Kapirasong Kritika

Palparan: Guilty

September 20, 2018

Hindi tahimik na pagluha, kundi pag-iyak ng humihingi ng katarungan. Kinakatawan nila ang pakiramdam ng mga nagmamahal kina Karen at Sherlyn.

Sa telebisyon nitong Setyembre 17 lumabas ang balita: nahatulang maysala si Ret. Maj. Gen. Jovito Palparan sa pagdukot sa dalawang aktibista galing Unibersidad ng Pilipinas. Ibinaba ang hatol 12 taon pagkatapos dukutin sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan sa Hagonoy, Bulacan noong Hunyo 26, 2006.

Tumampok ang kuha kay Palparan: halatang tumanda, humapis ang mukha, galit na nagsasalita. Ipinagtatanggol niya ang sarili, kinukwestyon ang ebidensya. Ang sabi ng reporter, minura niya ang hukom na humawak sa kaso. Sa social media pagkatapos ko na mababasa: “Gago ka!” ang sabi niya. Ang nakuha lang ng kamera, sinabihan niya itong “masyadong takot sa mga Komunista.” Kinuwestyon niya ang ebidensya pero pinawalan niya ang salita na itinuring niyang hatol para dukutin ang dalawang aktibista.

Sa isang banda, dapat lang magalit si Palparan. Habambuhay na pagkabilanggo ang hatol sa kanya. Mahalaga ang desisyon: ito ang unang hatol ng korte na maysala siya, siyang “berdugo,” nanguna sa kalupitan ng programang kontra-insurhensyang Oplan Bantay-Laya. Tumampok ang Pilipinas sa mundo noong panahong iyun dahil sa ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot, at siya ang naging mukha.

Hen. Jovito Palparan, sa isang Senate investigation hinggil sa pamamaslang kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy noong 2004. Boy Bagwis/PW File Photo

Idinidiin ng hatol na ito si Palparan maging sa pagtortyur kina Karen at Sherlyn, bagay na nasiwalat nang makatakas si Raymond Manalo, isang pinagbintangang aktibista, mula sa piitan. Binugbog, nang nakahubad, sekswal na inabuso, ginagamitan ng “water cure,” at kung anu-ano pa.

Itinataas nito ang kredibilidad ng napakaraming akusasyon kay Palparan sa paglabag sa karapatang pantao – lalo na ang ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot. Sa mga rehiyong pinuntahan niya, maraming aktibista ang pinaslang o dinukot at winala: Timog Katagalugan lalo na sa Mindoro, Central Luzon, Silangang Visayas.

Sikat ang mga kasong kinasangkutan niya; mula kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy na nasa isang fact-finding mission, hanggang kay Bishop Alberto Ramento na naligo sa sariling dugo at pinalabas na pagnanakaw ang motibo, hanggang kay Jose Maria Cui na pinaslang sa paaralan. Sa isang panayam niya dati, itinanggi niyang siya ang nasa likod ng mga pagpaslang sa mga rehiyong sinaklaw niya, pero ipinagmalaki niyang binigyan niya ang mga ito ng inspirasyon.

Ang hatol na ito, tagumpay ng lahat ng mamamayan, aktibista at tagasuporta na tuluy-tuloy na naglantad, kumondena, at nagprotesta sa mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Oplan Bantay-Laya – gayundin sa lahat ng krimen sa sambayanan ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo. Matatandaang inaresto si Palparan noong 2014 sa panahong gustong ipakita ng rehimeng Noynoy Aquino na kaiba at tutol ito kay Arroyo. Babala ito sa lahat ng berdugo: may araw rin kayo!

Pinapaabot ng hatol ang batik ng dugo hanggang kay Arroyo, na sinasabing may paborito sa heneral. Sa isang State of the Nation Address mismo, pinapurihan niya si Palparan, kasabay ng pagsasabing kinokondena niya ang ekstrahudisyal na pagpaslang. Nakuhanan din ng midya ang pagdalaw niya kay Palparan nang maospital ang huli bunsod ng pananambang ng New People’s Army.

At dito makikita ang kabilang banda ng inasal ni Palparan sa korte: kung umasta at magsalita siya, para pa rin siyang nasa kapangyarihan. Kung titingnan ang paghahatid ng mga sundalo sa kanya sa sasakyang magdadala sa kanya sa kulungan, ang makikita ay hindi ang pagbabantay sa isang kriminal na posibleng tumakas. Ang makikita ay pagprotekta sa isang mataas na opisyal.

Makukulong nang habambuhay ang isang opisyal-militar na agresibong nagpatupad ng programang kontra-insurhensya. Papayagan ba ito ng pamunuan ng militar at ng sistema? Papayagan ba itong mangyari ni Gloria sa paborito niyang heneral? May mga kwento-kwento dati na nagkaalitan si Palparan at si noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Kung totoo man, mananaig ba ito kaysa sa kagustuhan ni Gloria?

Ilang araw pagkatapos lumabas ng hatol, sinabi ng Malakanyang na hindi nito bibigyan ng amnestiya si Palparan. Mainam, pero sabi nga ng isang abogado ng prosekusyon na kinapanayam: kung kayang bawiin ang amnestiya sa isang itinuturing na kalaban ng rehimen, kaya itong ibigay sa itinuturing nitong pwedeng maging kakampi. Kay Palparan, pwedeng makakita si Duterte ng kapatid sa dugo ng pamamaslang.

Muli, anumang tagumpay ng sambayanan sa sistemang ito ay panandalian at pwedeng bawiin. Kailangan ng tuluy-tuloy na pagbabantay. “Politics is addition” ang islogan ng mga pulitiko sa bansa, walang prinsi-prinsipyo, kahit sa mga nahatulang kriminal. Noong dulo ng rehimeng Arroyo, maraming malalaking kriminal ang pinalaya.

Ipinakita rin ng balita sina Nanay Connie, ina ni Karen, at Nanay Linda, ina ni Sherlyn, sa iba’t ibang antas ng pag-iyak at pagsasalita. Hindi luha ng kaligayahan, hindi tawa o tuwa man lang ng tagumpay ang makikita sa mukha nila, kundi sakit at bigat ng kalooban. Hindi tahimik na pagluha, kundi pag-iyak ng humihingi ng katarungan. Kinakatawan nila ang pakiramdam ng mga nagmamahal kina Karen at Sherlyn.

Sa isang banda, 12 taon nang nawawala ang dalawa; sa kabilang banda, parang kahapon lang nangyari ang lahat. Giit ng mga ina at kasamahan na ilitaw sina Karen at Sherlyn, pero nariyan din ang posibilidad na wala na sila – isang napakahirap na kalagayan. Si Palparan ang maysala anuman ang mangyari, o nangyari na, sa dalawa.

“Dapat lang mabulok sa kulungan si Palparan,” tangis ni Nanay Linda. Iyan na lang ang pinaka-magagawa ng umiiral na sistemang pangkatarungan para sa mga nanay, kaanak, kaibigan, at kasama na hindi alam kung isang araw ay makakauwi at makakapiling pa sina Karen at Sherlyn.

Teo S. Marasigan

Teo S. Marasigan

Si Teo S. Marasigan ay isang kolumnista na tumatalakay sa progesibong pulitika at popular na kultura.