FEATURED Kabataan

Ang totoo sa libreng matrikula

Kahit dineklara na ng gobyerno ang libreng matrikula, agresibong nilalabanan pa rin ito ng makadayuhang mga ekonomista sa loob ng rehimeng Duterte.

Tagumpay na itinuring ng kabataan ang pagkamit sa P8.3Bilyong inilaan noong nakaraang taon ng administrasyong Duterte para sa matrikula ng mga estudyante sa higit 100 state universities and colleges (SUCs) sa bansa.

Ilang buwan matapos ang naging deklarasyon, naglabas ang Commission on Higher Education (CHEd) at ang Department on Budget and Management (DBM) ng binagong joint memorandum hinggil sa pagpapatupad ng nasabing badyet o Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST). Nakasaad dito na imbes na para sa lahat ang libreng edukasyon, bibigyang-prayoridad muna ang “mahihirap pero karapatdapat na mga estudyante.”

Ganito rin ang eksena matapos ideklara ng kasalukuyang tsanselor ng University of the Philippines (UP)-Diliman na si Dr. Michael Tan nitong buwan na hangga’t wala pang malinaw na patakaran sa implementasyon ng free tuition policy, hindi muna mangongolekta ng matrikula sa UP Diliman sa darating na unang semestre.

Kasunod nito, naglabas sa Facebook ng infographic ang think-tank ng gobyerno na Philippine Institute for Development Studies (PIDS) hinggil sa kawastuhan ng UniFAST at pagiging “kontramahihirap” diumano ng libreng matrikula para sa lahat.

Pinabulaanan ito ng IBON Foundation, isang independiyenteng institusyon sa pananaliksik sa bansa. Ayon sa kanila, sa tunguhin at anggulo pa lamang sablay na ang PIDS.

“Yung tungtungan kasi ng libreng matrikula, ang edukasyon ay social good (para sa ikabubuti ng lipunan). Hindi siya isang commodity (produktong binebenta),” ani UG Naguit, education advocacy specialist  ng IBON, sa paggamit ng PIDS sa “user pay principle”, isang approach na nagpapahalaga sa indibidwal na pagbayad ng mamamayan. “May mandato sa Saligang Batas ang estado na ibigay (ito) sa mga mamamayan.”

Ngunit hindi ito ganoon kadali, paniwala ng PIDS. Sa isinulat nilang policy paper, nakikita nilang malaking salik sa pagiging “kontra mahihirap” daw ng libreng matrikula ang kawalan ng sapat na pondo at buwis na mailalaan para sa pagpapaganda at pagpapalibre sa edukasyon.

“Ang pagtaas ng buwis ay hindi nangyayari nang basta lang at nang walang ginagastos,” ayon sa PIDS. Dahil dito, kakailanganing bawasan ang pondo sa gastusin ng imprastraktura, agrikultura, at iba pa.

Ayon naman kay Ben Te, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Kabataan Partylist, di naman kakailanganin ng gobyernong maningil ng buwis na higit pa sa sinisingil na ngayon at lalong hindi nito kailangang bawasan ang pagseserbisyo sa ibang sektor ng lipunan.

“Imagine kung magkano ‘yung ginagastos ng gobyerno natin para sa pambobomba sa Mindanao, sa Marawi. Nakakakuha siya ng pondo. Pero ang problema kasi, dahil ang gusto ng ating gobyerno, [gumagawa] ng kita ‘yung universities, kaya nagkakaroon ng mataas na matrikula,” paliwanag ni Te.

Ayon rin sa IBON, hindi dapat ipinagbabangga ng gobyerno ang serbisyo nito sa iba’t ibang sektor, lalo na ang pagtugon sa pangangailangan ng mahihirap.

“Kasi kaya nga may ganyan (hindi makapag-aral), masyadong limitado ang accessibility sa higher education para low-income groups (mahihirap),” ani JP Andaquig, publications section head ng IBON. Sa isang pag-aaral ng IBON, napag-alamang dalawa sa kada tatlong pamilya ang nabubuhay sa P125 lang bawat araw.

Sa kabila ng mga pagtutunggaling ito, nagkakaisa ang IBON at PIDS na hindi pa sapat ang free tuition para matawag itong tunay na libreng edukasyon para sa mga mamamayan. Ayon kasi sa PIDS, wala sa kalahati ng gastusin upang makapag-aral ang matrikula. Nariyan ang gastos sa tirahan, pamasahe, kagamitan at iba pa.

Dahil dito, naniniwala ang PIDS na ang mga may kakayanang punan ang gastusin bukod sa tuition ang magbebenepisyo lang sa free tuition.

Ngunit kung nakikita itong dahilan ng PIDS upang tawaging kontra-mahihirap ang free tuition, nakikita naman ito ng iba bilang paunang hakbang sa pagkakamit ng libre at dekalidad na edukasyon sa bansa.

“Regardless kung ano ang economic bracket mo, ang edukasyon ay karapatan ng bawat mamamayan. Sa pinapakita ng PIDS, prebilehiyo (sa kanila) ang edukasyon, na ito’y isang kalakal na may presyo,” pagtatapos ni Naguit.