Pambansang Isyu

Dagdag-pasaning buwis

June 10, 2017

Sinasabi ng gobyerno na makakaluwag ang Tax Reform Law sa mahihirap. Pero lumalabas na dagdag-pasanin pa ito.

Pilipinas ang bansang pinakamalaking magbuwis. Sa mga pag-aaral, lumalabas na 30 hanggang 32 porsiyento ng sahod ng mga manggagawa ang naibabayad sa buwis ng gobyerno.
Sa kampanyang pagkapangulo noong 2016, ipinangko ng mga tumatakbo ang pagbaba ng buwis. Si Pangulong Duterte ang may pinakamagandang pangako. Aniya, ang mga kumikita na mas mababa pa sa P20,000 ay hindi na magbabayad ng buwis.

Nang manalo si Duterte, inihapag sa Kamara ang House Bill 5636 o ang reporma sa pagbubuwis. Kailangan umano ang maagap na pagpasa ng panukala, dahil ayon kay Finance Sec. Carlos Dominguez, magiging “mas bulnerable sa fiscal risk” ang ekonomiya ng bansa. Magkakahalaga ito ng “P30Bilyon sa annual debt servicing at P100-B pa sa mas mataas na pag-utang sa publiko.”

Sa panukalang reporma sa pagbubuwis, hindi na magbabayad ng buwis ang kumikita ng mas maliit sa P250,000 kada taon. Hindi pa rin bubuwisan ang mga bonus tulad ng 13th month pay. Mananatiling bubuwisan ang mayayaman, ang 0.1 porsiyento ng mga nagbabayad ng buwis, ng pinakamataas na 35% na pagbubuwis (tignan ang talaan sa kaliwa).

Panalo na dapat dito ang mahihirap at middle class. Ngunit may bawi sa kanila ang naturang batas: Tataas ang iba pang buwis, lalo na ang value added tax (VAT), oil excise tax, buwis sa asukal, at automobile tax.

Nananatiling laban sa mahihirap ang reporma sa pagbubuwis, ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate. “Mas tatamaan ang mga tsuper, maliliit na opereytor, mga komyuter, mga maybahay, estudyante, mga OFW (overseas Filipino workers), ang mayorya ng mga Pilipino dahil lahat ng produkto at serbisyo ay tataas ang halaga dahil sa pagtaas ng pagbubuwis,” aniya.

Sa pagtasa ng Ibon Foundation at mula sa datos ng DOF, magbabayad ang mayayaman ng Php178.3-B sa pinababang personal at corporate income tax, estate and donor taxes, at capital income taxes.

Samantala, magbabayad ang mga mamimili ng aabot sa Php341.6-B para sa VAT mula sa dating VAT-exempt items, at mas mataas na excise taxes sa mga produktong petrolyo, at mga produktong may asukal.

Sa komputasyon ng Computer Professionals’ Union (CPU), aabot sa P762.59 ang matitipid ng isang pamilya na minimum wage earners dahil sa naturang batas. Pero dahil sa dagdag-buwis sa langis, renta sa bahay, yutilidad (kuryente at tubig), aabot naman sa P960 ang dagdag na gastos sa kanila sa isang buwan. Ibig sabihin, may P197.41 pang dagdag na gastos sa isang pamilya na may dalawang nagtatrabahong magulang na may minimum wage.

Pumasa na sa ikatlong pagbasa sa Kongreso ang panukala, at hinihintay na lang ang pagdinig nito sa Senado. Kung sakaling pumasa sa bicameral committee ang panukala, mananatiling may kabig ang bawat pangakong binibitawan ni Duterte.

Darius Galang

Darius Galang

Darius Galang covers migrant and women's issues for Pinoy Weekly, while also working as a graphic artist and photographer. He is one of PW's long-time editorial staff and was a product of Manila Collegian of the University of the Philippines-Manila campus.