Nang mag-aklas ang sakada

January 13, 2017

Nilinlang at pinagsamantalahan sa lupaing inagaw sa mga kapwa nila magsasaka, lumalaban ngayon ang mga sakada.

“Wala kaming makain sa baraks sa Luisita.”

Ito ang panimulang salaysay ni Rosalito Bravo. Isa siya sa mga sakadang nagmula sa Bukidnon upang magtabas ng tubo sa Brgy. Mapalacsiao, Tarlac, kung nasaan ang Central Azukarera de Tarlac.

Ito ang kilalang asukalan ng mga Cojuangco-Aquino. At mula rito, kamakailan, nailikas ng Unyon ng Magsasaka sa Agrikultura (UMA) ang mahigit 200 sakada sa karumaldumal na kalagayan at patuloy na pagsasamantala. Rumesponde ang UMA mula sa ulat ng Organisasyon sa Yanong Obrerong Nagkahiusa (Ogyon, o Organisasyon ng Nagkakaisang mga Manggagawang Bukid) na nakabase sa Bukidnon.

Ibinunyag ng kanilang mga kuwento ang mapait na sinapit nila, dulot ng kanilang paniniwala sa mga matatamis na pangako at mas magangdang kinabukasan.

Sakada. Kuha ni Raymond Panaligan

Sakada. Kuha ni Raymond Panaligan

Panlilinlang pa rin

Noong Agosto 2016, nag-ikot ang Greenhand Labor Service Cooperative (nakabase sa Polomolok, South Cotabato) sa Bukidnon upang mangalap ng mga sakada para sa tubuhan. “Pumunta sa bahay namin si Billy Baitus, manager ng Greenhand,” ani Mario Memper Jr., na siyang inisyal na nagrekluta sa mga sakada para kay Baitus.

Anila, livelihood program ito ng Panagulong Duterte. Madaliang pangkumbinse na ito para sa mga sakada.

Marami ang ipinangako. Babayaran daw sila ng P220 kada tonelada ng tubo na maaani nila. Libreng pagkain — kanin at ulam, kuryente, health at accident insurance. Libre daw ang tubig at kuryente. Ang ipinanagko pang tirahan nila’y isang otel. Maaaninag ito sa kontrata ng kooperatiba.

“Mayroong SSS, Pag-Ibig, Philhealth, health insurance. Tirahan daw namin ang isang malaking otel at ang katabi ay isang ospital,” ani Memper, na nagkuwento hinggil sa ipinangakong mga benepisyo sa kanila. “Kaya ayun nga, maraming taga- Bukidnon ang nagpunta.”

Wala ni isa sa mga pangako ang natupad.

Sa payroll ng mga sakada na nakalap ng UMA, umaabot lang sa pagitan ng P9 at P128 ang nakukuha ng mga sakada. Bukod sa paghahatian ng 13 sakada ang makukuha sa ani, marami rin ang kinakaltas na bayarin sa kanila. Kasama sa mga kaltas ang ilang kagamitan: rice cooker, kubyertos, kasama na rin ang bolo na gamit nila sa pagtatabas. Nakakagulat, kasama rito ang pagkain — isa sa mga ipinangako ng kontrata.

Iisa rin ang ikinuwento ng mga sakada ukol sa otel na ipinangakong tirahan nila. Mainit, maliit, hindi para sa tao. “Parang bahay ng kambing o kahit anong uri ng hayop,” ani Memper. Aniya, para silang mga hayop doon. “Pagdating namin sa Tarlac, sa Brgy. Mapalacsiao, hindi namin ine-expect na iyon na ang compound namin kasi parang Bilibid, parang preso talaga. Walang kisame, napakainit talaga, at napakabaho.”

At ano naman ang ikinabuhay ng mga sakada habang naroon sila, bago sila tuluyang lumikas mula sa lugar?

“Nanghuhuli na lang lami ng palaka. Hindi na namin kaya ang hirap kaya tumakas kami. Ginamit (namin) ang natitirang pera at naglakad kami mula Cubao hanggang DAR (Department of Agrarian Reform),” sabi pa rin ni Rosalito.

