FEATURED Manggagawa

Hamon sa obrerong Pilipino  


Sa harap ng walang habas na atake sa karapatan ng mga manggagawa, may ginintuang pagkakataon para lalong magkaisa.

Sa panahon ni Rodrigo Duterte, ng pangakong (na napapakong) pagbasura sa kontraktuwalisasyon at pagkakaroon ng pambansang minimum na sahod, ng ‘di pa napapantayang’ usapang pangkapayapaan, kailangang kailangang lumawak at magpalakas ang kilusang manggagawa.

ANALISISPapatindi ang atake sa karapatan at kagalingan ng mga manggagawa. Pansinin na lang ang datos: noong dekada ’80, may 12 porsiyento pa ng kabuuang bilang ng mga manggagawang Pilipino ang nakapaloob sa mga unyon. Ngayong taon, tinatayang aabot na lang ng tatlong (3) porsiyento ng mga manggagawa sa buong bansa ang unyonisado.

Papaano nangyari ito? Sa maikling salita: sa pamamagitan ng kumbinasyon ng pandarahas, pambabraso, pananakot, panlilinlang at pangkukurap sa mga lider-dilawan. Matindi ang pandarahas ng rehimen ng nasirang diktador na si Ferdinand Marcos sa mga manggagawang nag-uunyon. Pero kahit noong pinatalsik ang diktador, nakita ang pagtindi ng mga atake sa karapatan ng mga manggagawa.

Pinakatampok na nito ang pagpapatupad ng mga batas na may layuning wasakin ang mga unyon ng mga manggagawa para maakit ang dayuhang pamumuhunan. Noong 1989, isinabatas ang Herrera Law (na siyang nagrebisa sa Labor Code), gayundin ang Wage Rationalization Act. Ang dalawang batas na ito ang naging legal na tuntungan ng paglaganap ng kontraktuwalisasyon sa buong bansa.

Sa panahong ito, lumaganap rin ang iba’t ibang klase ng tinatawag na “pleksibleng” pag-eempleyo, gayundin ang iba-ibang pamamaraan para manatiling mababa (at sa ibang kaso, pababain pa lalo) ang sahod ng mga manggagawa. Sa kalagayang ito, naging malaya ang malalaking employer na pahabain pa ang oras ng trabaho at baratin ang sahod para mamaksimisa ang kita mula sa lakas-paggawa ng mga manggagawa.

Kilusang manggagawa sa Pilipinas: Nagpapalakas para labanan ang neoliberal na mga atake. <b>Kontribusyon</b>
Kilusang manggagawa sa Pilipinas: Nagpapalakas para labanan ang neoliberal na mga atake. Kontribusyon

Dahil sa Wage Rationalization Act, tuluyang nawalan na ng anumang bahid ng National Minimum Wage sa bansa. Ibig sabihin, iba-iba ang minimum na sahod sa mga probinsiya — kahit pa halos walang pagkakapareho ang pagtaas sa mga bilihin ng batayang mga produkto sa buong bansa.

Isa pa sa pinakamalupit at mapagsamantalang prak-tika: ang “apprenticeship” sa malalaking pabrika o kompanya, ang kasunduan para rito, nabubuo sa pagitan ng mga kompanya at mga eskuwelahan na sinasanay ang mga gradweyt nila na maging manggagawa na di-nagrereklamo sa abang kalagayan nila. Napakasahol nito, dahil walang sahod na ibinibigay sa mga estudyante — na nagbabayad pa ng matrikula sa eskuwela.

Samantala, kongkretong nilikha ng neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya ang paglaganap ngayon ng special economic zones (dati, tinawag na export-processing zones) — mga engklabo o malalaking bloke ng lugar na eksklusibong pinagtatayuan ng malalaking pabrika o empresa ng multinasyunal na mga kompanya (multinational companies) na nag-eeksport. Hindi sakop ng lokal na mga batas at lokal na pamahalaan ang mga engklabong ito, na siyang ginagabayan naman ng Special Economic Zone Act of 1995. Napakaraming insentibo ang nasabing batas, mula sa di kailangang pagtupad sa mga batas sa paggawa hanggang sa tax holidays o takdang period na di kailangang magbayad ng buwis ang mga kompanya. Mayroong 345 special economic zones ngayon sa buong bansa.

Dahil sa mga atakeng ito sa karapatan ng mga manggagawa, malinaw ang pagdausdos ng kanilang kabuhayan. Nitong huling 20 taon, hindi nakaagapay ang paambon-ambon na dagdag sa sahod ng mga manggagawa. Nasa P454 ang minimum wage sa National Capital Region. Wala pa ito sa kalahati ng P1,119 na halagang sabi ng Ibon Foundation ay kailangan para mabuhay nang disente ang isang pamilya na may anim na miyembro.

Sa kabila ng lahat ng ito, may ginintuang pagkakataon ang kilusan ng mga manggagawang Pilipino na makapagpalakas at makapagpalawak. Hindi pa rin natutupad ni Pangulong Duterte ang pangako niyang wakasan na ang praktika ng kontraktuwalisasyon sa bansa, at malinaw na bigo ang Department Order No. 174 ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tupdin ang pangakong ito. Pero kahit pa, hindi pa inaatrasan ni Duterte ang pangakong ito, at sa kalagayang may isang pangulo na pabagu-bago ang isip (depende sa nakakaimpluwensiya sa kanya), may puwang pa na maitulak ng malakas na kilusang masa ang rehimeng Duterte na pumabor sa mga manggagawa at mga mamamayan.

Nasimulan na ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pang progresibong organisasyon ng mga manggagawa at mamamayan ang pag-abot sa pinakamalaking bilang ng kontraktuwal na mga manggagawa sa pamamagitan ng pormasyong Kilos Na, Manggagawa. Nariyan ang mga manggagawa sa malalaking empresa ng iba’t ibang industriya, mga manggagawa sa special economic zones, sa sektor ng serbisyo (business process outsourcing, retail, fast food, at iba pang serbisyo), sa hanay ng seasonal workers, mga manggagawa sa agrikultura, kahit kontraktuwal na mga manggagawa sa gobyerno (ang pinakamalaking employer ng kontraktuwal na paggawa), at iba pa.

Sa pamamagitan ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa pinakamalaking bilang ng mga manggagawa, at pagpapalahok sa kanila hindi lang sa sektoral nilang mga laban kundi sa kilusang mapagpalaya sa buong bansa, maisasakatuparan ang historikal na papel ng manggagawang Pilipino bilang hukbong mapagpalaya ng sambayanan.