FEATURED Pambansang Isyu

Pagbabanta ng US sa North Korea


Nanganganib masangkot ang Pilipinas sa posibleng gerang nukleyar ng US sa DPRK.

Nasa bingit na ba ng isang digmaang nukleyar ang mundo?

Nagkakagirian ang dalawang bansang may armas nukleyar: Estados Unidos at Democratic People’s Republic of Korea (DPRK, mas kilala bilang North Korea). Ito’y matapos ideploy ng administrasyon ni US Pres. Donald Trump sa kalapit na South Korea ang barkong pandigma nito na may armas nukleyar, ang USS Carl Vinson noong nakaraang buwan. Nitong nakaraang linggo, dumating rin sa South Korea ang isa pang barkong pandigma, ang USS Michigan.

Pagkatapos ng pagdating ng USS Carl Vinson sa peninsulang Korea, nagkataong pinagdiwang ng DPRK ang kaarawan ng tagapagtatag ng kanilang bansa na si Kim Il Sung. Nagkaroon ng isang paradang militar ang gobyerno ni Kim Jong Un (apo ni Kim Il Sung) sa kabisera ng DPRK na Pyongyang. Dito, ipinarada ang iba’t ibang ballistic missiles at ilang armas nukleyar ng naturang bansa.

Noong nakaraang linggo naman, sa isinagawang Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit sa Maynila, inihayag ng mga lider ng Asean (kasama ang Pilipinas) na “malubhang nag-aalala” ito (“gravely concerned”) sa sitwasyon sa Korea, kabilang ang pagsagawa ng ballistic missile tests noong nakaraang taon, gayundin ang pagsagawa ng isa pang missile test noong nakaraang linggo.

Pero hindi binanggit ng Asean ang gobyernong US ni Trump, na siyang nagpatindi ng tensiyon sa Korea sa pagdeploy ng USS Carl Vinson.

May dahilan ang gobyerno ni Kim Jong Un para mabahala sa mga aksiyon ng US. Noong nakaraang buwan din, nagsagawa ang gobyernong US ng pagbomba sa iba’t ibang target sa bansang Syria sa Gitnang Silangan. Ginawang dahilan ni Trump ang sinasabing atakeng kemikal (“chemical attack”) sa Khan Sheikhoun sa Hilaga- Kanlurang bahagi ng Syria. Sa kabila ito ng imbestigasyon ng gobyerno ng Rusya, na nabomba ng Syrian Air Force ang isang warehouse sa Idlib kung saan nakaimbak ang mga armas kemikal ng mga rebeldeng kontra kay Assad.

Para kay Kim Jong Un at sa DPRK, malinaw na halimbawa ang pag-atake ng US sa Syria na di nangingimi ang US na manghimasok sa iba’t ibang bansa para makuha ang gusto nito. Ang tanging dahilan kung bakit hindi pa rin sinasalakay ng US ang DPRK ay dahil may armas nukleyar din ito na maaaring tumarget sa mga puwersang US at mga kaalyado ng US (gaya ng South Korea, Japan at kahit Pilipinas).

Malupit din ang naranasan ng mga mamamayang Koreano noong panahon ng Digmaang Koreano. Noong 1950, matapos depensahan ng mga puwersang Komunista ni Kim Il Sung ang mga kapwa-Koreano sa South Korea, pinagkaisahan ng US, South Korea at armadong puwersa ng United Nations ang pag-atake sa DPRK. Mula Oktubre hanggang Disyembre 1950, tinatayang umabot sa 35,000 sibilyang Koreano ang pinaslang ng mga armadong puwersa ng US — sa pamamagitan ng pagbomba at pananalakay. Hindi pa limot ng mga mamamayan ng DPRK ang krimeng ito.

Sa kabila nito, tila sinisisi pa sa midya ang DPRK at si Kim Jong Un sa pagtindi ng tensiyon sa pagitan nito at ng US. Kamakailan, tinawagan na rin ni Trump si Pangulong Duterte para suyuin ang huli na sumuporta sa pakikipag-kumprontasyon nito sa DPRK. Pinabibisita siya ni Trump sa White House sa US. Pinag-iisipan pa umano ni Duterte.

“Mas mabuti para kay Presidente Duterte na tanggihan ang imbitasyon ni US Pres. Trump para sa pulong sa Washington. Maliban sa photo-op, walang iba pang mapapala ang mga mamamayang Pilipino sa pulong na ito,” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan.