FEATURED

Presinto Uno

Sa notoryus na estasyon ng pulisya, bago pa man ang Tokhang, masasaksihan ang iba’t ibang modus at krimen ng ‘Manila’s Finest’.

[cycloneslider id=”tokhang-sa-tondo-2017″]

 

Mula nakaraang taon hanggang kamakailan, 11 beses nang hinuli at ikinulong ng mga pulis si Macoy*. Inamin niya, gumagamit siya noon ng droga. At nagbebenta.

Nangyari ito bago pa man ang Oplan Tokhang, o ang dineklarang giyera ng administrasyong Duterte kontra sa ilegal na droga, na ipinatupad pagkaupo ni Pangulong Duterte sa poder noong Hunyo 30, 2016. Pero dumalas ang pagkakahuli kay Macoy dahil sa Tokhang. Mabuti na lang, hindi niya naranasan ang naranasan ng libu-libong pinaratangang “adik” at “tulak” sa buong bansa—ang mapatay sa isang operasyon ng pulisya, maparatangang “nanlaban” sa mga pulis.

Suwerte si Macoy, pero may kabayaran. Hinuhuli siya dahil sa droga, pero tinutubos niya—ang kanyang sarili. “ [Pagkahuli,] pinepresyuhan kaagad ako. Trenta mil, beinte mil…,” kuwento niya sa Pinoy Weekly. Hindi korte ang nagpapataw ng bail sa kanya. Mga pulis mismo. “Tokhang for ransom” ang katawagan dito ng mga taga-Vitas sa Tondo, Maynila, kung saan nakatira si Macoy.

May pera siya noon, dahil nagtutulak nga siya ng droga. Tuwing nahuhuli, minsan humihiram siya ng pantubos. Pinadadala niya sa asawa niya sa Presinto Uno ng Manila Police District, kung saan siya laging ikinukulong. “Hindi ako nakaranas (noon) ng nasaktan ako,” kuwento niya.

Pero nagbago ang trato sa kanya sa huling pagkakahuli sa kanya noong Abril ngayong taon. “Hindi na ako nun gumagamit. Sumali ako sa Sanlakbay sa Pagbabagong Buhay,” ani Macoy. Ito ang programang rehabilitasyon ni Antonio Cardinal Tagle, arsobispo ng Maynila, para sa mga adik at tulak na iwan ang buhay ng droga at “bumalik sa Diyos”. Noong Abril na iyon, nahuli muli si Macoy.

“Nadaanan lang ako (ng mga pulis) sa bahay, hinuli ako,” kuwento pa niya. Dahil nagbagong buhay na, wala na siyang maibayad sa mga pulis. “Nakaranas na ako ng lahat ng pagtortyur. Lahat, ginawa nila…May pamalo kasi sila, ‘yung malapad na pamalo. Parang pang-paddle. Hinahampas ka kahit saan ka tamaan.”

Mahigit isang linggo siya sa Presinto Uno. Isang hapon, dahil wala nang mapala ang mga pulis sa kanya, pinaghubu’t hubad siya, saka tinadyakang palabas ng presinto. At pinatatakbo siya. Naisip niya ang nga kuwentu-kuwento ng pagpatay sa mga “nanlabang” adik. Narinig niya ang kuwento ng tungkol kay Jay*, na residente rin sa Katuparan (tenement building sa Vitas). Napatay si Jay dahil nanlaban daw. Nagyabang pa umano ang isang pulis: Tamang tama, inilibing na si Jay, ikaw na, Macoy, ang susunod.

Naisip niya iyun, kaya kahit pinalalabas na si Macoy, nagpumilit siyang bumalik sa presinto. “Ser, huwag naman. Kahit kasuhan n’yo na ako. Kahit walang nakuha sa akin (na droga).” Pero pinalabas pa rin siya.

Hubu’t hubad sa kalsada, biglang may dumaang trak. Tinakbo ni Macoy at nakiangkas. Sa una-unahan, may nakita siyang mga kakilalang drayber ng dyip. Humingi siya ng damit at nagpatulong makalayo sa Presinto Uno.

Naging notoryus sa madla ang Presinto Uno. Kinagabihan ng pagkalabas ni Macoy noong Abril 29, “nireyd” ng Commission on Human Rights, sa pangunguna ng direktor ng CHR sa National Capitol Region na si Gilbert Boisner, ang mismong presintong ito. Natagpuan ng CHR ang “sikretong kulungan” sa likod ng isang dingding na may butas na tinatakpan ng isang cabinet. Doon mahigit isang linggong ikinulong si Macoy—at maraming iba pa.

