Kapirasong Kritika

Byaheng 25 Setyembre

September 30, 2018

Hindi maikakaila: tumitindi ang krisis sa ekonomiya, na nagpapatindi sa krisis sa pulitika. At anumang krisis, pwedeng sundan ng pagbabago o pananatili ng kalakaran.

Bago ang lahat, isang kumpisal: Inaamin ko sa inyo, mga kaibigan at kasama, na isa sa kinaiinisan ko kapag bumibyahe ay iyung ingay ng mga tao sa pampublikong sasakyan. Mapapatawad ko ang mga batang umiiyak. Pero iyung mga kabataan at pataas ang edad na malakas at walang humpay mag-usap? Lalo na iyung naga-unli-tawag sa telepono nang malakas? Humanap kayo ng ibang lugar, huwag dito! Tingin ko, hindi ito magandang ugali na dapat sinisita. O baka masyado lang akong petiburgis sa usaping ito.

Anu’t anuman, noong Setyembre 25, wala na ngang bagyo at hinihilang Habagat, dahil napakainit ng panahon. Pero parang sariwang hangin ang nasagap kong mga salitaan sa dyip at bus tungkol sa pulitika sa bansa.

Buena mano si manong drayber ng isang dyip, siguro senior citizen na o nasa bisperas na nito. Papunta ako ng isang bayan na dati ko nang napuntahan, madali namang makita ang landmark, pero naniguro ako at umupo sa bandang likod ng drayber. Aba si manong at kanyang kumpare, naghuhuntahan sa harap tungkol sa pulitika, iyung dinig ng buong dyip. Marami na akong narinig at nakausap na drayber na Ka-DDS, kaya pigil-hininga ako. Baka kako mapasabak sa talakayan, umagang-umaga.

Pero mapanuri si manong at ang kanyang kumpare! Una nilang binanatan ang mga sinabi ni Juan Ponce Enrile tungkol sa batas militar, sa isang panayam kay Bongbong Marcos. “Ang sabi, wala raw pinatay at ikinulong noong martial law dahil sa paniniwala. Akala yata nakakalimot na tayo!” Tapos naglitanya sila ng mga kapitbahay, kakilala, hanggang pulitiko na alam niyang nakulong noong martial law. Ang sarap ng huling hirit ni manong: “Si Enrile, ang tanda-tanda na, sinungaling pa rin! Sabagay, buhay pa man, sinusunog na ang kaluluwa niyan sa impyerno.” Tawanan.

“Tapos,” paglilipat ni manong ng paksa, “ang gusto ngayon ni Duterte, ipaaresto si Trillanes.” Hindi na siya nagpaliguy-ligoy sa mga ligalidad: “Ang taas ng presyo ng bilihin, ang hirap ng buhay, pulitika ang inaatupag!” Nagpalawig pa sila, tapos lumipat na sa bagong paksa, ang pederalismo. Dito, medyo kapos ang paliwanag ni manong: pang-mayamang bansa raw ang pederalismo, hindi para sa mga bansang mahirap tulad ng Pilipinas. “May mahihirap din pong bansang pederal ang porma ng gobyerno, kaya po malinaw na hindi ito ang solusyon sa mga problema ng bansa.” Iyan sana ang sasabihin ko, pero nakalipat na sila ng paksa.

Ang huling pinaksa nina manong sa kanilang talk show, este huntahan, bago ako bumaba ay ang panukala ni Sen. Tito Sotto na baguhin ang mga huling titik ng pambansang awit, ng “Lupang Hinirang.” Hindi nila minaliit ang panukala, bagkus ay tinukoy kung bakit mali ito: “Hindi naman patalo ang ‘Ang mamatay nang dahil sa iyo,’ panata iyun ng mamamayan na ialay ang buhay para sa bayan.” May diwa si manong ng mabuting anak ng bayan, at nasa probinsya nga pala ako na may mayamang kasaysayan ng pagrerebolusyon.

Papara na ako. Nakaka-agit, tinapik ko ang balikat ni manong pero wala na akong nasabi kundi “Tama iyang mga sinasabi ninyo manong!” sabay pakita ng senyas ng “Aprub!” Kulang na kulang ako sa pamantayan ng pagbaka sa liberalismo ni Mao Zedong. Naisip-isip ko, baka miyembro ng PISTON si manong at ang kanyang kumpare, at ang kanilang ginagawa ay luma at subok nang estilo ng pagpopropaganda ng mga drayber. Mahusay.

