Komentaryo

Ang dakilang pagtalikod


Kabaligtaran ng progresibong pagbabago ang tinatahak ng rehimeng Duterte.

Isinara na naman ni Pangulong Duterte ang isang bintana (o pinto) sa posibilidad ng progresibong pagbabago.

Taliwas sa mga pahayag niya na hindi niya kontrol ang Kongreso, lalo na ang Commission on Appointments (CA), na siyang nagbasura sa pagiging kalihim ni Judy Taguiwalo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), alam ng madla ang katototohanan. Anumang rehimen sa bansa, may malakas na impluwensiya sa Kongreso, at ginagamit ng Presidente ang impluwensiyang ito para itulak ang mga mambabatas na ipasa ang mga panukalang batas at polisiyang gusto nito. Sabi nga ng kanta, inosente lang ang nagtataka.

Pinamalas ni Taguiwalo ang pamumunong dapat asahan ng taumbayan sa mga lider na mula sa Kaliwa: matapat sa paglilingkod sa bayan, walang bahid ng korupsiyon, at may talino at pagkamalikhain para mapagpahusay pa ang paglilingkod sa bayan. Pinamamalas din ito ni Rafael “Ka Paeng” Mariano, kalihim ngayon ng Department of Agrarian Reform at nananatili ring di pa nakukumpirma ng CA. Bilang pinuno, pinamalas din ito ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Sec. Liza Maza.

Bilang bahagi ng pagpapatianod ni Duterte patungong Kanan at papalapit lalo sa imperyalismong US, unti-unti na niyang tinalilikuran ang mga miyembro ng gabinete na pinakamatatapat na naglilingkod sa bayan. Samantala, maihigit isang taon pa lang ang nakararaan, pero nakikita na natin ang halos buong pagtalikod ni Duterte sa mayabang na mga pahayag kontra sa presensiyang militar ng US sa bansa.

Mahigit tatlong buwan matapos sumiklab ang sigalot sa Marawi City, nakita natin ang ganap na pagtanggap ng Pangulo sa “ayuda-militar” ng US—ang pagbasbas ng imperyalismo sa malawakan at lantarang pagdurog sa lungsod, pagpatay sa mga sibilyan at paglabag sa mga karapatan ng mga mamamayang Moro. Napakalayo na natin sa panahong nagagawang kondenahin pa ni Duterte ang mga krimen ng US sa mga Moro noong digmaang Pilipino-Amerikano, dahil siya mismo pinangasiwaan na ang pag-uulit ng mga krimen na ito ngayon.

Masasabi nating expansion o pagpapalawig lang ang giyera kontra insurhensiya at giyera kontra “terorismo” ng dati nang ipinamamalas ni Duterte na pasistang tendensiya na nakita natin sa kanyang giyera kontra droga. Sa ngalan ng giyerang ito, tinaguriang Oplang Tokhang, inatasan niya ang Philippine National Police (PNP) na gamitin ang buong puwersa—kahit na iyung labag na sa batas—para puksain ang mga adik at nagtutulak ng ilegal na droga.

Tulad ng taktika niya sa mga “terorista”, dinadaan ni Duterte sa kamay-na-bakal at madugong pamumuksa ang mga problemang panlipunan tulad ng paglaganap ng droga at “terorismo” na masosolusyonan lang sa pagtugon sa batayang mga problema ng lipunang Pilipino. At ang mga problemang ito, ayon sa kilusang pambansa-demokratiko, ay ang paghahari ng imperyalismo, ang pagkakaroon ng burukratang kapitalismo (pagturing sa paggogobyerno bilang negosyo o para sa pansariling interes ng mga opisyal) sa gobyerno, at piyudalismo (monopolyong kontrol ng iilang panginoong maylupa sa malalaking lupaing agrikultural ng bansa).

Marahil, napag-isip-isipan na ni Duterte na hindi talaga niya matutugunan ang mga problemang ito, lalo pa’t simula’t sapul ay niyakap na niya ang pagpatupad ng neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya na dati nang pinatutupad ng nakaraang mga presidente. Sa pamamagitan ng mga polisiyang ito, nagpapatuloy ang pagtindi ng imperyalistang kontrol sa ekonomiya at pulitika sa bansa, habang patuloy din ang paghahari ng iilang miyembro ng oligarkiya sa bansa. Samantala, nananatiling malayo sa abot-kamay ng mayoryang maralita ang mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, pabahay at serbisyong medikal—dahil sa neoliberal na pananaw, hindi ito karapatan ng mga mamamayan kundi mga produktong maaaring pagkakitaan ng iilan.

Kung kaya, ginagamitan na lang niya ng kamay-na-bakal ang pagtugon sa mga sintomas ng nabanggit na panlipunang mga problema. Tinalikuran na rin niya ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), lalo na ang mga pangakong pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Pinaiigting niya ang “all-out war” laban sa rebolusyonaryong kilusan na pinapayungan ng batas militar sa Mindanao. Nagbabanta pa siyang palawigin sa buong bansa ang batas militar.

Hindi itong pasistang diktadura ang progresibong pagbabago na nasa isip ng 16 milyong Pilipino na bumoto kay Duterte. Tiyak, sa susunod na mga linggo at buwan, lalawak ang bilang ng mga mamamayang maniningil sa kanya.