FEATURED Kapirasong Kritika

Talim ng Sining sa Dissident Vicinities


Rebyu sa eksibit ng progresibong mga likhang-sining ngayong panahon ng pasistang rehimen.

Nakapunta ako sa art exhibit na Dissident Vicinities sa lugar na kung tawagin ay “Bulwagan ng Dangal” sa UP-Diliman. Naroon ang eksibit ng mga likhang-sining simula Agosto 18 hanggang Setyembre 1 ngayong taon.

Ang ibig sabihin ng “dissident,” isang taong tumututol sa opisyal na patakaran, lalo na ng isang Estadong awtoritaryan. Ang ibig sabihin ng “vicinities,” mga lugar na magkakanugnog. Sa titulo, kinukuha ang elemento ng pagtutol na laman ng unang salita para gawin itong kolektibo, na laman naman ng ikalawa. Tumatama ang titulo sa lalong pagiging awtoritaryan ng rehimen ni Rodrigo Duterte – mahigpit na nagpapasunod sa mga mamamayan, sumisikil sa mga personal na kalayaan.

Sa exhibit guide na ipinapamahagi sa bungad, may paliwanag ang nag-organisa ng eksibit, ang curator na si Lisa Ito-Tapang, propesor sa College of Fine Arts sa UP-Diliman, progresibong kritikong pansining, at aktibistang pangkultura. Pokus ng eksibit, aniya,  ang “mga kilusang masa para sa kalayaan, demokrasya at mga karapatan, na nagsisikap protektahan at ipagtanggol ang mga yamang likas, kabuhayan at komunidad.” Ang konteksto ng mga ito: “tumitinding kawalan ng pagkakapantay-pantay sa larangan ng ekonomiya, kolonyal at imperyal na pagpapalawak, at mga pampulitikang kaguluhan.”

Mural ni Pablo Baen Santos na "Internal Refugees" na naka-mount sa Dissident Vicinities exhibit
Mural ni Pablo Baen Santos na “Internal Refugees” na naka-mount sa Dissident Vicinities exhibit

Ang agad na mapapansin ng isang aktibista: marami sa mga likhang-sining ang nakita na nitong nakaraang taon sa mga protesta at iba pang lugar, at sa Facebook o iba pang social media. At positibo ito: ibig sabihin, malapit, kung hindi man nakaugat, sa kilusang masa ang eksibit. Ibig ding sabihin, may antas ng pagiging masigla ang produksyon ng kilusang masa ng mga likhang-sining.

Makikita rito ang “Larawan ng Kapayapaan,” mural na may maraming panel, likha ng mga grupong KARATULA, Tambisan sa Sining, at UGATLahi para sa protesta sa unang State of the Nation Address ni Duterte. Bahagi ito ng paggigiit ng makabayan at demokratikong adyenda ng mga mamamayan sa bagong pangulo. Pawang nakatingala ang mga inilalarawang bidang magsasaka at manggagawa, puno ng optimismo at diwang palaban. Makukulay ang mga obra, nang-eengganyo sa masayang alternatiba at hinaharap na taliwas sa madilim at bulok na lipunang umiiral ngayon.

"Ka Parago" ni Aldrein Silanga
“Ka Parago” ni Aldrein Silanga

Narito rin ang “Ka Parago” ni Aldrein Silanga, mural na nasa gitna ang imahe ni Leoncio Pitao, nilikha bilang parangal sa kumander ng New People’s Army o NPA sa Mindanao. Napatay man siya sa labanan, buhay na buhay si Ka Parago sa larawan at kulay, tulad ng masang Lumad at magsasaka, hukbo, at kilusan na pinaglingkuran niya. Ang laki ng likhang-sining, patunay ng pagpapahalaga sa kanya at ng tapang ng alagad ng sining na lumikha, gayundin ng kilusang masang nangangalaga.

