ATTACKKK!

DictaLicense


Lalong dumarami ang panitikan ng protesta sa panahon ng paglala ng pampolitikang krisis sa kasaysayan ng bansa.

Paumanhin sa nu metal band na Dicta License, na ang bokalista (in hiatus), isa ring abogado, ay si Pochoy Labog. Kung kaano-ano niya si Elmer “Ka Bong” Labog, chair ng Kilusang Mayo Uno (KMU), ay dalawang dekada ko na yatang inaalam. Sa kolum na ito—maaaring una sa dalawang bahagi—primaryang inuusig ang lisensiya ng mga diktador na pumatay ng tao, malayang mamamayan man o alipin.

*           *           *

“Artists, Ezra Pound had grandly declared long ago, ‘are the antennae of the race.”
– Alfred Yuson, Introduction, BLOODLUST: Philippine Protest Poetry (from Marcos to Duterte)

*           *           *

Tanong ko, mahalaga bang malamang si Pound ay pasista (naglumuhod pa siya kay Benito Mussolini) at anti-Semitista (nilagyan pa niya ng ‘Heil Hitler’ ang sulat niya sa isang kapwa niya makata).

*           *           *

“Convert to my new faith crowd
I offer you what no one has had before
I offer you inclemency and wine
The one who won’t have bread will be fed by the light of my sun “
(Untitled), Radovan Karadzic

*           *           *

Si Karadzic ang dating lider ng Bosnian Serbs na nag-utos ng ethnic cleansing ng Sarajevo. Mahigit 7,000 Muslim ang ipinamasaker niya sa Srebrenica. Noong nakaraang taon, hinatulan siya ng 40 taong pagkakabilanggo ng International Criminal Tribunal for the former Yugoslavia, para sa crimes against humanity.

Si Karadzic ay isang war criminal.

*           *           *

Tinapos ko ito sa araw ng 100 kaarawan ng dating diktador na si Ferdinand Edralin Marcos. Kahapon, nag-post sa Facebook ang kritikong si Dr. Elmer A. Ordonez ng kanyang official resignation sa Sunday Times Magazine bilang literary editor. Aniya, “A few days ago I had my name as lit ed removed from the staff box. Hence I have nothing to do with the publication of the poems in Literary Life in praise of the dictator whose centennial is tomorrow.”

*           *           *

Tinawag na Berdugo ng Bosnia si Karadzic. Bukod kay Marcos, kaarawan din ngayon ng isa pang Berdugo, si Retired Major General Jovito Palparan.

*           *           *

Katapusan ng Agosto, paakyat ako sa Baguio para mag-keynote speech sa isang pambansang pagtitipon ng mga estudyante sa elementarya. Ang tema ay kung paano magiging responsableng digital citizen sa panahong ito. Naisip kong tuligsain ang planong pagpapatayo ng isang parking lot sa Burnham Park (papatay na naman ng mga puno). Katabi ko pala sa stage ang ipinadala ni meyor (busy si meyor sa miting dahil Baguio Day kinabukasan) na umalis din agad matapos ang kanyang speech.

Sa biyahe paakyat, habang walang magawa sa bus, kinalkal ko ang gamit ko. Nadala ko pala ang kopya ko ng WRITINGS in protest, 1792-1985. Inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 1993 ang nasabing aklat. Si Alfrredo Navarro Salanga ang editor na nagsulat din ng prologo. Ang isa pang introduksyon, “The Temper of the Times: A Critical Introduction,” ay isinulat ni Alice G. Guillermo.

*           *           *

Hindi isinama ni Yuson sa kanyang pagsusuma sa mga antolohiya ng protesta ang WRITINGS. Ang binanggit niyang mga ni-edit ni Salanga ay ang Versus: Philippine Protest Poetry, 1983-86 (co-editor si Esther Pacheco) at Kamao: Panitikan ng Protesta, 1970-1986.

*           *           *

Sa MA class namin kay Dr. Raniela Barbaza (‘Panunuring Pampanitikan’), pinag-aralan namin ang pagtitipon ng mga akda (sarili at ibang tao/antolohiya). Kasama sa mga inusig ang politikal na motibasyon ng editor sa pagpili ng mga akdang isasali. Ano-anong akda ang hindi isinama? Sino-sinong manunulat ang inetsapwera (maging sa susunod na edisyon ng antolohiya). Sa dami ng sinasabi sa teksto, ano ang hindi nito sinasabi?

*           *           *

May hinuha akong open for all ang antolohiyang BLOODLUST nang ilabas ang panawagan para sa kontribusyon noong Enero 2017. Open for all: ibig sabihin, kahit sinong nagpoprotesta sa rehimeng Duterte, regardless sa political affinity (naglingkod o nakinabang man sa dating diktador o hindi). Kasama na rito ang mga naglingkod at nakinabang sa rehimeng Noynoy Aquino, at kabilang sa Liberal Party at/o Akbayan.

May mga kaibigan at kakilala ako (tinitingala ang iba) na nakasama sa antolohiya. Pluralismo ang nakikita ko sa antolohiyang ito.

*           *           *

Hinihintay ko sa ngayon ang sanaysay ni Tilde Acuña tungkol sa “new protest poetry.” Isinama ni Ian Rosales Casocot sa The Kill List Chronicles ang ilan sa mga tula ko. Sa blog niyon mababasa ang “The New Protest Literature in the Time of Duterte.” Nasabi bang bago ang mga akdang ito dahil tungkol sa bagong rehimen (nagsimula noong isang taon)?

Binabasa ko rin ang mga pasaringan ng mga makatang anti-Duterte (ilan sa kanila ang rumaraket sa Liberal Party hanggang ngayon?) at ng makatang kasalukuyang speechwriter ni Duterte.

Kahit noong rehimen ni Noynoy, inaabangan kong mag-a la Primitivo Mijares ang isang makatang dating speechwriter ni Mar Roxas. Nang maipasa kay Noynoy, minata pa niya ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita at nag-instigate pa ng redbaiting sa Facebook.

*           *           *

Maliwanag na sa ngalan ng tactical alliance, ibinigay ng pambansa-demokoratikong kilusan ang suporta kay Duterte. Ngunit mas maliwanag ngayon kung sino-sino ang mga nasa likuran at paligid ni Duterte—nagtagumpay na ietsapwera ang mga progresibo. At mas maliwanag na ngayon na hindi bulag na mga tagasunod ang mga kasapi at liderato ng kilusan. Walang lisensiya ang sino mang diktador para labagin ang karapatang pantao ng kahit sino.

*           *           *

Sa introduksyon ni Yuson, sinabi rin niyang “It has been three decades since Filipino poets have reassembled in pages of protest.” Sa tingin ko, dahil ni hindi nabanggit ang WRITINGS, maaaring may mas nauna pa sa pinakaunang antolohiyang tinukoy ni Yuson sa pagsusuma niya ng protest literature. Maaaring nangyari ito sa mga literary folio sa buong bansa. Matapos ipasara ang mainstream media ay nanatiling mouthpiece ng masa/katotohanan ang mga publikasyon sa unibersidad. Maaaring nangyari ito sa mga publikasyong underground.

Maski ngayon, sa mga simpleng zine ng Kilometer 64, Kataga, at Resbak tinitipon sa mga pahina ang mga panitikan ng protesta. Walang tigil ito, at lalong dumarami sa panahon ng paglala ng pampolitikang krisis sa kasaysayan ng bansa. Sa mga institusyong ito, lagi’t laging boses ng kabataan, kababaihan, manggagawa, magsasaka at iba pa ang siyang naririnig.