Tinatanaw ni Kagawad Jess ang lugar na sinasakupan niya. Andrea Jobelle Adan

Lumalabang nanay

Doon din puwersahang lumipas ng dalawang araw si Nanay Tess*, 44, noong Nobyembre ng nakaraang taon.

“Tinawag lang ako ng mga kapitbahay ko, kasi wala yung nanay (ng pamangkin kong si Jason*),” kuwento ni Nanay Tess. Hinuli kasi ng mga pulis ang kanyang pamangkin sa may tulay ng Vitas matapos makapulot ng isang sachet ng shabu. Naabutan niyang hawak na ng pulis si Jason, 13, at napalo ng baril sa ulo. “Ang sabi ko lang (sa pulis): Ser, bakit n’yo binubugbog yung pamangkin ko? Pinalo na ng baril sa ulo, lumobo na ulo.”

“Bakit ina-ano mo, eh nakuhanan namin ng shabu?” sabi ng isang pulis. Hinila siya nito at pilit na pinasasama sa presinto. Pagdating sa presinto, dumating din ang nanay. “Ikulong n’yo na iyan,” sabi umano ng pulis kay Nanay Tess at ang nanay ni Jason.

Noong gabing iyun, pinalabas din si Jason. Pero hindi bago siya gulpihin. Natae pa sa salawal. “Sabi ko, ipa-medikal na iyan,” ani Nanay Tess. Ikinagalit ito lalo ng pulis. Pinukpok siya ng logbook sa ulo at itinulak papasok sa secret jail.

Puno umano ng tao ang naturang kulungan. Kung anu-ano ang nasaksihan nila. May dalawang tao, isang lalake at babae, ang nakita nilang sinukluban ng itim na t-shirt sa ulo at saka pinasok sa kubeta. Saka may narinig silang mga putok.

“Ansakit na (noon) ng dede ko,” kuwento ni Nanay Tess. May sanggol kasi siyang pinasususo. Kinabukasan, dinala ng kanyang anak na si Jessa* ang sanggol sa presinto. Nagdala din sila ng pagkain kung sakaling di pa kumakain ang nanay. Pero tinanggihan silang makita si Nanay Tess. Umiyak ang bata.

Nagpakatapang si Nanay Tess sa harap ng mga pulis. Kaya lalong napag-initan siya ng mga ito. Kinapkapan siya ng babaeng asset, pero walang makuha ito. Inihubad na nga niya ang damit sa harap ng pulis, para lang mapakitang wala siyang droga.

“Sabi sa akin, ‘Kung gusto mo, tuluyan ka na namin dito eh.’” Alam niyang kayang kayang gawin sa kanya iyun.

Piyansa

Pumapadrino si Kagawad Jess*. Pero hindi lahat ng nahuhuli sa kanilang barangay ang pinapadrino niya. Iyun lang na kilala ko, aniya. “Mayroon naman kasi talagang hindi magandang ginagawa dito sa barangay namin. Pero hindi ko rin (sila) matiis,” aniya.

Mahigit isang araw na noon matapos makulong si Nanay Tess. Sumama si Kagawad kay Jessa sa Presinto Uno. Pagdating sa presinto, iniwan niya sa labas si Jessa, at kinausap ang mga pulis. “Binulungan ako. Bertdey daw ng isang pulis,” aniya. Lumabas si Kagawad. Maya-maya, may dala nang dalawang malaking bote ng Fundador at isang bilao ng pansit. Saka lang pinalabas sina Nanay Tess at ang ina ni Jason.

Dalawang linggo matapos makulong si Nanay Tess, ang asawa naman niya ang hinuli.

“Mag-a-alas-dose na ng hatinggabi, kasarapan na ng tulog namin,” kuwento ni Jessa. Sinipa nila ang pintuan ng bahay, pero hindi agad nabuksan ito. “Sabi nila, ‘Kapag hindi namin bubuksan ang pinto, pagbabarilin nila kami.’ Kaya binuksan namin ang pinto.” Mga 12 pulis ito—anim hanggang pitong motor, magkakaangkas.

Droga pa rin ang kaso ni mister. “Totoo naman talagang nagdodroga si tatay, pero hindi siya nagbebenta,” ani Jessa. Isang linggo at dalawang araw siyang nakulong. Tulad ni Macoy, hindi naman daw sinaktan si mister. Pero may pakay kasi ang mga pulis. “Ang hingi nilang piyansa sa akin, sampung libo,” kuwento ni Jessa.

