Usapang pangkapayapaan, abot-kayang pabahay hiling ng maralita

February 12, 2017

Mahalaga para sa mga maralita na maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan isang paraan ito para masolusyonan ang problemang kawalan ng kabuhayan at abot-kayang pabahay.

Nagsagawa ng isang kilos-protesta ang ilang libong maralita sa pangunguna ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa harap ng National Housing Authority (NHA) sa Quezon City upang ipanawagan ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan upang matugunan ang matagal nang suliranin ng pabahay sa bansa.

Kasabay ng Housing Summit na dinaluhan ni Pangulong Duterte ang pagmartsa ng mga maralita na sumisigaw upang makamtan ang matagal na nilang ninanais na maayos na pabahay.

Ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayaan ang nakikita ng Kadamay na pinakamainam na paraan sapagkat naroon ang solusyon ng kawalan ng tirahan ng mga mamamayang Pilipino na nasa ilalim ng Comprehensive Agreement of Socio-Economic Reforms (Caser).

Rali ng mga maralita ng Kadamay habang nangyayari ang Housing Summit sa NHA. <b>Abie Alino</b>

Rali ng mga maralita ng Kadamay habang nangyayari ang Housing Summit sa NHA. Abie Alino

“Dapat ituloy ang negosasyon at sayang ang napakaraming napagkasunduan at mapagkakasunduan pa. Kasama dito ang pagtitiyak ng mass housing sa mga mamamayan,” ani Carlito Badion, pangkalahatang kalihim ng Kadamay.

Isa sa panawagan ng mga maralita ang pamamahagi ng mahigit 52, 341 yunit ng pabahay na inihandog ng gobyerno sa mga miyembro ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at Bureau of Fire Protection pero hindi naman natirhan.

“Mula sa ating pamahalaan, ang mga maralitang ilang dekada nang nangungupahan o ‘di kaya’y nakikisilong sa bahay ng aming mga anak, aming ipagbibigay alam sa inyong tanggapan ay libu-libo ang pabahay ng ating gobyerno na kung hindi man nasisira at nabubulok, ay ilang taon na hindi napapakinabangan,” ayon kay Sandra Aparil ng Kadamay sa Bocaue.

Nagnanais din ang Kadamay na itigil na ang ilegal at marahas na demolisyon na nangyayari sa mga komunidad dito sa bansa. Ayon sa nasabing grupo, patuloy ang pagtaas ng kaso ng demolisyon sa administrasyong Duterte.

Kaalinsabay ng pagdating sa NHA ng pangulo ang sabay-sabay na pagsigaw ng mga tao ng mga kapalpakan at paghihirap na nangyayari sa lipunan.

Handa rin ang ating mga maralita na pakiusapan ang pangulo na muling buksan at ituloy ang ipinatigil na usapang pangkapayaan, lalo na’t pag-uusapan na sana ang Caser, upang matapos na ang kanilang suliranin sa pabahay.

Ang naganap na kilos-protesta maapos harangin ng kapulisan ang mga maralita ngunit kalaunan di’y hinayaan na nila ang mga ito.


 

Abie Aliño

Abie Aliño

Nagtapos ng pamamahayag sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas si Abie Alino, ang pinakabatang manunulat ng Pinoy Weekly.