FEATURED Pambansang Isyu

Rehimeng Duterte: Isang taon


Sa dinami-rami ng magagandang pangako ni Pang. Rodrigo Duterte para sa tunay na pagbabago sa bansa, tila kakarampot ang natupad. Samantala, papasahol ang kalagayan ng masang Pinoy.

Mga manggagawa, ibinibitin pa

Isang linggo bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, nagtipon na ang mga manggagawa mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa para magkampo—sa harap ng tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Malakanyang.

Ang hiling nila: iatras na ng Pangulo ang batas militar sa Mindanao at wakasan na ang kontraktuwalisasyon.

“Patuloy ang pagsahol ng kalagayan ng mga manggagawang Pilipino,” sabi ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Ang masahol pa, ani Labog, ay sa kabila ng mga deklarasyon ni Duterte, sa totoo’y ipinagpatuloy lang niya ang mga polisiya ng nagdaang mga administrasyon na ilako sa malalaking dayuhang kapitalista ang mura, kontraktuwal at sinusupil na lakas-paggawa.

Sa kabila pa nito, idineklara pa ni Duterte ang batas militar sa Mindanao, na ginagamit ngayon para supilin ang lehitimong mga pakikibaka ng mga manggagawa para maregularisa at sa national minimum wage.

Kasama sa mga lumahok sa kampuhan ang mga manggagawa sa mga plantasyon ng saging sa Compostela Valley na tinaboy ang welga dahil sa batas militar. Kalahok din ang mga manggagawa sa mina sa Caraga na inaatake ang karapatang mag-unyon at ginagawang kontraktuwal. Nasa kampuhan din ang mga manggagawa sa Timog Katagalugan, na natanggal sa trabaho dahil sa kontraktuwalisasyon, at mga manggagawa mula sa Kamaynilaan na ginigiit na maregularisa sa trabaho.

Sinabi pa ni Labog na magiging senyales ng direksiyong tatahakin pa ng rehimen ang magiging tugon ng Pangulo na iangat ang batas militar at pirmahan ang Executive Order na papawi sa kontraktuwalisasyon.

“Ano man ang tugon niya, nakapuwesto ang mga manggagawa na igiit ang demokratiko nating mga karapatan at lehitimong mga hiling at pakikibaka,” pagtatapos ni Labog. Priscilla Pamintuan


Paasa sa mga magsasaka

Tunay na reporma sa lupa ang pangako ng administrasyong Duterte sa mga magsasaka. Bilang patunay, itinalaga niya si dating Anakpawis representative Rafael Mariano bilang Kalihim ng Department of Agrarian Reform.

Pero hindi dito natatapos ang laban para sa tunay na reporma sa lupa.

“Imbes na seryosong tugunan ang People’s Agenda na ibinigay sa administrasyon noong nakaraang taon, hinayaan ni Duterte ang kaniyang economic managers na makapagluwal ng ‘Dutertenomics’ nito na sa esensiya ay makadayuhan at makanegosyante na neoliberal na polisiya,” ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Ang panawagan para sa tunay na repormang agraryo at pambansang industrilisasyon ay di pinakinggan. Ang usapang pangkapayapaan na dapat sana’y magbibigay daan sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser) ay nabalahaw at hindi sumusulong dahil sa kawalan ng sinseridad sa proseso ng usapang pangkapayapaan.

Ayon naman kay Anakpawis Rep. Ariel Casilao, hindi pa rin umuusad sa committee level ng Kongreso ang House Bill No. 555 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na siyang mabibigay daan para sa libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.

Wala pa ring kongkretong nagagawa ang administrasyon para itigil ang kontraktuwalisasyon kabilang na sa hanay ng mga manggagawang bukid. Pinalala lang ng Department Order No. 174 ni Labor Secretary Silvestre Bello ang kontraktuwalisasyon.

“Hindi nagiging maganda ang tinutungo ng mga bagay sa ilalim ni Duterte. Ang kaniyang unang taon ay minarkahan ng napakong mga pangako, promosyon ng mga neoliberal na polisiya at militarismo. Ang kaniyang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanaw ay sapat na dahilan para magpakilos at magprotesta sa kaniyang State of the Nation Address,” ayon kay Ramos. Pher Pasion

 


Unang taon sa buhay ng maralita

Mabigat, marahas at mga pangakong bigo. Ganito ilarawan ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang naging unang taon ni Pangulong Duterte.

