Sistemang pangkalusugan sa Cuba, hamon sa mga Pilipino

November 16, 2016

Posible at nagagawa ng isang maliit na bansa na maging libre at de-kalidad ang serbisyong medikal. Kung kaya ng Cuba, dapat kaya rin ng Pilipinas.

Kung sa sosyalistang bansa gaya ng Cuba ka tamaan ng sakit, maaaring katakutan mo ang sakit dala ng tusok ng karayom pero hindi kailanman ang babayaran dito.

Maliban sa libre ang pagpapagamot sa bansang ito, libre rin ang konsultasyon sa mga doktor, at iba pang serbisyong medikal. Malayung-malayo sa sistema ng Pilipinas at Estados Unidos (US).

Ilan lang ito sa mga tinatamasa ng mga Cubano pagdating sa serbisyong panlipunan, kuwento ni Ibete Fernandez-Hernandez, embahador ng Cuba sa Asya, sa isang porum sa Unibersidad ng Pilipinas-Manila na katuwang na inorganisa ng Health Alliance for National Democracy (HEAD).

Kalusugan sa Cuba

Bagamat naging mahirap sa Cuba ang ipinataw na embargo ng US sa loob ng 56 taon, hindi naging imposible sa kanila ang pagtayo sa sariling paa at magbigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan nito.

Katunayan, isa ang Cuba sa pinakaabante pagdating sa pag-aaral sa kalusugan at may pinakamataas na literacy rate (99.8 porsiyento) sa Latin Amerika.

Nagsimula ang Cuba, matapos ang kanilang rebolusyon noong 1959, sa tatlong unibersidad, iisang paaralan sa medisina, at nasa 6,286 na mga doktor sa mga siyudad lamang. Nasa 60×1000 ang kanilang infant mortality rate. Nasa 40 porsiyento lang ang literacy rate.

Sa kasalukuyan, mayroon na silang 500,294 manggagawang pangkalusugan sa 451 polyclinics, 151,462 pampublikong ospital na may 45,000 higaan, 138 maternity homes na may 3,000 higaan, 589,247 elders home, 143 nursing homes na may 13,533 higaan, at 13 research institute.

“Mayroon kaming istruktura sa aming bansa, na gumagawa ng community work kasama ang doktor at nars ng pamilya,” ani Hernandez. Ito ang pumupunta sa mga tahanan ng mga Cubano para regular na check-up sa mga mamamayan.

Mayroon din silang isang doktor para sa 160 indibidwal, isang dentista para 671 indibidwal, isang nars para sa 123 indibidwal. Ang kanilang infant mortality rate ay 4.2 per life births na lamang, at 99.9 na porsiyento ng panganganak ay isinasagawa sa mga ospital.

“Hindi dapat matakot. Kung nais talaga ng pagbabago, kailangan ng radikal na pagbabago at kailangan talaga gawin ito base sa kondisyon ng inyong bansa,” ani Hernandez.

Hamon sa Pilipinas

Mahalaga ang papel ng political will sa paghuhubog sa kahit anumang pag-unlad lalo na kung para sa taumbayan. Nagawa ito ng Cuba ng kanilang mapagtagumpayan ang kanilang rebolusyon sa kanilang sariling pagpapasya na walang dayuhang bansa na nagdidikta sa kanila.

“Ang sistemang kalusugan ay naka-angkla sa isang sistemang tunay na malaya at demokratiko. Hindi ka puwedeng magkaroon ng mataas na antas na kalusugan kung ang lipunan mismo ay hindi malaya o malakolonya ng ibang bansa,” ani Gene Nisperos, doktor at bise-presidente ng HEAD.

Maganda ang layunin ng administrasyong Duterte na tahakin ang independent foreign policy, pero wala namang pinagbago sa nais tahakin ng health agenda ng administrasyon na naglalaman ng neoliberal na mga polisiya ng nagdaang mga administrasyon.

Kaya hamon ito sa administrasyon na isakonkreto ang isang sistemang pangkalusugan na malaya at demokratiko.


 

Pher Pasion

Pher Pasion

Pher Pasion finished his bachelor's degree in journalism at Manuel L. Quezon University. He is also a former national secretary-general of the College Editors Guild of the Philippines.