FEATURED

Rebolusyon sa entablado


Papaano itatanghal sa entablado ang pag-inog ng rebolusyonaryong pagbabago?

Nasa tugatog ngayon ng teatrong Amerikano ang Hamilton: An American Musical. Sinulat ni Lin-Manuel Miranda, tungkol ang musical play na ito sa isa sa mga tagapagtatag (founding fathers) ng Estados Unidos (US) at unang Secretary of Treasury o ingat-yaman nito. Pangkaraniwan na sa Broadway (sentro ng teatrong Amerikano, nasa New York City) ang mga pagtatanghal ng mga dula hinggil sa kasaysayan. Pero kaiba ang Hamilton: gumamit ito ng hiphop at R&B bilang pangunahing pangmusikang panlasa. At hindi lang iyan, pangunahing mga artista mula sa iba’t ibang lahi (hal. Aprikano, Asyano, Latino) ang gumanap sa founding fathers na pawang mga puti o Caucasian.

Pero higit dito, tila pumasok ang Hamilton sa zeitgeist ng panahon ngayon sa Amerika. Seksista, konserbatibo at rasistang si Donald Trump ang nagwaging presidente. Tumitindi ang pandarahas ng pulisya sa mga Itim o Aprikano-Amerikano—habang muling lumalakas ang kilusang masa laban dito na tinaguring Black Lives Matter. Samantala, nagpapatuloy ang mga giyerang interbensiyon ng US sa Syria, Afghanistan, Iraq, Libya, Pakistan, Yemen, Somalia, at iba pa.

Parang si (William) Shakespeare si Miranda,” palaging sinasabi ngayon ni Oskar Eustis, artistikong direktor ng New York Public Theater kung saan unang itinanghal ang Hamilton. “Parang siya si Shakespeare sa paraang ginamit niya ang boses ng pangkaraniwang tao at inangat ito sa antas ng sining.” Sa marami ring panayam, sinabi ni Eustis na ang pagkakuha ng Hamilton sa zeitgeist o timpla ng panahon ay sa puntong ipinakita nito “kung ano dapat ang Amerika” o kung ano ang pinangarap ng mga tagapagtatag nito para sa Amerika.

.

Malamang na alam ni Eustis ang sinasabi niya: dramaturg din siya ng Hamilton. Sa maraming panayam at sulatin, tinuturing ni Eustis ang sarili bilang “sosyalista,” at sa maraming pagkakataon, ipinakita niya ito—mula sa pagprodyus sa makasaysayang dulang Angels in America ng kapwa sosyalistang si Tony Kushner hanggang sa paglahok sa mga protesta kontra giyera ng Amerika. Kahit ang institusyon niyang pinamumunuan (NY Public Theater), nangunguna sa nonprofit theater sa Amerika, nagpapalabas ng libreng mga pagtatanghal, at itinatag ni Joseph Papp na noo’y binansagang komunista ng mga pulitiko at makapangyarihang mga tao ng New York.

Hindi pangkaraniwang bayani ng mga Amerikanong liberal si Alexander Hamilton. Bilang tagapagtatag ng sistema ng pinansiya ng US na ginagamit pa rin ngayon, mas kilala siya bilang bayani ng Wall Street, o ng mga kapitalista. Pero tama si Christian Parenti, sa kanyang sanaysay sa Jacobin noong 2014: nabuhay si Hamilton sa panahon ng “burgis” na rebolusyon, at matapos lumahok sa aktuwal na pagpapalaya mula sa kolonyalismo ng Britanya ay pinangunahan ang industriyalisasyon ng kanyang bansa.

“Nilikha (at sa kalakha’y pinatupad) ni Hamilton ang plano para sa pang-ekonomiyang kaunlaran na pinamumunuan ng gobyerno sa paraan na gagawin din sa kalaunan ng maraming bansa (lalo na sa Silangang Asya) na sumailalim sa mabilisang industriyalisasyon,” ani Parenti.

Rebolusyonaryo ang uring burgesya sa Amerika noong ika-18 siglo; nagkaroon ito ng sapat na lakas at pagkakaisa para mapatalsik ang armadong puwersa ni King George III sa “Bagong Mundo” (new world). Napalahok sa rebolusyon maging ang malalaking panginoong maylupa (tulad nina George Washington at Aaron Burr, na kapwa karakter sa play) na nagmamay-ari ng mga alipin. Matapos mapatalsik ang mga Ingles, nagpatuloy ang rebolusyong Amerikano sa uri ng pakikidigma para pawiin ang sistemang alipin, buwagin ang malalaking landholdings at iba pang aspekto ng sistemang piyudal. Samantala, lumakas ang burgesya sa pamamagitan ng industriyalisasyon ng bansa. Ipinanganak ang kapitalismo sa US.