Unang beses ito na makikita ng publiko sa aktwal ang “Buhay-Gerilya,” tesis sa UP College of Fine Arts ni Melvin Pollero na ang larawan ay lumaganap na sa social media. Paglalarawan ito ng iba’t ibang aspeto ng buhay ng NPA gamit ang telang tapeta at chalk – na siya ring gamit ng NPA sa mga talakayang pang-edukasyon sa loob ng sonang gerilya. Ang tumatanaw ng likhang-sining ang binibigyan ng pag-aaral, na simple at madali nilang mauunawaan – kung hindi sila kasama sa uring nagsasamantala, pahabol ng makatang Aleman na si Bertolt Brecht hinggil sa Komunismo.

"Panginoong Walang Lupa" ni Archie Oclos
“Panginoong Walang Lupa” ni Archie Oclos

Nakatindig sa eksibit ang “Panginoong Walang Lupa” ni Archie Oclos, painting ng manggagawang bukid na nakapako sa krus tulad ni Hesukristo. Mapapansin ang bisagra sa likod ng kahoy na sumusuporta sa imahe, na noong Semana Santa ay itinayo ni Oclos – lingid sa awtoridad, estilong gerilya – sa mismong Hacienda Luisita. Panawagan ito na makita sa manggagawang bukid, at sa masa sa kabuuan, ang kaapihang dinanas ni Kristo at ang potensyal na maging tagapagligtas ng sambayanan.

Muli namang nakatanghal rito ang “Makibaka para sa Kalayaan,” painting ni Voltaire Guray, na nilikha niya noong siya’y bilanggong pulitikal at unang ipinakita sa publiko sa eksibit na Timyas ng Paglaya noong 2016. Makikita ang marubdob na pag-aasam sa kalayaan ng mga detenidong pulitikal sa mga imaheng palaban at sa indayog ng maliliwanag na kulay na taliwas sa itim na likuran – kalayaan mula sa pagkakapiit at kalayaan para sa sambayanan.

Tinipon din sa eksibit ang ilang progresibong likhang-sining na nauna nang nalikha para sa iba’t ibang lunan, pero hindi naipamalas nang prominente sa kilusang masa. Muli, patunay ito ng isang antas ng sigla ng gawaing pangkultura ng kilusang masa sa bansa.

Bahagi ng eksibit ang dambuhalang mural na “Internal Refugees” ni Pablo Baen Santos, beteranong progresibong alagad ng sining. Dito, itinatanghal ang reyalidad ng “pagbabakwit,” halaw sa salitang Ingles na “evacuate,” sa bansa. Ramdam ang nakakagalit na sakit at pighati bunsod ng dahas at dislokasyon. Natapos likhain noong 1989 para ipakita ang nagpapatuloy na pasismo sa tabing ng nagbalik na “demokrasya,” napapanahon ang pagpapakita nito ngayong 2017 sa harap ng pagdausdos ng pekeng demokrasya patungong lantad na pasismo.

Maaalala ang kwento ng Komunistang pintor na si Pablo Picasso. Nang makita raw ng isang sundalong Nazi sa Germany ang larawan ng painting niyang “Guernica,” tinanong siya nito: “Ikaw ba ang gumawa niyan?” Ang sagot niya: “Hindi. Kayo.” Pwedeng ipalit si Baen Santos at isang sundalong Pilipino sa kwento kaugnay ng “Internal Refugees.”

Narito ang “Corporate Crusade/The False Prophet,” painting ni Raoul Ignacio “Iggy” Rodriguez, na simpleng pagpapakita ng diyalektikal na pagtatambal at pagiging kambal ng malaking kapitalista at ng makinarya ng panunupil at pananakop. Simpleng paglalantad ito ng tunay na brutal na batayan ng marangal na postura ng sistemang kapitalista.

