Comelec, pinagpapanagot sa ‘Comeleaks’

January 13, 2017

Nagpabaya sina Bautista at hindi pinrotektahan ang impormasyon ng mga botante na pinagkatiwala sa kanila.

Sasampahan ng kaso ang tagapangulo ng Commission on Elections (Comelec) sa kapabayaan nito sa seguridad ng sensitibo at personal na impormasyon ng mga botante. Ito ang rekomendasyon ng National Privacy Commission (NPC).

Mula ika-20 hanggang ika-27 ng Marso, ilang linggo bago ang halalan noong Mayo 2016, na-hack ang website at mga database ng ahensiya. Nilagay nito sa panganib ng identity theft ang personal na impormasyon ng milyun-milyong botante. Tinagurian itong “Comeleaks” at tinuring na pinakamalalang naitalang paglabag sa database ng gobyerno sa daigdig.

Nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Abril 20 si Paul Loui Biteng na kakatapos lamang ng kursong Information Technology dahil sa pangha-hack sa website ng ahensiya. Kinasuhan si Biteng ng Manila Prosecutor’s Office noong Abril 25 ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012. Naaresto naman ng NBI ang ikalawang suspek na si Jonel de Asis noong Abril 28.

Pinagpapanagot

Ayon sa desisyon ng NPC, dapat kasuhan si Comelec Chair Andres Bautista sa paglabag sa Data Privacy Act of 2012.

Hindi umano nagpapatupad ang Comelec ng mga hakbang upang protektahan ang datos na hawak ng gobyerno at lagyan ng karampatang seguridad ang impormasyon. Dinagdag ng NPC na may personal na pananagutan si Bautista dahil sa kawalan ng pagpapahalaga sa mga paraan ng seguridad.

Sinabi ng tagapagsalita ng election watchdog na Kontra Daya na si Prop. Danilo Arao na kung mapapatunayang nagkasala si Bautista, maaaring gamitin ito upang isulong ang kasong impeachment laban sa kanya lalo na’t ang leak ay inisyal na iniulat ng TrendMicro noong Abril 6 at hindi naisapubliko ng Comelec ang inabot nito.

“Ang kapabayaan sa tungkulin ay lalong tumingkad sa katotohanang ang mismong website ng Comelec ay na-deface noong Marso 27 at inilagay sa alanganin ang integridad at seguridad ng information technology apparatus ng komisyon,” dagdag ni Arao.

Comelec Chair Andres Bautista. <b>Lukan Villanueva/PW File Photo</b>

Comelec Chair Andres Bautista. Lukan Villanueva/PW File Photo

Laganap ang problema

Sa ulat ng NPC, ang datos na naapektuhan ay ang voter database sa Precinct Finder na may mahigit 75 milyong rekord, voter database sa Post Finder na may mahigit isang milyong rekord, rehistrasyon sa iRehistro na may 139,301 na rekord, firearms ban database na may 896,992 na rekord ng personal na datos at 20, 485 na rekord ng firearm serial number at Comelec personnel database na may 1,267 na rekord.

Sinabi ng Malakanyang na dapat maglabas na rin ng ulat ang Comelec ng sarili nitong imbestigasyon. Sa pahayag ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar, sinabi nito na dapat pangalagaan ang kredibilidad ng ahensiya at integridad ng halalan ng bansa.


 

Marc Lino Abila

Marc Lino Abila

Marc Lino J. Abila was national president of the College Editors Guild of the Philippines. He studied Journalism at the Lyceum of the Philippines University.