“Hindi namin naramdaman ang kanyang presensiya at plano para sa mahihirap…(N)apako ang kanyang mga pangako,” sabi ni Bea Arellano, pangkalahatang kalihim ng Kadamay.

Ayon sa State of the Urban Poor ng grupo, ipinunto ng mga maralita ang ilang bagay na sa halip na masolusyona’y tila mas lumalala pa. Pangunahin sa mga ito ang kahirapan.

Ayon sa huling mga sarbey, 50 porsiyento ng sambayanan ang nagsasabing naghihirap sila. Nangunguna ang bansa sa mga may pinakamaraming pamilya o indibidwal na wala o walang disenteng tirahan. Ayon sa Philippine Statistics Authority, umabot na sa 4.5 milyon Pilipino ang walang tirahan. Kabilang din ang Pilipinas sa mga nangungunang bansa pagdating sa kawalang trabaho. Mahigit 17 milyong Pilipino ang wala o halos walang trabaho, ayon sa World Bank.

Sa kabila ng pangako ni Duterte na walang demolisyon hangga’t walang relokasyon, mayroon pa ring demolisyon. Samantala, apektado rin ang mga maralita sa papatindi pa ring kontraktuwalisasyon, pagtaas ng buwis, madugong giyera kontra droga at ang pag-iral ng batas militar sa Mindanao.

Ang tagumpay ng ilang programa katulad ng #OccupyBulacan kung saan inokupahan ng miyembro ng Kadamay ang tiwangwang at bakanteng mga yunit sa mga relocation site sa Bulacan. Giit ng Kadamay, hindi dahil sa Pangulo ang tagumpay na ito. Dahil ito sa sama-samang pagkilos ng maralitang lungsod upang mapasakanila ang mga pabahay na dapat lang na ipinapamahagi sa mga maralita.

“Napilitan lang ang pangulo na ipamahagi ang bakanteng mga yunit sapagkat naipit na siya sa pagkilos ng maralita,” ayon kay Arellano.

Pero nahaharap pa sila sa mas malaking problema tulad ng paglayo sa lugar ng trabaho at kakulangan ng serbisyo tulad ng linya ng tubig at kuryente. Ang mga pasaning ito sa mga maralita’y patuloy na pinaglalaban sa gobyerno.

Isang taon pa lang ang nakalipas, pero parang napakatagal na ng administrasyong ito. At higit kailanman, pakiramdam ng mga maralita na napakalayo pa sa kanila ang tunay na pagbabago. Abie Alino


Hanggang pangako lang

Higit sa isang taon makalipas ng kanyang pagtakbo bilang presidente at paghayag ng kaliwa’t kanang pangako, sinisingil na ng iba’t ibang sektor si Pangulong Duterte.

Sa porum ng progresibong grupo ng Lesbian, Gay, Bisexual, and Transgender (LGBT) na Bahaghari-Metro Manila at ng UP Diliman Gender Office (DGO) nitong Hulyo 14, binigyan nila ng gradong “charot” ang unang taon ni Duterte.

“Hindi lang tayo nakikipaglaban para sa usaping pangkasarian, kung hindi binibitbit din natin yung mga suliranin at karapatan ng sektor na kinabibilangan natin, at higit pa roon, yung sa mas malawak na sambayanang Pilipino,” ani Prop. Bernadette Neri ng Bahaghari.

Ngunit ayon rin kay Neri, mahirap makahagilap ng datos ukol sa sektor ng LGBT sa mga ahensiya ng gobyerno.

Sabi naman ni Gert Libang, vice chair ng Gabriela, ilan sa problemang kinakaharap ng kababaihan ang pagsasapribado ng mga institusyong pangkalusugan, kawalan ng makamasang pabahay, mga di-pantay na kondisyon sa trabaho, at iba pa.

Pati ang ipinapatupad na batas militar ay dagdag pasakit sa kababaihan, ayon sa Center for Women’s Resources.

Tuwing nagkakaroon ng operasyon ang militar, napipilitang lumipat sa gubat sina Eufemia Cullamat, liderManobo sa Surigao del Sur. Dahil sa tuminding presensiya ng militar sa Mindanao dala ng martial law, ay kinailangan nilang maglipat muli. Habang nagbabakwit, kinailangang manganak sa kalsada ang kasamahan nina Cullamat. Delikado ito hindi lang para sa ina kundi para sa sanggol na maaaring madamay sa kaguluhan sa rehiyon.