Sa “Mag-uuma,” maikling sipi sa isang bidyo-dokumentaryo, ipinakita ni Kiri Lluch Dalena ang pag-awit ng isang magsasaka sa Bukidnon na biktima ng militarisasyon noong rehimeng US-Noynoy Aquino. Tungkol sa pang-aapi at paglaban ang awit, at nag-iimbita na alamin ang kwento ng mga mag-uuma at makiisa sa kanila. Ang pagiging payak ng sipi, nagdidiin sa pagiging makatotohanan ng salaysay.

Nasa eksibit din ang “Armaggedon” ni Federico “BoyD” Sulapas Dominguez. Puti at itim ang imahen, kaiba sa karaniwan nang makukulay na likhang-sining ng beteranong pintor. Kakatwa ang mga napiling kulay, dahil tuligsa ang likhang-sining sa impormasyong pinapalabas ng telebisyon o ng midya ng malalaking kapitalista sa kabuuan.

Katangi-tangi naman ang mga drowing ng mga estudyanteng Lumad ng Bakwit School, na nagpoprotesta sa militarisasyon ng kanilang mga paaralan at komunidad. Malinaw ang ipinapakita ng mga payak na drowing: mga bata, mga estudyante, paaralan at militar – kumbinasyong sapat nang umani ng pagkondena sa kalagayan at pakikiisa sa mga biktimang lumalaban.

“Bihag”, by Leonilo Doloricon x Tom Estrera

Images of today’s proletariat, imprisoned and chained; labor dispossessed and made invisible daily. Let us never forget that most of what we claim to possess is borne on the backs and shoulders, yielded by the sweat and blood of the toiling masses.

Preview of ‘Bihag’ (2017), a collaboration between Leonilo Doloricon and Tom Estrera. On view at the Dissident Vicinities exhibit at Bulwagan ng Dangal in UP Diliman.

#dissidentvicinities

Posted by Dissident Vicinities on Tuesday, August 22, 2017

Kapansin-pansin naman ang mga likhang-sining na nagmaksimisa sa mga posibilidad ng porma na ipinapahintulot, o hinihingi pa nga, ng venue ng eksibit na tila museo. Maraming likhang-sining ang multi-media, na humahalaw pa rin, sa iba’t ibang paraan, sa mga naunang porma ng likhang-sining.

Tampok dito ang mga naiilawang larawan at bidyo ng iba’t ibang effigy na nilikha ng UGATLahi Artists Collective sa nakaraang mga taon na nagpapakita ng tuligsa sa iba’t ibang pangulo. Mahusay na naitanghal ang mahalagang papel at praktikal na gamit ng mga effigy sa mga protesta. Ipinapaalala rin ng mismong porma ng pagpapakita sa eksibit ang malakas na rehistro sa telebisyon o anumang screen ng bidyo ng effigy sa gitna ng protesta, lalo na ang pagsunog sa mga ito.

Tampok din ang maiksi at nambabagabag na “Bihag” nina Leonilo Doloricon at Tom Estrera. Ang mga dibuho ng beteranong pintor, pinakilos sa animation ng nakababatang alagad ng sining. Kakatwa: pinagalaw ang mga tao sa imahe – manggagawa, magsasaka – para ipakita, sa kanilang paulit-ulit na pagkilos, ang pagkapako sa isang kalagayan sa sistemang ito na katulad ng bihag.

Narito yata ang pinaka-galit na effigy ni Duterte na nalikha hanggang sa ngayon – ang “Death’s Head” ni Renan Ortiz, hindi magugustuhan ng mga ka-DDS. Hitler at mala-demonyo ang paglalarawan, bunsod ng pamamaslang sa mga pinaghihinalaang adik at sa mga aktibista, sa papaigting na panunupil, at pagtalikod sa mga pangako sa sambayanan. Pinalutang sina Ronald “Bato” dela Rosa ng pulisya at Delfin Lorenzana ng militar, mga nangungunang utak-pulbura sa gobyerno ni Duterte.

