Karapatang Pantao

Ibalik ang tamihik sa Malibcong

April 22, 2017

Sa fact-finding mission sa Abra na nilahukan ng Pinoy Weekly, nakilala silang mga katutubo na naninindigan laban sa militarisasyon.

Kapayapaan. Para sa mga mamamayan ng bayan ng Malibcong sa Abra, napakamakahulugan ng salitang ito. Dahil tahimik ang komunidad ng mga katutubong Mabaka, Gubang, at Banao (Igorot) sa Malibcong. Malaya ang bawat isa — mula sa bata sa kanilang paglalaro hanggang sa pagpunta ng matatanda sa kanilang palayan na nakapuwesto sa puso ng kabundukan.

Pero nabasag ang kapa-yapaang ito nang dumating at magkampo ang mga sundalo sa loob mismo ng kanilang komunidad. Nabalot ng takot ang ilan sa mga residente at naging limitado ang kanilang mga galaw.

Halos isang buwan na ang nakalipas nang mangyari ito sa Malibcong. Sa pamumuno ni Lt. Col. Dominic Tomas Baluga, nagsagawa sa lugar ng “indiscriminate bombing” ang mga sundalo ng 24th Infantry Battalion of the Philippine Army (IBPA) sa ilalim ng 7th Infantry Division (ID). Apektado rito ang ilang barangay malapit sa lugar ng pinagbombahan tulad ng Umnap, Buanao, Lat-ey at Mataragan.

Ang layunin nila: durugin daw ang mga gerilya ng New People’s Army (NPA) na pumupugad sa Malibcong.

Nakabibinging pagsabog

Nangyari ang pangbobomba noong Marso 16, sa pagitan ng alas-sais hanggang alas-siyete ng umaga. Ayon sa kabataang saksi na nakatira sa Lat-ey, walong pagsabog ang narinig niya noong umagang iyon. Nasundan ang pagsabog sa pagitan ng 1 hanggang 1:45 ng hapon. Ngunit sa pagkakataong iyon, hindi na niya ito muling nabilang pa.

Apektado ang lahat ng mga katutubo ng Malibcong. Maging pamumuhay ng bawat isa’y nagbago hindi lang dahil sa pambobomba, kundi maging ang pagkampo ng mga militar sa komunidad.

Lumipas ang katandaan ni Inang Nita (hindi tunay na ngalan), may edad na di-bababa sa 80, na napapalibutan ng takot sa tuwing masasaksihan niya ang pangbobombang ginagawa ng militar. Ayon sa kanya, simula pa dekada ’80, magsimulang bombahin ng mga militar ang mga lugar na malapit sa kanila.

Mababakas sa guhit ng mukha ni Inang Nita ang mga takot tuwing may pagbobomba. “Sa tuwing magpapasabog sila, kahit alam namin na malayo sa amin, natatakot kami. Kasi, naririnig namin ‘yung pagsabog — malakas,” ani Inang Nita.

Nasaksihan ng halos buong buhay ng mga nakakatanda sa komunidad ang magbobomba at pag-atake sa kanilang mga lupaing ninuno. Sa pagkakataong ito, tulad noong nakaraan, tinanong nila ang kanilang sarili: Lilisanin din ba nila ang kanilang minamahal na lugar?

Isang bahagi ng bundok sa Malibcong na binagsakan ng bomba ng AFP. <b>Abie Alino</b>

Isang bahagi ng bundok sa Malibcong na binagsakan ng bomba ng AFP. Abie Alino

Buhay nilang magsasaka

Pangunahing buhay ng mga katutubo sa Malibcong ang pagsasaka. Kaya nabu-labog ang kanilang buhay nang simula na ang mga magpasabog at magkampo ang mga militar sa kanilang komunidad.

Noon, malayang naka-kapunta sa kanilang mga palayan nang walang pag-aalinlangan o iniisip na banta sa kanilang buhay ang mga magsasaka. Nagagawa nila ang gusto nila sa mga taniman at nababantayan nila ang kanilang mga pananim. Malayang nakakalakad sa damuhan maging ang mga kalabaw at baka, na katuwang sa pag-aararo ng mga magsasaka.

Pero ngayon, ni hindi nila mapuntahan ang mga pananim dahil sa mga operasyong militar na isinasagawa ng mga sundalo ng gobyerno sa kabundukan.

“Hindi na kami makapunta sa aming taniman. Kasi noong una, pinagbabawalan nila kami dahil sa operasyon na kanilang ginagawa. Pero mga ilang araw pa lang, pumayag sila. Kaso, natatakot pa rin kami, dahil baka bigla nila kaming barilin. Hindi din naman natin masasabi iyon,” ayon sa isang magsasaka na tumangging magpakilala.

Napakalaki rin ng pinsalang naidulot ng pinakabagong pagpapasabog sa mga pananim sa komunidad. Nabalisa nito ang mga kalabaw, baka at kabayo na sa mga pananim nagtakbuhan dahil sa takot sa lakas ng pagsabog. Ang iba nga, hindi na natagpuan ang kanilang mga alagang hayop matapos ang pagsabog. Paghingi lang ng tawad ang tanging naibigay ng pinuno ng militar.