“Pero paglabas ng bata, kailangang lumakad ulit kami,” ani Cullamat. Mas nanaiisin na kasi nilang makalayo sa gulo kahit na matinding pasanin ang madalas na pagbakwit. Kung hindi raw agad makakaalis, paminsa’y binubugbog ang kalalakihan sa kanilang grupo.

Para kay Diamond Kalaw, lider-maralita mula sa Marawi City, bangungot ang makitang sentro ng sagupaan ang komunidad na kanilang kinalakhan.

“Wala nang babalikan na bahay, dahil wasak na. Wala na. Walang bahay na babalikan doon, wala na ring kabuhayan,” ani Kalaw. Rinig sa kanyang boses ang galit at panlulumo.

Malayo ang naipintang madugo at mapanganib na reyalidad na ito sa mga ipinangakong mas ligtas na bansa ng Pangulo. Sa unang taon ng panunugkulan, “charot” nga ang maigagrado. Andrea Jobelle Adan at Shernielyn Dela Cruz


Abuso ng Estado, patung-patong na

Dumarami na ang biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Ito ang lumabas sa ulat ng Karapatan, grupong pangkarapatang pantao at Kalikasan, grupong makakalikasan, hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao at kalikasan sa bansa ngayon. Sa karapatang pantao, nariyan siyempre ang mahigit 7,000 napaslang sa ilalim ng giyera kontra droga. Pero tumitindi rin ang pasistang atake ng militar sa mga komunidad ng mga Lumad at magsasaka sa Mindanao, at kahit sa ibang bansa.

Binigyan-pokus naman ng Kalikasan ang mga atake sa mga katutubo, magsasaka at aktibista na nakikipaglaban para sa kalikasan.

Sa ulat naman ng Global Witness, isang grupong internasyunal na kasama ang Kalikasan, kada linggo ay may apat na environmental defenders ang pinapatay.

Malinaw sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao sa Mindanao na tumindi ang mga pang-aabuso bunsod ng deklarasyon ng batas militar doon noong Mayo 23. Isa sa mga malupit na tinamaan nito ang komunidad ng mga Lumad, na muling sinasalakay ngayon ng mga militar.

“Madaling araw ng Hulyo 6, nag-ikot yung bomber plane sa komunidad namin. Nagdesisyon na po kaming magbakwit na,” ani Michelle Campos, anak ng isa sa minasaker sa Lianga, Surigao del Sur noong 2015. Simula nito, pabalik-balik ang mga Lumad sa kanilang tirahan at evacuation center sa pangamba na maulit ang pagbomba.

“Sa katunayan, yung drug war ay ginamit na tool para bigyan-katwiran ang pagpatay sa isang kabataang environmentalist na si Anoy Pasaporte dahil siya raw ay kasama sa drug list,” kuwento ni Leon Dulce ng Kalikasan.

Patuloy din ang pagkakapiit ng mga bilanggong pulitikal kahit pinangakuhan na ni Duterte na palalayain sila
noong nakaraang taon pa. Bilang halimbawa, binanggit ng Karapatan patuloy na pagkakapiit kay Joel Almonte. Pagnanakaw sa tamang prosesong hudisyal at pagkakasakit ang mga dinadaing nila, ayon sa kaanak. Norielyn de Guzman


Usapang pangkapayapaan, dapat ituloy

Sa pagkakasulat nito, hindi alam tuloy o hindi ang usapang pangkapayapaan. Pero malinaw ang pahayag ni Pangulong Duterte: Ayaw niyang matuloy ang usapang pangkapayapaan hangga’t hindi ititigil ng New People’s Army ang mga atake nito kontra sa militar ng gobyerno.

Pero nakakapagtaka ito. Palaging sinasabi ng National Democratic Front of the Philippines (na kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusan) na handang handa ito na magdeklara ng isang tigil-putukan pagkatapos malagdaan ang kasunduan sa mga repormang sosyo-ekonomiko (Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms).

