FEATURED

Bahaghari ng kanayunan


Kilalanin si Dats Anne, lesbiyanang lider-Lumad.

Pagdampi ng liwanag sa kabundukang dinaanan ng bagyo, mabubuo ang bahaghari na tumatawid mula sa langit patungong lupa. Kung sa kabundukan ng Bukidnon iyan, mayroong isang Dats Anne—hinulma ng pakikibaka sa lupa, katutubong lesbiyana.

Si “Dats Anne” o Angelly Ventura’y Manobo sa Bukidnon. Ang “Dats” na idinudugtong sa kanyang pangalan ay pinaiksing “Datu” o pinuno. Bagamat ang kapatid ni Dats Anne ang Bai ng kanilang tribu, nirerespeto siya ng komunidad dahil isa siya sa mga nanguna sa pagbawi ng kanilang lupa.

“Tinawag nila akong ‘Dats’ kasi nakita nila na marunong ako magdala ng mga tao. Di lang ako makadalo ng pakikibaka kung may sakit ako. Pero kung nasaan ang pakikibaka nandoon ako,” ani Dats Anne.

Ayon kay Dats Anne, ang lupang ninuno nila sa Botong, Quezon, Bukidnon ay pilit na inuupahan ng Davao-Ventures Corporation (Davco), sosyohan ng Del Monte Philippines Corp. at Anflo Management And Investment Corporation (Anflocor). Taong 2009, nang mapaso ang kontrata nito sa lupa nila, nakaranas sila ng panghaharas para sapilitang papirmahin ng Memorandum of Agreement na magpapatuloy sa plantasyon ng Davco.

Si Dats Anne ang isa sa mga nag-organisa para makipag-usap sa administrasyon ng kompanya at lokal na gobyerno.

Nagpiket siya at mga katribu niya sa labas ng munisipyo. Nang hindi pa rin mapalayas ang plantasyon, pinasok na nila ng sapilitan ang kanilang lupain pero pinagbabaril sila ng mga tauhan nito. Marami ang nasugatan at namatay.

“Nakipag-usap kami, pero pinagbabaril kami. Nagpalipas kami ng isang linggo, pinasok na naman namin. Talagang nakuha namin ‘yung lupang ninuno na walang tulong ng gobyerno,” ani Dats Anne.

Dalawang dekada na ang nakakaraan, tulad ng maraming miyembro ng LGBT (Lesbians, Gays, Transexuals, Bisexuals) community, nakaranas siya ng diskriminasyon. “Mahirap talagang tanggapin sa komunidad na isa kang LGBT. Bakit ka tomboy? Maiimpyerno ka,” ani Dats Anne.

Maging ang mga magulang niya’y nahirapan sa pagkilala sa napili niyang kasarian. Humantong pa ito sa paghahanap ng mapapangasawa niya sa kanilang tribu. Lumuwas siya patungong Maynila at doon niya nakilala ang kanyang karelasyon nang 10 taon. Niyaya niya itong sumama sa kanya pabalik ng Bukidnon na ikinagulat ng kanyang magulang.

“Ang paniniwala sa tribu namin, pag nag-asawa ka ng ganito (parehas ang kasarian), uulan daw, babagyo,” aniya.

Hindi lang si Dats Anne ang nakaranas ng diskriminasyon, maging ang karelasyon niya’y biktima rin ng makitid na pangmamata sa mga LGBT. Kristiyano ang karelasyon ni Dats Anne at nang minsan umano siyang yayain nitong magsimba, may humarang sa kanila sa pintuan ng simbahan dahil ang kasuotan niya ay panlalaki.

Hanggang sa ngayon, patuloy si Dats Anne sa pag-eeduka sa kanyang mga katribu at kakilala tungkol sa usapin ng kasarian. Pero ayon sa kanya, dapat mas malawak ang pagtingin ng mga LGBT mismo sa isyung ito.

“Ipaglalaban ko ang sarili ko, pero hindi lang para sa sarili ko. Lalong (ipinaglalaban ko) ang lupang ninuno. Ang pakikibaka ko sa pagka-LGBT ay nanggaling sa lupang ninuno. Ang lupang ninuno’y buhay ng mga Lumad. Isa akong LGBT na Lumad,” ani Dats Anne.

Si Dats Anne ay isang bahaghari ng kanayunan—hinubog ng bagyo at nakasandig ang pakikibaka sa lupa.