May tinutumbok na palaisipan ang mga pinaksa ni manong: Pagbabago ng kasaysayan, pagbabago ng porma ng gobyerno, pagbabago ng mga titik ng pambansang awit, pagbabago kahit kalakaran sa amnestiya. Hindi nga ba’t “tunay na pagbabago” ang pangako ni Duterte? Pero hindi iyung makakapagpabuti sa lagay ng maralita at mamamayan — reporma sa lupa, nakabubuhay na sahod, abot-kayang serbisyong panlipunan, hindi ganyan.

Parang ang gusto ni Duterte, matandaan ang termino niya na bumago sa kalakaran sa bansa. At anong kalakaran ang inaatake niya? Iyung umiiral simula Edsa 1986. Ang sistemang nakilalang kadikit ng pamilyang Aquino, gusto niyang baklasin pabor sa pamilyang Marcos. Ang limitadong demokrasyang burgis, gusto niyang gawing mas lantad na diktadurang burgis. Ang pagiging sunud-sunuran sa US, gusto niyang gawing pagiging sunud-sunuran kapwa sa US at China. Sumasakay siya sa diskuntento ng mamamayan sa kasalukuyang kalagayan, pero mas masahol ang gusto niyang ibalik at ipalit.

Maaalala tuloy si Emperador Shih Huang Ti ng China, paksa ng sanaysay na “The Wall and the Books” ng Argentinian na manunulat na si Jorge Luis Borges. Ang gusto raw ni Shih, sa kanya magsimula ang kasaysayan, kaya pinasunog niya ang lahat ng libro bago ang kanyang panahon. Ang mga natuklasang nagtatago ng libro, tinatakan ng nag-aapoy na bakal at pinagtrabaho sa ipinapatayo niyang Great Wall of China, pangharang sa mga barbarong kalaban sa digmaan.

Pinag-isipan ni Borges ang ugnayan ng dalawang hakbangin sa mga libro at sa pader. Pero ang isang pakahulugang lapat ngayon: ang mga tumatangan sa kasaysayan, pinupuntirya ng naghaharing may engrandeng ambisyon, gustong pahirapan para sa kanyang digma.

“Aarestuhin na si Trillanes, lumabas na ang warrant,” sabi sa text habang nananghalian ako. Nakakagalit. Malinaw na pananakot sa mga kritiko ang gustong gawin ng rehimen — sa mga kapwa-Magdalo at iba pang taga-militar at pulisya na kritikal kay Duterte at pwedeng magkudeta laban sa kanya. Ang sabi noon, matinding takot kahit sa hanay ng mga pulitiko ang idinulot ng pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima: kung senador nga, kayang ipakulong, ang ibang pulitiko pa kaya? At ang rehimeng naghahari sa pamamagitan ng pananakot, laging mangangailangan ng bagong panakot.

Sumakay ako ng bus, punuan. Sa upuan sa bandang dulo na ako nakaupo. Sa harap ko, parang mag-asawang tila nasa edad 50 pataas. Ang lalake, pormang bagets pa rin. Ang babae, kulay-blonde ang buhok. Usap sila nang usap nang usap nang usap. Sige lang.

Flash news sa Kapuso: Warrant of arrest laban kay Sen. Antonio Trillanes, inilabas na ng korte! Naghintay ako ng reaksyon. Sabi ni ateng blonde ang buhok nang dinig ng buong bus, “Eh kasi naman iyung amnestiya niya, hindi presidente ang nakapirma. Dapat diyan si Noynoy Aquino ang pumirma eh, kaso hindi. Ayan.”

Hindi lang nagpanting ang tenga ko; sumulak ang dugo sa ulo ko. Naalala ko ang matapang na komentaryo ni Antonio Lavina, political analyst, sa telebisyon isang araw matapos ang kalokohang pag-uusap nina Duterte at Salvador Panelo. Maagap akong sumagot: “Noon pa man po, ganyan na ang kalakaran sa pagpirma ng amnestiya. Imbento lang iyang dahilang iyan ni Duterte. Ang mamahal ng bilihin, kung anu-ano ang inuuna.”

“Huwag kasi kayong kay Mocha Uson kumukuha ng balita,” ang gusto ko pang sabihin na hindi ko na nasabi. Syempre, ramdam ko ang tensyon, pero pakiramdam ko, may tensyon na rin sa bus. Iyung mama na katapat ko ng upuan sa gilid, tumingin sa akin at ngumiti. Iyung ale sa harapan niya, tumingin sa akin, iniusli ang nguso at tumango-tango. Si ateng blonde ang buhok, hindi kumibo, tumingin sa bintana at sinabi sa kanyang asawa, “Gusto kong bumili ng mga property diyan.” Sapat na iyun sa akin. Ang maling pagtingin ni ate, kailangan lang palang sagutin.