Mula sa 'The Rustle of Leaves' ni Karl Castro
Mula sa ‘The Rustle of Leaves’ ni Karl Castro

Sa “The Rustle of Leaves,” ipinakita ni Karl Castro, gamit ang mga dahon, liwanag mula sa likod ng mga ito, at mga imahe ng binti, hita at paa na nakatatak sa mga ito ang pagiging saksi ng kalikasan sa kanayunan sa iba’t ibang tagpo ng presensya ng militar, presensya ng NPA, kabuhayan ng masa, at iba pa. Kakaibang paraan ng pagpapakita, at pagtanaw, sa araw-araw na reyalidad ng tunggalian sa kanayunan.

Isang simpleng painting ang “Objects That Object” ni Henrielle Pagkaliwangan na nagpapakita ng iba’t ibang gamit – plakard, balatengga, effigy, bandila – na iniluwal ng mga protesta. Dito, ang mga bagay na parang hangin na hinihinga na lang para sa mga aktibista, hinango para ipakitang likha at ambag.

Sa “Mayflowers (Stories we only learn through Skype calls and letters)” ni Nathalie Dagmang, ipinalabas ang tamis at pighati ng buhay ng Overseas Filipino Workers at kanilang pamilya, na sentral na sa buhay ng ating bayan. Ipinakitang tagos hanggang pamilya, at hanggang puso, ang epekto ng kawalang-trabaho sa ating bansa, bunsod ng atrasadong agrikultura at bansot na industriya.

Mula sa “Objects That Object” ni Henrielle Pagkaliwangan
Mula sa “Objects That Object” ni Henrielle Pagkaliwangan

May malalaking panel na nagpapakita ng mga pinalaking pahina mula sa Philippine Collegian, opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng UP-Diliman. Ang laman, mga artikulo at larawan tungkol sa malalaking kilos-protesta noong dekada ’70 at ’80. Mayroon ding pinalaking sipi ng serye-seryeng paglilimbag ng librong Philippine Society and Revolution na may titulong “Philippine Crisis and Revolution.”

Natatangi ang “Third from the World” ni Renz Lee sa paggamit ng mga lumang larawan at chalk sa pader para ipakita ang pagkakatulad ng mga bansa sa Timog Silangang Asya pagdating sa dominasyon ng dayuhang kapangyarihan, karanasan sa awtoritaryanismo, at paglaban ng kilusang masa. Para itong pinagandang leksyon sa klase, kung saan pinatampok ang pagiging mahalaga ng mga kilusang estudyante sa paglakas ng buong kilusang masa sa naturang mga bansa. Dito, ang relatibong bagong nilalaman hinggil sa rehiyong kinabibilangan ng bansa, hindi inurungan at hinanapan ng mainam na porma.

Sa pagbubuod, pagdating sa tema, positibo sa Dissident Vicinities ang paglalarawan sa kalagayan ng masang Pilipino, gayundin ang paglalantad sa mga pangulo ng Pilipinas na pawang reaksyunaryo. Kaugnay ng mga aspetong ito, gayunman, makikita ang kahinaan ng hindi pagpaksa nang may diin sa lumalaking hanay ng maralitang lungsod at paghahari ng imperyalismong US sa bansa.

Sekundaryo ang mga punang ito, gayunman, lalo na’t kung ikukumpara sa malaking pangunahing positibo sa eksibit – ang paglalarawan, sa napakaraming buhay na porma, kapwa sa sabayang armado at hindi-armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Masasabi ito tungkol sa mga pinaksa ng mga mayor na likhang-sining sa eksibit, ngunit masasabi rin ito kaugnay ng buong eksibit mismo, na maituturing ding bahagi ng naturang pakikibaka. Sana’y maitanghal ito sa maraming lugar at maraming kababayan ang makakita.

30 Agosto 2017

Featured image: Detalye mula sa “Buhay-Gerilya” ni Melvin Pollero