Pero wala siyang ganung halaga. “Ang kaya ko lang, limang libo,” aniya. Tumawad sila ng isanlibo. Hatinggabi, pinuntahan siya ng mga pulis sa kanyang bahay. Okey na raw ang P5,000, makakauwi na raw ang tatay niya kung mabibigay niya ito sa kanila. Binigay niya ito.

Ilang araw lang matapos makalabas ng asawa ni Nanay Tess, ang anak niyang si Jess naman ang hinuli at ikinulong. “Iyung dati ko kasing asawa, drug lord. Drug lord talaga,” aniya. Pero matagal na silang hiwalay. Isang Trixie na tao ng dating asawa niya ang nahuli ng pulis, at itinuro siya bilang dating asawa nung drug lord.

“Hapon na noon, at magmemeryenda kami,” aniya. Pinasok ang bahay nila, hinalughog ang bahay, tinangay ang dalawang cellphone ni Jessa, at pati ang kanyang P550 pera sa wallet. “Pinalabas nila ako ng madaling araw, ala-una. Hindi na binalik ang cellphone at pera ko.” Walang nakuha sa kanya na magpapatunay na sangkot siya sa droga.

Bago pinaalis sa presinto, pinaglinis muna nila si Jessa. Pinaghugas din ng mga pinggan. Nang wala nang ibang magagawa, pinaalis na siya. Humingi pa si Jessa ng pamasahe pauwi. Pagsakay niya ng traysikel, sinundan pa siya ng dalawang nakamotor mula sa presinto. Tumuloy muna siya sa Puregold sa Pritil, at sa isang burulan doon. Nang mawala na ang sumusunod na nakamotor, sa siya sumakay ng dyip pauwi ng Vitas.

Kinabahan na kasi si Jessa baka matulad din siya sa ibang “tinutumba” matapos pakawalan ng pulis. Lalo pa’t kung anu-ano ang nakita niya sa Presinto Uno: ang paghahanda ng mga “ebidensiya” laban sa mga nahuhuling adik, ang plastik na kahong pinaglalagyan nito. Nakita pa umano niyang gumamit ng shabu ang mga pulis.

Mga bata ng Vitas, Tondo, nanonood ng takipsilim sa rooftop ng Katuparan building. Andrea Jobelle Adan

Nanlaban

Nitong Abril 13, isang kapwa residente ng Katuparan ang isa sa pinakahuling biktima ng Tokhang sa lugar. Umalis ng alas-10 ng gabi sa kanilang bahay si Jay, 32. Bago nito, nilaro pa niya ang mga anak niya. “Nagpulbos. Mahilig sa babae siya,” kuwento ni Nanay Isa, ina ni Jay.

Hatinggabi, may tumawag kay Nanay Isa. Ang sabi, sunduin daw si Jay sa bahay ng kaibigang si Larry. Duguan si Jay. Ang mga kapatid niya ang pumunta. Dinala na raw si Jay sa Tondo Medical Center, nasa morgue na.

Ang kuwento ng mga kapitbahay: Pinasok ng mga pulis ang bahay ng kaibigang si Larry. Nagpaputok. Bumaba si Jay na nakamaskara (hindi nila alam kung bakit). Ang sabi ng mga pulis, “Ah kasama pala ni Aswang yang nahuli, pwede na yan,” saka pinaputukan. Tatlong tama sa katawan at dibdib.

“Sabi nga ng imbestigador (ng PNP), may laban kami kung magkakaso kami,” ani Nanay Isa. Pero bakit pa, sabi niya, wala naman daw silang pambayad ng abogado. Mahirap din umanong umasa sa imbestigador ng mismong pulis.

Matapos pa nga ang pangyayari, ang sabi ng pulis, “nanlaban” si Jay. “Kahit kutsilyo ho hindi humahawak yan,” ani Nanay Isa. “Hindi nakikipag-away yan. Maingay lang yan dito.”

Matapos ang reyd sa Presinto Uno, hindi na rin matuntun nina Macoy, Nanay Tess, Kagawad Jess, Jessa, at Nanay Isa kung nasaan na ang mga pulis na sangkot sa kani-kanilang mga kaso. Iba na raw ang mga mukha sa Presinto Uno ngayon. Pero hindi nawawala ang mga abuso. Bago pa ang Tokhang, nahuhuli na si Macoy, naririyan na ang “pagpipiyansa”, napapatay na ang mga “nanlalabang” adik.

Tumindi at lumala lang sa ilalim ng Tokhang ng rehimeng Duterte.

*Itinago namin ang tunay nilang pangalan para sa kanilang seguridad.
May ulat nina Andrea Jobelle Adan at Shernielyn Dela Cruz