Noong gabi, sumakay ako ng isa pang bus. Punuan na naman, at nakaupo na ako ngayon sa sahig sa dulo, iyung pataas sa huling hanay ng upuan sa pinaka-likod. Sa kaliwang gilid ko, parang may mag-asawa. Iyung lalake, kalbo, na mukhang militar. Iyung babae, bihis-propesyunal, siya ang mas katabi ko. Mukha silang hindi komportable nang maupo ako sa sahig sa tabi nila.

Mula sa kinauupuan ko, wala namang kapansin-pansin, bukod sa isang mama, nasa pagitan ng 30-40 ang edad, naglalaro sa kanyang phone. Malikot kasi siya, pagilid-gilid sa upuan niyang katabi ng daanan sa gitna.

Sa ilang beses kong pagtayo sa bus, ilang beses na rin akong nakasilip — Ahem! — ng mga telepono ng mga pasahero. Ilang beses na akong nakakita ng mga Facebook Page ng mga Ka-DDS na lumalabas sa kanilang newsfeed. Ang ibang nakita ko, nakiki-like sa mga “balita” na pabor kay Duterte na laman ng naturang mga FB Page. Siguro minamaniobra talaga ng gobyerno ang paglabas ng naturang FB Pages sa newsfeed ng mga tao, tapos dahil marami nang likes — at Hearts o Haha! — ng mga trolls, ang layunin ay lumikha ng bandwagon pabor sa isang kunwari’y napaka-popular na pangulo.

Balita na naman, ngayon sa Kapamilya. Ang balita tungkol kay Trillanes, binabasa ni Noli de Castro — na, huwag nating kalilimutan, ay bise-presidente at sunud-sunuran noon kay Gloria Macapagal-Arroyo. Dapat sa kanya lumipat sa CNN Philippines na, pansin ko, ay laging laman sa balita sina Duterte, Harry Roque, Oscar Albayalde, mga opisyal-militar, Imee at Bongbong Marcos at kung sinu-sino pang masasahol na karakter ng pulitika ng bansa.

Ang mamang naglalaro sa kanyang phone, masayang-masaya sa balita tungkol kay Trillanes. Iyung galawan niya sa upuan, parang tagahanga ng isang koponan sa basketbol na naka-three points sa kampeonato.

Sa isang punto sa pagbabalita, sabi ni Kabayang Noli, “Ang sabi naman ni Trillanes, ito ay malinaw na pampulitikang panggigipit sa mga kritiko ng rehimeng Duterte,” o katulad na mga salita. Si ate na katabi ko, iyung asawa ng mukhang militar, nakatitig lang sa telebisyon sa harap, ang sabi nang malakas, “Tama!” pero mas sa tonong “Tuh-muh!” Lumipad ang puso ko dahil sa di-inaasahang kakampi. Tiningnan ko agad si ate, sabay tango, “Tama, ano?” At tumango rin siya.

Hindi maikakaila: tumitindi ang krisis sa ekonomiya, na nagpapatindi sa krisis sa pulitika. At anumang krisis, pwedeng sundan ng pagbabago o pananatili ng kalakaran. Kaya nga kailangang imbentuhin ni Duterte ang iskemang “Red October,” para patindihin ang pananakot-panunupil-panlilinlang at panatilihin ang umiiral na takbo ng ekonomiya at pulitika.

Sa ganitong mga panahon, maraming mamamayan ang nahahatak sa pulitika. May mga natatangay ng kasinungalingan ng gobyerno. Pero mas marami ang nakakaramdam kung ano ang mali at tama.

Ang sarap sigurong mamigay ng matalas na polyeto sa matataong lugar, gaya ng pila sa MRT at LRT, at mag-bus-to-bus, sabay-imbita sa malaking pagkilos. Nobyembre 30 na ba ang susunod? Tapos Disyembre 10. Araw ni Bonifacio tapos Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. Mula uring anakpawis hanggang naliliwanagang elemento ng burgesya, marami ang kritikal sa rehimen, at posibleng kumilos laban dito.

30 Setyembre 2018

Teo S. Marasigan

Teo S. Marasigan

Si Teo S. Marasigan ay isang kolumnista na tumatalakay sa progesibong pulitika at popular na kultura.