FEATURED Magsasaka

Paglalantad sa pekeng krisis sa bigas


Pekeng demokrasya. Pekeng pangako. Ngayon naman, pekeng krisis sa bigas—na nakakaapekto sa ating lahat na kumakain ng bigas.

“Mahirap ang walang bigas. May lima akong anak. Bigas ang panlaman namin sa aming tiyan. Lugaw man yan o kanin. Kahit asin lang ang ulam.”

PW print issue, 11 Marso 2018

Kuwento ito ni Aling Gina, 45, maybahay ng isang manggagawa, mula sa Montalban, Rizal. Katulad niya ang halos lahat ng Pilipino na tinuturing na staple food o pang-araw-araw na pagkain ang kanin.

Ito ang pangunahing pagkain ng nasa 85 porisyento ng mga mamamayang Pilipino. At halos kalahati ng sinasahod ng isang manggagawang Pilipino, sa pagkain, kabilang ang bigas, napupunta.

Pero sa panahon ng pagtaas ng pangungahing mga bilihin dahil sa umiiral na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train), lumabas ang balita mula sa National Food Authority (NFA) na kulang na ang kanilang suplay ng murang NFA Rice.

Pangamba sa suplay

Sa pagpasok pa lang ng Pebrero, mismong administrador ng NFA na si Jason Aquino ang nagbalita: tatagal na lang ng dalawang araw ang stock ng kanilang bigas. Anila, hindi na nila maaaring dalhin pa ang natitirang bigas sa mga pamilihan. Nakapondo na ito para sa mga biktima ng kalamidad.

Nagdulot ng pangamba ang pahayag ng NFA sa mga tulad ni Aling Gina at mga nasa sektor ng agrikultura. Sa katunayan, agad na tinungo ng grupong Bantay Bigas ang Nepa Q Mart upang magkaroon ng inisyal na imbetigasyon. Dito napag-alaman nila na patapos pa lang ang buwan ng Enero, wala nang suplay ng NFA ang dumarating sa kanila.

“Sinabi mismo ng retailer na Enero 22 pa lang, wala nang maidedeliber sa kanina na NFA Rice,” ani Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas.

Mula pa noong nakaraang buwan, ayon sa Bantay Bigas, wala nang mabiling bigas na nagkakahalaga ng P27 at P32 kada kilo na siyang pangunahing binibili ng maraming mamamayang Pilipino. Kaya’t marami sa mga konsiyumer ang napipilitang bumili ng commercial rice sa presyong P40 kada kilo pataas.

Inilinaw ni Sec. Leoncio “Jun” Evasco, NFA council chair, na hindi pa kailangang umangkat ng bigas mula sa ibang bansa. Paparating pa lang umano noong Pebrero ang humigitkumulang 325,000 metrikong tonelada ng bigas mula sa Maximum Average Volume (MAV) o ‘yung bigas na hindi pa natin naaangkat noong 2017 na alokasyon.

Dahil doon, umalma ang mga magsasaka at Bantay Bigas. Dahil kasabay ng pagdating ng inangkat na mga bigas ang anihan ng mga magsasaka, partikular sa Gitnang Luzon, Isabela at ilang probinsiyang nagpoprodyus ng tone-toneladang bigas na siyang dapat na bumubuno sa pangangailangan sa bigas ng maraming Pilipino.

Para sa mga magsasaka at ng Bantay Bigas, artipisyal lang ang sinasabing kakulagan sa bigas. Ang iskemang ito na ginagawa ng gobyerno, na dapat tumutugon sa pangangailangan ng Pilipino sa krisis sa pagkain, ay may layuning magbukas lang sa mas maraming oportunidad ng pag-angkat ng bigas sa ibang bansa.

Pasakit ng importasyon

Di magagamot ang krisis sa bigas sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling reseta. Sa madaling sabi, ang kasalukuyang “artificial rice shortage” ay hindi magagamot ng pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa tulad ng Thailand at Vietnam.

Higit kumulang 805,000 tonelada ang kabuuang inaangkat ng gobyerno ngayong taon. May daanlibong tonelada na ang naiangkat na dumating sa bansa ngayon taon. Ang iba pang natitirang tonelada’y para naman sa Agosto. Bukod pa rito ang 250,000 metric tons na inaprubahan ni Duterte na para rin sa pag-angkat ng bigas.