Si Mark, 6. <b>Abie Alino</b>

Si Mark, 6. Abie Alino

Sa mata ng paslit

Samantala, ang mga bata sa komunidad ay maagang namulat sa mga karahasang nangyayari sa Malibcong.

Sa isang psychosocial intervention ng mga grupong pangkarapatang pantao sa lugar, pinagdrowing nila ang mga bata para ihayag ang kanilang mga saloobin.

Kung ikukumpara sila sa mga ibang bata at aatasang iguhit sa kanilang paligid, karamihan sa huli’y puno at mga bundok na nasa ibaba ng ulap ang iguguhit. Ngunit ang mga paslit ng Malibcong, karamihan ay baril, tora-tora at jet plane ang ginuguhit noong pinahahawak sila ng lapis at iba pang pandrowing.

Si Mark (di tunay na ngalan), 6-anyos, madetalye ang drowing ng armalayt. Nang tanungin kung papaano siya nagkaideya sa hitsura ng naturang baril, ang sabi niya: “Yun ang nakita ko sa mga sundalo.” Tila nakatatak na sa kanilang isipan ang karahasan ng giyera ng AFP.

Sa naturang intervention, naikuwento rin ng mga bata ang karanasan nila noong mga pagbomba. Nasa kani-kanilang silid-aralan ang mga bata nang may narinig silang malakas na pagsabog. Sa takot ng kanilang mga nanay, tumungo ang mga ito sa kanilang mga silong at siniguradong ligtas ang kanilang mga anak. Halos isang linggo ring nasuspinde ang klase ng lahat ng paaralan sa Malibcong.

Hindi lang kalikasan ang sinira ng pagsabog. Ang mas malupit na pagkasira’y sa buhay at kabuhayan ng mga taga-Malibcong. Lahat sila, iisang tanong ang tumatakbo sa isipan: Bakit ang bayan nila ang napipipiling bombahin ng mga militar? Bakit sa loob ng mahigit tatlong dekada’y sila ang laging target ng pagbomba? Ang tanging gusto lang ng mga katutubo ng Malibcong ay pangmatagalang kapayapaan at paggalang sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya.

Gayunman, nagkakaisa sila ngayon para ipanawagan na paalisin ang mga militar sa kanilang lupaing mahal. 


SIDEBAR

Misyong pangkapayapaan sa Abra

Mga katutubong bata ng Malibcong at ang paglalarawan nila ng pagbomba ng militar sa kanilang komunidad. <b>Abie Alino</b>

Mga katutubong bata ng Malibcong at ang paglalarawan nila ng pagbomba ng militar sa kanilang komunidad. Abie Alino

Dahil sa aerial bombings ng militar, sa pamumuno ni Lt. Col. Dominic Tomas Baluga, sa Malibcong, Abra, agad na tumulak ang iba’t ibang organisasyon tulad ng Cordillera People’s Alliance (CPA), Abra Human Rights Movement (AHRM), Cordillera Human Rights Alliance (CHRA), Cordillera Elders Alliance (CEA), Karapatan National Alliance for Human Rights, Kabataan Party-list, Regional Ecumenical Council in the Cordillera (Reccord) upang tugunan ang paghingi ng tulong ng mga tao sa komunidad.

Dahil sa mga operasyong militar, hindi na pinahintulutan ng mga tao sa komunidad na matunton pa ng grupo ang ang lugar na mismong pagbomba. Sa halip, isinagawa nila ang “community meeting”: tinipon nila ang bawat kasapi sa komunidad. Sa pagtitipong ito, lumutang ang mga kaso ng pang-aabuso ng mga sundalo.

Isa na rito ang ilegal na pag-aresto sa mga tao kabilang ang isang menor de edad at dalawang
kababaihan dahil napagkamalan ang mga ito na kasapi daw ng New People’s Army. Ikalawa, paghaharang sa mga pagkain sa loob ng komunidad dahil ito’y pinaghihinaalang suplay sa NPA. Ikatlo, ang kanilang pagkampo sa loob ng komunidad na nagdudulot ng takot sa mga tao sa paligid.

Ikaapat, pagbabanta at pananakot sa mga tao na gagamitin ang bala hindi lang sa pagtugis sa kalaban kundi maging sumusuporta sa mga ito. Ikalima, ang paggamit ng bombang may sangkap na phosphorus na naging dahilan ng pagkasunog ng ilang parte ng bundok na malapit sa komunidad. Ang mga abusong ito’y kinondena ng iba’t ibang grupo.

Anila, nalalagay sa kapahamakan ang buhay ng ordinaryong mga sibilyan. Kaya’t patuloy nilang ipaglalaban ang karapatan ng mga katutubo sa pamamagitan ng pagpapalayas sa mga militar sa loob ng kanilang komunidad. Abie Aliño


 

Abie Aliño

Abie Aliño

Nagtapos ng pamamahayag sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas si Abie Alino, ang pinakabatang manunulat ng Pinoy Weekly.