Mahalaga ang puntong ito dahil ang sinasabing zeitgeist ng Amerika ngayon na nasapol ng Hamilton ay hindi lang nga dahil sa hiphop, R&B at mga bidang artista na nagmula sa iba’t ibang lahi. Dahil ito sa paniniwala ng mga Amerikano na ang kuwento ng kanilang bansa ay hindi nagsimula sa imperyalismo at pandarahas sa sariling mamamayan tulad ng nangyayari ngayon. Minsan nang nagrebolusyon ang mga Amerikano laban sa mapang-aping sistema. At matapos patalsikin ang kolonyal na paghahari ng Britanya, sinusugan nito ang burges na rebolusyon sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga reporma sa lupa, pagpawi sa sistemang alipin (bagamat ramdam pa ang legacy nito hanggang ngayon), at pambansang industriyalisasyon.

At ang kuwentong ito ng Amerika, ipinakita sa pamamagitan ng isang karakter, isang lider, na dayo o immigrant mula sa isla ng Nevis sa West Indies. Indibidwal na pagpapasya, indibidwal na lakas-ng-loob at talino ni Hamilton ang nagdala sa kanya mula sa Carribbean patungong New York, patungong pamumuno ng rebolusyon (sa likod ni Washington) at patungong pamumuno ng gobyerno matapos ang giyera.

Kinakatawan niya ang rebolusyonaryong Amerika noon (“I’m just like my country / I’m young, hungry and scrappy…”, sabi ng karakter niya sa dula). Ngayon, kinakatawan ng dulang Hamilton ang Amerika na hinahanap-hanap ng mga Amerikano sa mga lider nila—sa mga katulad nina Obama, Trump at Clinton. Pero matagal nang nagbago ang kanilang Amerika. Naglaho na ang bata, gutom at madiskarteng Amerika, at lumaki na para maging imperyalista.

Les Miserables na tinanghal sa Maynila nitong Marso hanggang Mayo 2016.

Paano ba isasadula ang kasaysayan at gagawing napapanahon at mahalaga sa kasalukuyan? Ipinakita ng Hamilton na bukod sa porma (hiphop, R&B), nariyan ang paghahanap ng mga naratibo sa mga pangyayari sa kasaysayan na sasapol sa zeitgeist ng panahon—na siyempre’y dinidikta ng pang-ekonomiya at pampulitikang sitwasyon ng lipunan.

Noong 1985, nakaranas din ng kahawig na pagkayanig ang komunidad ng teatro sa London, Britanya, nang unang itanghal ang musical play na Les Miserables na pinrodyus nina Cameron Mackintosh, sinulat nina Claude-Michel Schonberg, Alain Boublil at Herbert Kretzmer. Sa maraming panayam, sinabi rin ni Mackintosh na palagay niya, bukod sa dramatikong musika nito, tila nagkakaroon ng halaga sa kasalukuyang karanasan ang Les Mis.

Hindi maikakaila ang rebolusyonaryong diwa nito. Minsan nang sinipi ng unang co-director na si Trevor Nunn ang awtor ng pinagbatayang libro na si Victor Hugo: “Maaari nating tanungin ang ating sarili: Darating pa ba ang bukas? (Mariin ang pagsagot niya rito.) Sa kabila ng lahat ng ebidensiya na hindi, ang diwa ng tao—kung saan natin inilalagay ang optimismo natin—ay mabubuhay at hindi nanganganib na mawala tulad ng bituing sagpang ng ulap.”

Sa Pilipinas, sa mas maliit na saklaw noong 2015, gumuhit din sa popular na kamalayan ang isang likhang-sining na may pinagbatayang pangyayari at personalidad sa kasaysayan. Ito, siyempre, ang pelikulang Heneral Luna na dinirehe ni Jerrold Tarog. Mula katatawanan at mahusay na pag-arte, hanggang karakterisasyon kay Luna bilang rebolusyonaryong lider na malayo-sa-perpekto, palaaway at palamura, at tunay na makabayan, maraming aspekto ng pelikula ang nag-ambag para makuha ang atensiyon at interes ng kabataan. Napapanahon din ito: papalapit na ang eleksiyong pampangulo sa Mayo 2016. Nakakatuksong sabihin na posibleng nakaambag ang pelikula sa pagkahalal kay Rodrigo Duterte, dahil sa lantad na magkakahalintulad na mga katangian ng pinelikulang Luna at ng pampublikong persona ni Duterte.

Pero kahit pa hindi ito totoo, hindi maikakailang napapanahon si Luna sa panahong niyayanig ngayon ni Duterte ang matagal na “pagkakaibigan” ng US at Pilipinas.