Sa ganitong paraan, parehong konsiyumer at magsasaka ang papatayin ng sistemang importasyon. Kung magpapatuloy ang pag-angkat, ang kasalukuyang presyo ng commercial rice na P38-P50 kada kilo ay maaari pang pumalo sa mas mataas pang presyo.

“Kaming mga maralita ang isa sa unang maaapektuhan ang kalagayan ng pagtaas [sa presyo] ng bigas. Una, wala kaming sahod na nakabubuhay. Kung tindera ka at P100 ang tubo mo, wala ka nang ibibigay na pambaon sa anak mo dahil mapupunta na lahat sa bigas at hindi pa kasama ang ulam,” paliwanag ni Estrelieta “Inday” Bagasbas, tagapagsalita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay.

Sa hanay naman ng mga magsasaka, sa ganitong patakaran, magpapatuloy din ang pagbagsak ng presyo ng palay sa mga probinsiya. Maaaring gamitin na dahilan ito ng mga asendero, panginoong maylupa at trader para baratin ang presyo ng palay na inani ng mga magsasaka. Maaari itong magbunga ng pagkalugi at pagkabaon ng mga magsasaka sa utang na maaari ring mag-ugat sa pagkawala nito ng lupang sinasaka.

Sa pagpasok ng Hunyo ngayong taon, tatanggalin na ang quantitative restrictions o iyong paghihigpit sa bilang ng mga pumpapasok na produkto mula sa iba’t ibang bansa sa Pilipinas. At taliwas sa sinasabi ng gobyerno na ang taripa o buwis mula sa inaangkat na mga produkto ay magbibigay ginhawa sa ekonomiya ng bansa, ang pagpasailalim ng Pilipinas sa World Trade Organization-Agreement on Agriculture (WTO-AoA) ay nagtatanggal sa lahat ng subsidyo at suporta para sa pagpapaunlad ng rural economy.

Isa pa sa iniuutos ng WTO-AoA ang pagbawas sa nakalaang badyet o subsidyo ng mga produktong pang-agrikultura. (Dominado ng US at iba pang imperyalistang bansa ang WTO. Sa pangkalahatan, ang mga bansang ito ang nagtatakda sa direksiyon ng mga polisiya sa ekonomiya na ipinapataw sa mahihirap na mga bansa tulad ng Pilipinas.)

Dahil dito at sa marami pang dahilan, nanawagan ang progresibong mga grupo na kumalas na ang gobyerno ng Pilipinas sa WTO. “Dalawampu’t dalawang taon matapos pumasok tayo sa WTO, walang natitira sa atin. Wala tayong matinong imprastraktura para palaguin natin ang ating agrikultura,” ani Feny Cosico, pangkalahatang kalihim ng Agham.

Solusyon

Dalawa ang nakikitang dahilan ng Ibon Foundation sa krisis sa bigas. Una, ang pagtigil sa panghihimasok ng WTO sa bansa. Pangalawa, ang pagtigil sa deregulasyon at pribatisasyon ng NFA.

At upang arestuhin ang krisis sa bigas, ayon sa sektor ng agrikultura, walang ibang solusyon kundi ang pagpapalakas sa lokal na industriya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo.

Nararapat ding pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang maigting na pagpapatupad ng suportang serbisyo sa mga magsasaka tulad ng libreng irigasyon, binhi at ilan pang mga pangunahing pangangailangan sa pagtatanim.

Ang pagbili ng gobyerno sa inaning palay ng mga magsasaka sa tamang presyo nang sa gayo’y maiwasan ang pagsasamantala sa kanila ng malalaking rice traders na siyang kumokontrol at nagtatakda sa suplay at presyo ng bigas na pinapasan ng kapwa magsasaka at mamimili.

At ang huli ay ang mapangahas na pagkalas sa WTO at itigil ang libreralisasyon sa agrikultura upang ganap na maisulong ang interes ng mga magsasaka at mamamayan.

Kung ipapatupad ng gobyerno ang mga mungkahing ito, mapapasakamay na sa ordinaryong mga mamamyan tulad ni Aling Gina, Inday, at iba pa, ang sapat ligtas at murang pagkain sa bansa.