Matapos ang diumano’y mga atake ng NPA sa mga tropa ng gobyerno sa iba’t ibang bahagi ng bansa, idineklara na rin ni Duterte ang pagpapatigil sa backchannel talks sa pagitan ng Reciprocal Working Committees ng dalawang panig. Nakakapanghinayang, dahil naihanda na sana nitong nakaraang linggo ng RWCs ng dalawang panig ang kasunduan hinggil sa repormang agraryo. Ani Alan Jazmines, pangalawang tagapangulo ng NDFP sa Reciprocal Working Committee sa mga repormang sosyo-ekonomiko, nakasaad sa kasunduang ito ang libreng pamamahagi ng lupa.

Ginawa ni Jazmines ang anunsiyo sa isang porum ng Ecumenical Bishops Forum, Patria at Philippine Ecumenical Peace Platform sa Quezon City kamakailan.

Tinalakay sa porum kung gaano kahalaga ang pangangailangang ituloy ang usapang pangkapayapaan sa kabila ng pagkansela ng gobyernong Duterte sa partisipasyon nito sa fifth round matapos ang deklarasyon ng batas militar sa Mindanao at pahayag ng New People’s Army na paiigtingin nito ang armadong pakikibaka.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Prop. Jose Maria Sison, punong konsultant pampulitika ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, na mistulang deklarasyon ng giyera ng gobyernong Duterte ang planong pagpapalawig nito sa batas militar sa Mindanao hanggang katapusan ng taon. Priscilla Pamintuan, Monique Panganiban at Norielyn De Guzman


Sirang pangako para sa bagong bayani

Isang taon matapos makakuha ng dumadagundong na suporta si Rodrigo Duterte mula sa mga Overseas Filipino Worker (OFW), tila wala pa ring tunay na pagunlad para sa kalagayan ng karaniwang migrante.

Isang masaklap na kabalintunaan sapagkat 10 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas ay nagmumula sa mga padala ng mga OFW sa kamag-anak nila. Tinatayang nagkakahalaga ito ng USD$26.9-Bilyon kada taon.

Ang mga mabulaklaking wika ng administrasyon ukol sa pagsasaayos sa problema sa kawalan ng matinong trabaho na dahilan ng pangingibang-bansa ay isa lamang sa mahabang listahan ng mga pangakong inihapag ni Duterte bago at matapos ang eleksiyon. Isa na sa mga pangakong ito ang mga binitiwan niyang salita na ang pagiging OFW ay magiging isang opsiyon na lamang sa malapit na hinaharap.

Ngunit isang malaking palaisipan para sa grupong Migrante International ang pagkataupad ng mga pangakong ito sapagkat hayag nila’y ipinagpapatuloy lamang ng kasalukuyang administrasyon ang mga neoliberal nitong polisiya. Isa na rito ang DO (Department Order) 174-2017, dahil dito pinagtibay pa ang ang kontraktuwalisasyon, na magpapalala sa malakihang kawalan ng trabaho at mababang suweldo—dahilan upang mangibang-bansa ang mga mamamayan.

Samantala, nagsisipagbalikan naman ang ma OFW nang maramihan hindi dahil sa desisyon nila ito kundi dahil sa epekto bg krisis pang-ekonomiya sa mga bansang niluwasan nila tulad ng sa Middle East. Sa pagbalik naman nila sa Pilipinas, sasalubong pa rin sa kanila ang mga parehong problemang naging dahilan ng pangingibang-bansa nila, ayon sa Migrante, mga problemang pinangakuan ni Duterte ng pagbabago ngunit wala pa ring planong naihahapag isang taon matapos niyang maupo sa puwesto.

Bagamat ang mga katulad nina Mary Jane Veloso at ni Dalquez na nakaiwas sa parusang kamatayan ay mistulang mga kuwento ng pag-asa para sa sitwasyon ng mga OFW, ang mga tumulong sa kanila ay hindi ang administrasyon kundi ang mga iba’t ibang grupo.

Malayo pa ang tatahakin ng Pangulo kung nais niyang matupad ang mga malalaki niyang pangako. At mismong ang malaking kontribusyon ng mga OFW sa ekonomiya nang Pilipinas kapalit ang kaligtasan nila ay kinikilala ng administrasyon, sentimiyento nga nila—mga ‘bagong bayani’ raw ang mga OFW. Kung kaya’t nararapat lamang na kilalanin sila ng administrayon nang naaayon sa sentimiyento nito at hindi lamang parangal kundi ng pagtupad sa mga pangako ni Duterte. Sid Natividad