FEATURED Pambansang Isyu

Bisita ng siga


Gagamitin ng sigang maton na US, sa katauhan ni Donald Trump, ang tuta nitong si Rodrigo Duterte para panatilihin ang dominasyon sa Asya-Pasipiko. Kailangang kumprontahin ng mga mamamayan ang sigang ito.

Nagmimistulang sabungan ng sigang Amerika at sigang China ang Timog Silangang Asya, kabilang ang Pilipinas.

Ito, sa esensiya, ang nangyayari ngayon sa bahaging ito ng mundo na pinag-aagawan ng dalawang pinaka-makapangyarihang (at imperyalistang) mga bansa ngayon. Noong nakaraang linggo, dito mismo sa Pilipinas, nasaksihan ang isang round ng sabong na ito: sa pagtitipon ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (Asean).

Ano ang kinalaman nito sa ating ordinaryong mga mamamayan? Sa pakikipagtagisang ito ng Estados Unidos (US) at China, Pilipinas (o ang pandarambong dito) ang isa sa itunuturing na premyo. Sino man ang magwagi, mas matinding paghuthot sa likas-na-yaman ng bansa, mas matinding pagsamantala sa lakas-paggawa ng ating mga manggagawa ang kahihinatnan.

Binati ni US Pres. Donald Trump si Pangulong Duterte matapos ang keynote address ng huli sa  31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits noong Nob. 13 sa Maynila. <b>Robinson Ninal/Presidential Communications</b>
Binati ni US Pres. Donald Trump si Pangulong Duterte matapos ang keynote address ng huli sa 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits noong Nob. 13 sa Maynila. Robinson Ninal Jr/Presidential Communications

Kano, dominante pa rin

Siyempre, matagal nang lamang na lamang ang US sa labanang ito.

Sa Pilipinas, matagal nang nakapuwesto ito sa pulitika. Kasosyo ng malalaking kompanyang US ang malalaking negosyanteng Pilipino o malalaking burgesya komprador. Malapit ito sa namumunong mga pulitiko o mga burukrata kapitalista. At, siyempre, nagbibigay ang gobyerno nito ng treyning sa mga lider-militar ng bansa.

Mula sa paglagda ng Mutual Defense Treaty noong 1951 hanggang sa mga batas sa ekonomiya na nakaayon sa neoliberal na mga doktrina ng US—hindi naputol ang patagong kontrol ng US sa ating bansa. Kaya nga tinatawag ang Pilipinas na malakolonya nito. Halimbawa ng itinulak ng US na mga batas ang batas sa pagbenta sa pribadong mga kompanya sa pagseserbisyo sa kuryente at tubig. Ito rin ang nagtulak sa pagtanggal ng kontrol ng gobyerno sa industriya ng langis, gayundin sa pagbukas sa malalaking dayuhang negosyo ng mga bundok at dagat para minahan.

Noong nakaraang taon, alam natin na sinabi ni Pangulong Duterte na ilalayo na niya ang Pilipinas sa impluwensiya at kontrol ng US. Pero sa kabila nito, patuloy ang pagpapatupad niya ng mga patakaran na nagpapanatili sa kontrol ng US sa ekonomiya at pulitika ng bansa. Ginagawa niya ito habang nakikipagmabutihan sa China—bagay na halatang hindi masyado gusto ng US.

“Hindi mapag-uusapan (ang usapin ng presensiyang militar ng Amerika sa Pilipinas) sa pagpupulong (ni Duterte kay US Pres. Donald Trump),” deklara ni Harry Roque, bagong tagapagsalita ng Pangulo, sa unang press briefing nito matapos maitalaga ni Duterte sa puwesto.

Maraming beses nang kinukumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpapatuloy ang mga ehersisyong militar ng US sa Pilipinas. Pinakahuli nang kumpirmasyon ang pagsabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana (na binansagan pa nga ni Duterte na ahente ng US Central Intelligence Agency) sa isang pagdinig sa Senado. Samantala, kinumpirma rin ng embahador ng US sa Pilipinas na si Sung Kim na may malaking papel ito sa mga pagbomba at mga atakeng militar ng AFP sa Marawi.

Sa personal na antas, tila nagkakamabutihan na rin sina Trump at Duterte. Noong Mayo, isiniwalat ng The Intercept (grupo ng investigative reporters sa US) ang sikretong pakikipag-usap ng dalawa, kabilang ang pagpuri ni Trump sa madugong giyera kontra droga ni Duterte, pagsabi niyang bibisita siya ngayong Nobyembre sa Pilipinas at pag-anyaya rin niya kay Duterte na bumisita sa White House sa US. Sa pag-uusap na ito, binansagan pa ni Duterte si Kim Jong Un—ang presidente ng North Korea na patuloy na pinagbabantaan ng giyera ng US—na “hindi istable” (baliw).

Napakalayo na ito sa dating galit na mga pahayag ni Duterte kontra sa mga tropang Kano sa Mindanao at sa buong bansa, at kontra sa mga “historikal na kasalanan” ng US sa Pilipinas tulad ng mga masaker sa mga Pilipino noong Philippine-American War ng 1899-1902.

Ang administrasyong Duterte sa pagbubukas ng RCEP Summit noong Nob. 14. <b>Presidential Communications</b>
Ang administrasyong Duterte sa pagbubukas ng RCEP Summit noong Nob. 14. Presidential Communications

Isa pang maton

Kampante na siguro si Trump sa relasyong ito. Kaya naman, noong unang pahayag ng White House, sinabi nitong dalawang araw lang bibisita ang presidente ng US sa Pilipinas, Nobyembre 12 at 13. Sabi ng mga tagapagsalita niya, kinakailangang umuwi raw si Trump ng Amerika bago ang Nobyembre 14 dahil malamang na pagod na ito sa mahabang biyahe sa Asya.

