Rebyu

 Si bruha, si maganda

April 26, 2017

Maikling suri sa dalawang Kanluraning musical na lumapag sa bansa noong nakaraang buwan: Beauty and the Beast at Wicked.

Mahilig sa kantahan ang mga Pinoy. At bagamat may mayamang tradisyon ng pag-awit at pagsayaw ang mga Pilipino, malakas pa rin ang impluwensiya sa atin ng musikang mula sa Europa at Amerika. Kumpara sa ibang lahi sa Timog Silangang Asya, mga Pilipino na marahil ang pinakapamilyar sa Kanluraning musika.

Kasama rito ang pagtangkilik natin sa tinatawag na musicals (kapwa sa teatro at sa pelikula) na pinasikat sa mga sentrong pangkultura ng Kanluran tulad ng Hollywood (Los Angeles, California sa USA), Broadway (New York, USA) o West End (London, United Kingdom). Sa pangkalahatan, masasabi nating dala ng mga pangkulturang produktong ito ang dominanteng ideolohiya ng Kanluran—ang pagtaguyod sa kapitalismo bilang natural na sistema ng lipunan, ang pagpapahalaga sa indibidwal na kagalingan at personal na kaligayahan higit sa kolektibo o pambansang interes.

Gayunman, sa ilang pagkaka-taon, may mga produkto sa nabanggit na mga sentrong pangkultura na naglalaman ng progresibong mga mensahe o adhikain – o tumatalakay, sa malikhaing paraan, sa mga panlipunang reyalidad at nagmumungkahi ng progresibong pagbabago.

Nitong nakaraang dalawang buwan, muling lumapag sa bansa natin ang dalawa sa mga musical na produkto: ang pelikulang musical na Beauty and the Beast (na pinalabas sa halos lahat ng pangunahing mga sinehan sa bansa) at ang musical na panteatro na Wicked (na pinalabas sa pang-alta sosyedad na lugar na Solaire Casino Resort). Kapwa bumatay sa Kanluraning tradisyunal na kuwentong pambata (ang una, mula sa La Belle et la Bête na nobela ng Pranses na si Gabrielle-Suzanne Barbot de Villeneuve; ang pangalawa, tinuntungan ang The Wonderful Wizard of Oz ng Amerikanong nobelistang si L. Frank Baum), may progresibong mensahe o gamit kaya ang mga ito sa atin?

Unahin natin ang Wicked. Dinebelop nina Stephen Schwartz (musika at lirika) at Winnie Holzman (libro) mula sa nobela ni Gregory Maguire na Wicked: The Life and Times of the Wicked Witch of the West, kinuwento ang isang bersiyon ng pinagmulan ng “Wicked Witch of the West”, si Elphaba at pagkakaibigan niya sa isang maganda at popular na witch na si Galinda. Ipinanganak na berde pero may angking talento sa mahika si Elphaba. Sa pagtuklas niya ng sariling kakayahan at kapangyarihan, tinalikuran niya ang pag-ibig, ang mapanghusgang pamilya, at, sa huli, ang pagkakaibigan kay Galinda, para matuklasan ang sarili. Sa pagtuklas niyang ito, nagsilbing balakid ang isang sistema ng lipunan (ang Oz) na kurap, mapagsamantala at mapaniil.

Ano naman ang kuwento ng Beauty and the Beast (BB)? Ito ang kuwento ng isang dalagang baryo sa France, si Belle, na nakulong sa kastilyo ng isang prinsipeng may sumpa (kaya nagmukhang halimaw) dahil sa “pagnanakaw” ng rosas ng kanyang ama. Kalauna’y nagkapalagayang loob ang halimaw at si Belle. Kailangang sabihin ni Belle na mahal niya ang halimaw para mawala ang sumpa sa halimaw. Samantala, napahamak ang kanyang ama sa hambog na manliligaw ni Belle (si Gaston). Nang tangkaing sagipin ni Belle ang ama, sinugod ng manliligaw ang halimaw. Bago mamatay ang halimaw, nagawang magtapat ang dalaga—at muling naging guwapong prinsipe ang halimaw.

Walang duda, kapwa mahusay na musika ng dalawang musical na ito (itinuturing na groundbreaking sa Broadway ang musika ng Wicked, samantalang nauna naman ang animated version ng BB noong 1991 sa sunud-sunod na animated musical films ng Disney). Pero tila nakaaangat ang Wicked sa radikal na pagbasag nito sa nakagawiang mga kuwento ng pantasya—isang bidang babae na ginusto, hindi ang makakuha ng mapapang-asawang mayaman, kundi ang makawala sa konserbatibo at mapaniil na kultura para makamit ang potensiyal bilang witch, habang namumulat sa tunay na kalagayan ng lipunang kinikilusan niya. Konserbatibo at kontra-kababaihan naman ang hangarin ni Belle sa BB: ang mapangasawa ang isang ma-yamang lalaki (na bibigyang laya ang kanyang hilig sa pagbabasa)—kahit mukhang bakulaw.

Bagamat pantasya ang kuwento ng BB, may historikal na konteksto rin ang kuwento: huling bahagi ng 1700s, bago ang rebolusyong Pranses na nagpabagsak sa monarkiya. Kaya naman may ilang makukulit sa social media na nakapagsabi na dahil prinsipe nga ang halimaw, posibleng isa rin ito sa pinugutan ng ulo ng bagong luklok na rehimeng burges. Baka pati si Belle, napugutan din (katulad ng huling reyna ng Pransiya na si Marie Antoinette).

Samantala, sa Wicked, katulad ng mga radikal na nag-aaklas sa tunay na buhay si Elphaba: siniraan at binansagan ng kung anu-ano. Si Elphaba, tinawag na “Wicked Witch of the West.” Ang kasalukuyang mga radikal at rebolusyonaryo, binabansagang terorista, bandido, masamang tao. Pero kung may mapupulot man tayo sa Kanluraning musical na Wicked, ito ay ang puntong huwag maghusga sa panlabas o mababaw na anyo (“beauty”). Alamin ang tunay na kuwento nilang mga binabansagang bruha.


 

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a cultural and political writer who regularly contributes for Pinoy Weekly.