Serbisyong ginawang negosyo

November 11, 2016

Tumitindi ang korporatisasyon ng edukasyon sa Pilipinas. Isang halimbawa nito ang APEC Schools ng Ayala Corp.

Lumakas ang impluwensiya ng mga korporasyon sa pampublikong edukasyon sa bansa. Ito ang lumabas sa pag-aaral na kinumisyon ng Education International na isinagawa ni Curtis Riep sa Pilipinas.

Nangyayari na umano ito sa ibang mga bansa at malinaw na tinatahak na ito ng Pilipinas na pinahihintulutan mismo ng gobyerno na operasyon ng mga ito. Ang mas malala, dito na pupunta ang bilyung-bilyong pisong pondo ng gobyerno.

Korporatisasyon

Nabigo ang nagdaang mga rehimen na punan ang mga kakulangan sa sektor ng edukasyon gaya ng mga klasrum, upuan, libro, guro, at maging ng mga paaralan, nagbubukas ng oportunidad ito para sa mga pribadong sektor na pasukin o pagkakitaan ang edukasyon.

Mas pinalala pa ito ng implementasyon ng programang K-to-12 na pinasimulan ng nagdaang rehimeng Aquino kahit walang kahandaang ipinatupad. Ang resulta, inaasa ito sa pribadong mga nagmamay-ari ng paaralan sa pamamagitan ng voucher system ang kakulangan ng gobyerno para pagkakitaan.

Kaya naman sa pambansang badyet ng 2017, tinatayang aabot sa P23.9-Bilyon ang pondong mapupunta sa pribadong sektor sa pamamagitan ng voucher system para sa senior high school mula sa P567.5-B pondong ilalaan sa sektor ng edukasyon. Mas doble ito mula sa P12-B pondong inilaan ngayong 2016.

Isa sa mga nakikinabang dito ang Affordable Private Education Center o APEC Schools na itinatayo ng Ayala Corp. at ng Pearson International Education Company. Ang 60 porsiyento nito’y pinagmamay-arian ng Ayala at 40 porsiyento naman ang sa Pearson.

Abril 24, 2013 nang makaroon ang mga kompanyang ito ng memorandum of agreement sa Department of Education (DepEd). Bahagi ito ng Private-Public Partnership ng dating rehimeng Aquino.

Tinatayang aabot sa P19,000 hanggang P32,000 kada taon, depende sa grade at lokasyon sa paaralan, ang gagastusin ng isang pamilya para sa matrikula. Para sa isang pamilya na hindi mahirap, aabot ito sa 17 hanggang 30 porsiyento ng kanilang taunang income.

Pero ayon sa pag-aaral ni Riep, wala sa standard ang pagpapatakbo ng APEC Schools. Nasa 70 porsiyento ng mga guro nito ang hindi lisensiyado, hindi angkop ang mga paaralan na nirentahan lang sa komersiyal na mga gusali, at scripted umano ang kurikulum na itinuturo sa mga mag-aaral.

“Bakit pinayagan ang APEC na mag-operate ang kanilang edukasyong pangnegosyo kung hindi sila sumusunod sa standards?” tanong ni Riep. Sa kabila nito, nais pang palawakin ng DepEd ang sakop ng voucher system at ang PPP sa edukasyon.

Itinutulak ng DepEd ang mga solusyong na nakaayon sa merkado sa halip na magtayo ng mas maraming paaralan ng gobyerno, ayon kay Riep.

Banta sa sistema

Para sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), malaking banta sa sistema ng edukasyon ang pagpapahintulot sa mga institusyong tulad ng APEC Schools sa Pilipinas.

Malinaw umano na isang porma ng korporatisasyon at komersalisasyon ng edukasyon ang umiiral sa sistema ng edukasyon sa bansa na pinahihintulutan ng mismong gobyerno.

Bukod pa rito, layon din nito na magluwal ng semi-skilled na mga manggagawa para pagkunan ng balon ng mga murang lakas-paggawa.

Higit na kailangan umano ang mas mataas na badyet para sa edukasyon upang maisakatuparan ng gobyerno ang Konstitusyunal na mandato nito na magbigay ng libre at kalidad na edukasyon para sa mga mamamayang Pilipino.


 

Pher Pasion

Pher Pasion

Pher Pasion finished his bachelor's degree in journalism at Manuel L. Quezon University. He is also a former national secretary-general of the College Editors Guild of the Philippines.