Pero dalawang linggo bago ang naturang pagbisita kasabay ng Asean Summit, sinabi muli ng White House na hanggang Nobyembre 14 na si Trump sa Pilipinas.

Marahil, nakumbinsi si Trump ng mga tagapayo niya na kailangan niyang makuha pa lalo ang loob ni Duterte at ng iba pang pinuno ng Asean. Bakit? Marahil, dahil patuloy na umuusad ang mga negosasyon para sa isang kasunduang pangkalakalan (trade agreement) na tinutulak ng China. Ito ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).

Ano ba ang RCEP? Ito ang kasunduang naglalayong magtatanggal sa mahigit 90 porsiyento ng taripa (o buwis na ipinapataw ng isang bansa sa mga inaangkat na produkto mula sa labas nito) sa mga bansa na papasok sa kasunduang ito. Layon nitong lalong padaliin ang pagpasok ng mga produktong dayuhan sa bansa. Pinadadali rin nito ang pagkuha ng dayuhang mga kompanya sa mga likas-na-yaman (tulad ng mga namiminang ginto, atbp.) sa bansa.

Sikreto ang mga negosasyon sa RCEP. Hindi isinisiwalat ng mga negosyador ng iba’t ibang bansa kung ano ang pinagkakasunduan o pinag-uusapan dito.

Pero noong Pebrero, may naglabas ng ilang sikretong dokumento sa mga negosasyon. Dito nakasaad ang mga panukala, halimbawa, ng Australia at Japan na nagpapahintulot na mahabla ng malalaking dayuhang kompanya ang mga gobyerno na kumokontra sa interes-pangnegosyo ng mga kompanyang ito. Ito ang tinatawag na investor-state dispute settlement o ISDS.

Matagal nang binabatikos ang gawaing ito ng malalaking kompanya—ang paghabla sa mga gobyerno na nagdedepensa sa pambansang kasarinlan nito. Halimbawa nito ang paghabla ng isang kompanyang US na Occidental Petroleum Corp. sa gobyerno ng Ecuador noong 2005. Ibinasura kasi ng gobyerno ng Ecuador ang kontrata nito sa naturang kompanya matapos labagin ng naturang kompanya ang kontrata. Dininig ng International Center for Settlement of Investment Disputes o ICDSID (na nasa ilalim ng World Bank, na siyang kontrolado naman ng US) ang naturang reklamo ng Occidental Petroleum.

Noong 2012, inituos ng ICDSID ang Ecuador na magbayad ng $1.7-Bilyon sa naturang kompanya. Mga mamamayan na nga ng Ecuador ang nadehado sa pagpasok ng kompanyang ito, sila ang pinagmumulta.

“Labag ito sa soberanya ng bansa na kontrolin (regulate) ang pamumuhunan (investments) at protektahan ang interes ng mga mamamayan, maliban pa sa napakalaking gastos sa mga pagdinig ng korte,” sabi ng Ibon Foundation, independiyenteng institusyon ng pananaliksik.

Isa pang itinuturo ng Ibon na malupit na probisyon ng RCEP ang hinggil sa intellectual property rights o IPR. Sa panukalang ito ng RCEP, papayagan ang malalaking dayuhang kompanya na ariin ang patent o karapatang gamitin ang mahahalagang gamot, kahit na ang tradisyunal na mga gamot mula sa mga napananim na likas sa Pilipinas.

Ilang eksena sa protesta kontra sa pagbisita ni Trump at pagdaraos ng Asean and related summits sa Maynila noong nakaraang linggo. <b>Abie Alino/Boy Bagwis</b>
Ilang eksena sa protesta kontra sa pagbisita ni Trump at pagdaraos ng Asean and related summits sa Maynila noong nakaraang linggo. Abie Alino/Boy Bagwis

Away-siga

May mga katulad nitong panukula na matatagpuan din sa isa pang panukalang kasunduan, ang Trans-Pacific Partnership Agreement o TPP, na dati namang itinutulak ng US.

Pero noong Nobyembre 2016, matapos magwagi sa eleksiyon sa US, idineklara ni Trump na hindi na sasama ang US sa TPP. Mas gusto raw ni Trump ang taktika ng bilateral negotiations (o negosasyon sa pagitan ng dalawang mga bansa). Marahil, may batayan para maging kampante nga si Trump. Mula 2004, tumaas ang pakikipagkalakalan o trade ng US sa Asean nang 78 porsiyento. Mula $153-Bilyon noong 2004, naging $273-B na ito noong 2015.

Gayumpaman, batid ni Trump at ng mga ekonomista niya na lumalakas ang impluwensiya ng China sa Timog Silagang Asya. Lalong lalakas pa ito kung mapagkakasunduan ng 16 bansa (hindi kasama ang US, pero kasama ang mga alyado nito tulad ng Australia, Japan, Pilipinas) ang RCEP.

Sa ganitong konteksto maaaring ilugar ang mga banta ng panggegera ng US sa North Korea. Napatunayan na kasi nito na pinakaepektibo pa ring “panghikayat” sa mga bansa na tulad ng Pilipinas at iba pang bansa sa Asya Pasipiko (mga bansa na nasa palibot ng Pacific Ocean) ang pagbabanta-ng-gera sa kanila.

Pero pinatunayan ng North Korea na kaya ng isang independiyenteng bansa na kumawala at magpakita ng paglaban sa sigang Amerika. Kasama sigang China, napapaatras lang ang ganitong mga banta sa pamamagitan ng malakas at nagkakaisang paglaban ng mga inaaping mamamayan ng Pilipnas at buong daigdig.