hindi pagsunod ng Sumifru sa utos ng Korte Suprema na ituring silang regular na manggagawa at patuloy na tumangging makipag-usap sa collective bargaining negotiation (CBA).

Kilala ang PP230 bilang unyon ng ng kababaihan.

Mula sa grupong ito, mahirap hindi mapansin si Gloria Delantes, 60, kilala rin bilang “blondie” dahil sa kulay ng kanyang buhok. Siya ang ingat-yaman ng PP230. Kabisado niya ang pasikut-sikot ng industriya ng saging sa Compostela mula nang patagin ng mga buldoser ang palayan at maisan sa Compostela para gawing plantasyon ng saging.

Gloria, unyonista

Dating nagtitinda ng kopra at abaka si Gloria at kayang asawa. May lima siyang Gloria istorya ng welgistang lola anak; tatlo ang namatay dahil sa sakit. Ayon sa kanya, mahirap sila noon pero nakakaagapay naman at hindi nagugutom dahil palaging may mga gulay at prutas na makakain.

Pero noong 1990, nagsimulang magtrabaho sa plantasyon ang mga tao. Kabilang si Gloria bilang taga-punla noong una. Naalala niya pang na-expose siya sa pestisidyo noon. Sa ngayon, kumikita siya ng P365 kada araw. Nakapagtrabaho na siya bilang tagapili, tagatimbang, tagabalot at tagatatak.

Marami silang nagiging problema sa packing plant. Mula sa hindi pagbabayad sa kanilang Philhealth, SSS, leave privilege, maternity leave, night differential; kawalan ng tamang proseso sa pagbibigay ng aksyong pandisiplina laban sa mga manggagawa, arbitraryong suspensiyon, at ilegal na pagtanggal. Ikinuwento ni Gloria na ang ganitong kalagayan ang bumuhay sa kolektibong pakikibaka ng mga manggagawa sa sagingan na pinaghihiwalay ng malalawak na ektarya ng taniman at plantasyon, at kung paanong nagbuo ng unyon ang kababaihan.

Dumating din umano sila sa punto na nagtrabaho siya ng 12-20 oras sa isang araw, mula alas-tres ng madaling araw para lamang mapunuan ang kota sa produksiyon.

Inirereklamo ang Sumifru Philippines Corp. dahil sa hindi pagpapatupad ng regularisasyon ng mga manggagawa at idineklara ng DOLE bilang isa sa 20 kompanya na sangkot sa ilegal na laboronly contracting.

Pagtatayo ng unyon

Napapraning umano noon ang manedsment dahil sa pag-uunyon ng ibang packing plant. May mga espiyang nagmamanman sa tuwing sila’y nagpaplanong magtipon. Ininteroga ang kababaihan at pinagsabihang inuuna pa ang pag-uunyon kaysa resonsibilidad sa pamilya. Kaya napilitang kumilos nang palihim ng mga kababaihan. Huli na nang malaman ng manedsment na nakapagparehistro na ang Packing Plant 92 Workers Union (PP92WU) sa DOLE noong 2006.

“Medyo nasindak ang manedsment sa amin, dahil alam nilang isang unyon na kami. Iisa ang aming kaisipan at handa kaming tulungan ang bawat isa,” sabi ni Gloria.

Bilang ingat-yaman, inakusahan siya ng mga sundalo na nagbibigay umano ng pondo ng unyon para ipambili ng mga baril at bala para sa rebeldeng New People’s Army (NPA). Isang sundalo pa umano ang nagsabi sa kanya na ang Kilusang Mayo Uno (KMU) ay prente ng mga rebelde. At isa pa ang nagsabi na “Nanay, matanda na kayo. Handa ka bang mamatay para sa KMU?” Naapektuhan man siya, pero nanatili siyang matapat sa unyon.

Tagumpay sa sama-samang pagkilos

Dahil sa sunod-sunod na tagumpay ng militanteng unyon sa Compostela, lalong tumindi ang paniniwala ni Gloria na kapag nagkakaisa ang mga manggagawa, walang ibang patutunguhan kundi tagumpay.

Noong Disyembre 2013, walang dahilang tinanggal si Gloria at 200 pang manggagawa sa sagingan dahil sa bintang na sinasabotahe nila ang produksiyon matapos may matagpuang bakal sa inieksport na saging sa Japan. Nagwelga sila. Noong Enero nang sumunod na taon, naibalik ang mga kasapi ng Namasufa at PP92WU at binayaran ng back wage.

Noong 2014, nang suspendihin ng Sumifru ang lahat ng manggagawa sa PP 90 dahil sa ilegal na pagsasara, nakipagkaisa ang unyon nila Gloria at sumuporta sa welga ng PP 90. Sumuko rin ang Sumifru at ibininalik ang mga sinuspindeng manggagawa.

Nang gawing pakyawan ng Sumifru ang sistema ng pasahod noong 2015, nagprotesta ang mga manggagawa at naitatag ang apat pang bagong unyon sa ilalim ng NAFLU-KMU. Dahil sa banta ng malaking welga, bumigay rin ang Sumifru at ibinalik ang dating per oras na sistema ng pagpapasahod.

Palagi namang may banta sa kanilang kaligtasan. “Pero wala naman kaming ginagawang masama. Wala kaming dapat na ikatakot,” ani Gloria. Nangangampanya umano ang Sumifru, ang AFP, at ang PNP laban sa KMU dahil ito lamang ang nagpapanawagan ng inhustisyang kanilang nararanasan.

Simula nang magwelga sila noong Oktubre 11, tatlong asasinasyon na ang nagawa laban sa mga welgista – ang hindi nagtagumpay na pagtatangka kina Victor Ageas at Jerry Alicante at ang brutal na pagkamatay ni Dannyboy Bautista, isang nag-aani ng saging.

Sa kabila nito, hindi sila natitinag. Naniniwala pa rin silang magwawagi sa bandang huli.

Para kay Gloria at iba pang nakatatandang babae sa welga, nais nilang mapirmahan na ang CBA. Malapit na silang magretiro. “Dalawampu’t walong taon na akong nagtatrabaho sa industriya ng saging, 18 sa packing plant. Gusto ring makaranas ng CBA,” sabi niya.

Para sa kanya, ang unyonsimo ay isang subok at maaasahang paraan para itrato nang patas at may dignidad ang mga manggagawa. Ikinararangal niya ang pagiging unyonista at ang kanyang pakikisangkot ay buhay na patunay na may lugar sa welga ang mga lolang katulad niya.

Pinaigsing salin ni Soliman A. Santos