PW-sakada-bogsi-02

Kuha ni Raymond Panaligan

Saniban ng nananamantala

Mapait din ang karanasan ni Mario Bagnaran. Namatayan siya ng kaanak nito lang Enero, dahil wala nang maipadala na pera sa probinsiya upang maipantustos sa pangangailangang gamot nito. Malayo ito sa inaasahan niyang maalwan na kabuhayan at pagtamasa ng mga benepisyo na ipinangako sa kanya.

Ngunit ano nga ba ang maasahan nila sa pagtrabaho para sa isang asukarera sa loob ng isang asyenda? At mula sa isang kooperatiba na pinangangasiwaanan ng may utang na dugo?

Hindi na bago ang kuwentong ito sa Central Azukarera de Tarlac. Mahigit nang isang dekada na ang lumipas mula noong masaker sa mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Noong panahong iyon, gumagamit na ng mga sakada ang asukarera mula sa Mindanao at Visayas para alipinin sa tubuhan. Ibinukas lang ito ngayon sa bagong batch ng mga sakada.

Sangkot sa pagsasamantala sa mga sakada ang mga labor contractor tulad ng Greenhand.

Sangkot din ang Agrikulto Inc. na nagtalaga sa Greenhand upang magrekluta ng mga sakada. Subsidyaryo ito ng Central Azucarera de Tarlac, na pag-aari pa rin ng mga Cojuangco at mga Lorenzo, na pag-aari rin ang Lapanday Foods Corp. Matatandaang sangkot ang Lapanday sa pamamaril sa agrarian reform beneficiaries sa Tagum City bago magsara ang nakaraang taon.

Desidido ang mga sakada na lumaban para di na mangyari ang ganitong mga gawain. Payo nila sa ibang sakada: “Kung sa susunod na may matatamis na salita sa inyo, Kung maaari sana, ‘wag na kayo (maniwala),” ani Memper. “Sapat na po na sa amin na lang ang nabiktima nito. Hindi makatao ang mga trato nila sa mga tao.”

Mga sakada mula Bukidnon, kasama si Ka Daning Ramos ng UMA, na nagsampa ng kaso laban sa mga kompanya sa DOLE. <b>Kontribusyon</b>

Mga sakada mula Bukidnon, kasama si Ka Daning Ramos ng UMA, na nagsampa ng kaso laban sa mga kompanya sa DOLE. Kontribusyon

Sanhi ng rebelyon

Sa tulong ng UMA, nakapaghapag ang mga sakada ng karampatang kaso sa Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa Greenhand, sa Central Azukarera de Tarlac, at Agrikulto Inc.

“Galit ang publiko sa praktika ng modernong porma ng pang-aalipin ng despotikong mga kontratista at mga oligarkong sina Cojuangco-Aquino at Lorenzo na namumuno sa Agrikulto at Central Azucarera de Tarlac. Ginigiit namin ang agarang aksiyon ng hepe ng DOLE (Sec. Silvestre Bello III) at administrasyong Duterte,” ani Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng UMA.

Patunay ang kanilang kuwento na nagpapatuloy ang pagsasamantala ng mga panginoong maylupa at malalaking komprador sa uring magsasaka at manggagawa. Patuloy na umiiral hanggang ngayon ang piyudal at mala-piyudal na pagsasamantala sa ating lipunan.

Sa solidarity night para sa mga sakada noong Enero 6, at bago sila umuwi sa Mindanao, tiyak ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao kung saan ang direksiyon na tutunguhin ng laban ng mga sakada.

“Ang mga mukhang ito ng mga sakada ang pupuno sa bata-batalyong hukbong bayan para singilin ang mga Lorenzo at Cojuangco- Aquino. Itaga n’yo iyan sa bato,” pagtatapos niya.


Featured Image | Photo by Raymond Panaligan

 

Darius Galang

Darius Galang

Darius Galang covers migrant and women's issues for Pinoy Weekly, while also working as a graphic artist and photographer. He is one of PW's long-time editorial staff and was a product of Manila Collegian of the University of the Philippines-Manila campus.