FEATURED Pambansang Isyu

Pakikibaka kontra rebisyunismo


Pinagkanulo ng burgesya sa loob ng gobyernong Unyong Sobyet ang rebolusyon.

Isang tanong marahil ngayon s amarami kung sosyalistang bansa pa ba talaga ang Tsina at Rusya. Di kaya’y pumupusturang mga sosyalista ang mga ito, pero sa esensiya’y kapitalista?

“Rebolusyong Oktubre, Rebolusyong Pilipino.” Espesyal na print issue ng Pinoy Weekly, 29 Oktubre 2017 (Tomo 15, Isyu 42)
“Rebolusyong Oktubre, Rebolusyong Pilipino.” Espesyal na print issue ng Pinoy Weekly, 29 Oktubre 2017 (Tomo 15, Isyu 42)

Sa Rusya, makikita kung paano nagawang makabalik ng kapitalismo sa pamamagitan ng “rebisyunismo” o ang sadyang paglihis sa teorya’t praktika ng Marxismo-Leninismo.

Napatunayan ni Lenin na hindi imposible na magtagumpay ang mga mamamayan na ibagsak ang isang Estadong pinamumunuan ng burgesya at lumikha ng isang Estadong pinamumunuan ng mga manggagawa at naglilingkod sa kanilang interes at sa sambayanan.

Pero kahit noong nabubuhay pa si Lenin, pilit nang inililihis ng modernong mga rebisyunista kagaya nina Khrushchov, Trotsky, Zinoviev, at iba pa ang kanilang partido para yakapin ang bagong mga teorya umano na hindi naman nakalapat sa praktika ng rebolusyong Ruso.

Kabilang sa itinulak ng mga ito ang teorya daw ng “mapayapang transisyon” tungo sa sosyalismo sa pamamagitan ng “parlamentaryong landas,” “mapayapang pakikipamuhay” at “mapayapang kumpetisyon” sa pagitan ng mga bansa na may magkakaibang sistemang panlipunan at pampulitika bilang pangkalahatang linya sa patakarang panlabas sa layuning pabor sa uring burgesya. Ginagawa nila ito habang nagpupusturang mga sosyalista.

Sa pagkamatay ni V.I. Lenin, pumalit si Joseph Stalin, sa panahong matindi ang tunggalian ng burgesya at proletaryado sa loob mismo ng Estado at sa loob ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet. Nang mamatay si Stalin, sinadya nilang atakehin sina Lenin at Stalin at pinalaki ang usapin ng umano’y “pagpupurga” ni Stalin sa mga katunggali niya sa loob ng Estado at Partido.

Pero kahit na sinunod ng mga sosyalitang bansa ang “polisiya ng kapayapaan” ng mga rebisyunista, hindi nito napawi ang iba’t ibang kontradiksiyon sa daigdig gaya ng kontradiksiyon sa pagitan ng sosyalista at imperyalistang bansa; ang kontradiksiyon sa pagitan ng burgesya at proletaryado; ang kontradiksiyon sa pagitan ng imperyalismo at pinagsasamantalahang bansa.

Sa pananaw ng mga Marxista-Leninista, sa nakaraan man, sa kasalukuyan o sa hinaharap, hindi maaaring itanggi o pagtakpan ang mga kontradiksiyong ito na siyang pilit ginagawa ng mga rebisyunista.

Nauwi sa Dakilang Debate ang nangyayari sa Rusya nang simulang mapuna ni Mao Zedong, na siyang nagpatagumpay sa sosyalistang rebolusyon sa Tsina noong 1949. Kinalaunan, nakapanumbalik din ang kapitalismo sa Tsina sa pagmamaniobra ng mga rebisyunista gaya nila Liu Xiaoqi at Deng Xiaoping.

Sa ngayon, nagiging puspusan ang mga proletaryado sa daigdig sa pagbaka sa modernong rebisyunismo at patuloy na iminumulat ang inaaping sektor sa lipunan at daigdig sa tamang landas ng tagumpay na sinimulan ng Rebolusyong Oktubre ni Lenin.