Ang nakakatandang laban sa dagdag-pensiyon

January 24, 2017

May panimulang tagumpay ang mga pensiyuner ng SSS sa inisyal na P1,000 dagdag-pensiyon. Pero kailangang labanan ang dagdag sa kontribusyon ng mga miyembro.

Nang inaprubahan ni Pangulong Duterte ang P2,000 dagdag-pensiyon (dalawang tranche) ng mga pensioner na nakapag-ambag sa Social Security System (SSS), magkahalong tuwa at agam-agam ang naramdaman ng mga naghain ng mga panukala para sa dagdag-pensiyon, maging ang mga miyembro ng SSS at senior citizens.

Ngunit hindi naman katuwa-tuwa ang sumunod na balita: magkakaroon din ng dagdag sa SSS premium ang mga miyembro.

Marami nang sinabi ang dating mga opisyal ng SSS (at kasalukuyang economic team ni Duterte) tungkol sa dagdag-pensiyon. Anila, malulugi ang SSS. Paulit-ulit nilang sinasabi ito, habang lantad naman ang milyun-milyong bonus ng mga opisyal nito, at batid ng publiko na hindi maayos ang sistema ng pagsingil ng kontribusyon.

Matagal nang inilalaban ang dagdag sa SSS pension. Simula pa 2011 nang ihain ng Bayan Muna na pinangunahan noon ni Neri Colmenares ang dagdag. Nagmula sa panukalang P5,000, ibinaba rin ng Makabayan ang hiling na ito sa P2,000. Masusi itong pinag-aralan, kasama kung saan kuukunin ang pondo maging ang acturarial life ng pondo ng SSS.

At sa laki ng suporta para ipasa ang panukalang dagdag-pensiyon, naaprubahan nga ang panukala ng Bayan Muna. Nadiskaril nga lamang ito nang i-veto ang panukala ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong nakaraang taon.

Noong Setyembre 2016, binuhay muli ang laban sa Kamara nang ihapag ng Makbayan ang House Bill No. 475 na nananawaang ipasa na ang dagdag-P2,000 na pensiyon ng mga senior citizen. Nasa loob rin niyon na hindi malulugi ang SSS.

Naaprubahan ang panukala ng ang SSS pension hike ng Senate Committee on Government Owned and Controlled Corporations noong Oktubre 19. Nauna itong naaprubahan ng Kamara noong Setyembre 7.

Ngunit hinarang pa rin ito nina Finance Sec. Carlos Dominguez III, Budget Sec. Benjamin Diokno at National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Ernesto Pernia. Anila, paiiksiin ng dagdag ang buhay ng pondo, kung wala itong kaakibat na dagdag kontibusyon sa mga miyembro nito.

Agad itong pinabulaanan nina Zarate at Colmenares.

Saad ni Zarate na sana’y maraming senior citizen na magbebenepisyo sa dagdag-pensiyon, ngunit aniya’y inuna pa ng tatlo ang credit rating kaysa sa kapakanan ng matatanda.

Kuwestiyonable rin ang kasalukuyang pagkolekta ng SSS sa kanilang mga miyembro. “Mula sa 40.8 milyong nakaempleyong lakas-paggawa, ang kontri-busyon lang ng 11.8 milyon na miyembro ng SSS ang nareremit. Kung makokolekta lang ng SSS ang mula sa 16 milyong miyembro (mula sa mga employer nito), hahaba ang fund life nito,” ani Colmenares.

Kaya imbes na buo ang ibigay, P1,000 lamang ang inaprubahan ni Duterte sa pagpasok ng bagong taon, at ang hati ng dagdag ay maibibigay sa 2022 pa. At katambal nito, sisingil ng mas mataas na premium o ambag ang SSS simula sa Mayo 2017. Ito ang naisip na “win-win solution” ni Duterte.

Sa kasalukuyang lagay ng pensiyon, may kaluwagan na rin ang mga senior citizen sa dagdag na P1,000. Ngunit maaaring hindi na abutin ng ilan sa kanila ang karagdagan pa. Katuparan sana ito ng kanilang hiling hindi para sa luho ngunit para sa mga pangangailangan nila bilang mga mamamayan na buong buhay nang nagbanat ng buto sa trabaho noong kabatan nila.

Tuloy ang paghihintay sa dagdag sa pensiyon ng mga pensioner. At tuloy pa rin ang pagtutol sa nakaambang pagtaas ng ambag ng mga miyembro ng SSS.


 

Darius Galang

Darius Galang

Darius Galang covers migrant and women's issues for Pinoy Weekly, while also working as a graphic artist and photographer. He is one of PW's long-time editorial staff and was a product of Manila Collegian of the University of the Philippines-Manila campus.