Sa kabilang banda, noong nakaraang taon din, ipinalabas ng Tanghalang Pilipino sa Cultural Center of the Philippines ang musical play na Mabining Mandirigma (libretto ni Nicanor G. Tiongson, musika ni Joed Balsamo), na pumaksa naman sa buhay ni Apolinario Mabini. Isa ring matinik na anti-imperyalista ang tunay na Mabini, at mahusay na ikinuwento ng dula ang masalimuot na relasyon ng nasabing bayani sa iba pang karakter ng kasaysayan, tulad nina Emilio Aguinaldo, Andres Bonifacio, at ang mga “Amerikanistang taksil” tulad nina Pedro Paterno, Felipe Buencamino (dalawang karakter na nasa Heneral Luna rin) at iba pa.

May ilang eksperimentasyon ang mga mandudula na tila nakabawas sa potensiyal nito. Pangunahin na marahil ang paggamit ng estilong steampunkna maaaring ikatuwa ng ilang nakakaalam sa artistikong estilong ito, pero tiyak na hindi nakuha ang halaga ng mas maraming manonood, lalo pa ng madla sa labas ng teatro. Siyempre, hindi kasalanan ng CCP at TP, pero napakaliit pa ring bilang ng mga tagapagtangkilik ng teatro (at kakapiranggot ng publiko) ang nakapanood sa Mabining Mandirigma para magkaroon ng pagkakataong gumuhit sa popular na kamalayan. (Muling itatanghal ito sa CCP sa Disyembre.)

Eksena sa Mabining Mandirigma na muling tinanghal nitong Pebrero 2016. Si Liesl Batucan ang gumanap na Mabini. Larawan mula sa irarenas.wordpress.com

Gayumpaman, katulad ng Hamilton at Heneral Luna, kahanga-hangang pagsisikap ito na iugnay ang kasaysayan sa kasalukuyan. Hindi lang iyan, pagsisikap ang tatlo para gumamit ng historikal na naratibo para ipakita ang isang aspekto ng proseso ng panlipunang pagbabago. Sa kaso ng Hamilton, kung papaano naimpluwensiyahan ng isang matalino, matapang at ambisyosong immigrant ang rebolusyong Amerikano. Sa kaso ng Heneral Luna at Mabining Mandirigma, kung papaano nakaambag sa pagguhit ng anti-imperyalistang tindig (kahit di sila nagwagi) sa loob ng rebolusyonaryong gobyernong Pilipino ang dalawang lider gamit ang kanilang talino, tapang, at determinasyon.

Pero, iyun nga, isang aspekto lang ng panlipunang pagbabago ang ipinapakita ng mga ito—ang aspektong indibidwal, ng rebolusyonaryong mga lider, na nagpursigi, sa kabila ng kanilang mga kahinaan at gamit ang lahat ng talino at tapang na kaya nilang likumin sa sarili, para maipagtagumpay ang laban.

Ang isa pang aspekto, na sabi ng Amerikanong historyador na si Howard Zinn ay siyang mas mapagpasya, ay ang kilusan ng mga mamamayan. Silang nagtipon sa ilalim ng kumand nina Hamilton at Luna (iyung ipinakita sa pelikula na napilitan lang sumama sa laban dahil kung hindi i-a-Artikulo Uno sila), silang sumuporta at lumahok sa Katipunan, mula nang itatag ito ni Bonifacio hanggang agawin ni Aguinaldo ang pamunuan, silang mga magsasaka at alipin ng mga panginoong maylupa sa Amerika, na lumahok sa rebolusyon sa pangakong palalayain sila mula sa pagkaalipin. Nasaan ang mga musical tungkol sa kanila?

Kaya bang makuha ang interes ng kabataan at publiko ng isang dula na ang bida’y hindi lang isang karakter, kundi isang grupo ng mga mamamayan, isang kilusan? Dahil hindi naman ito lumang problema, marami na ang nagtangka. Tampok sa nagtangka ang teatro ng China noong pangkulturang rebolusyon nito, taong 1966 hanggang 1976. Bilang kultural na kampanya ng Estado na baguhin ang kaisipan ng mga mamamayang Tsino, itinulak nito ang tinaguriang “modelong mga opera”—walong rebolusyonaryong opera tulad ng The Legend of the Red Lantern at ang ballet opera na Red Detachment of Women na nagpapakita ng iba’t ibang aspekto ng rebolusyonaryong pakikibaka, pagtatatag ng sosyalistang lipunan at pagbabago ng kaisipan ng tao sa lipunang ito.

Pero sa kabila ng malinaw na pampulitikang tunguhin ng mga operang ito, may mga karakter pa rin ang mga kuwento rito. Nagsisimula pa rin ang dula sa pagkukuwento ng indibidwal na mga tao na lumahok o namuno sa panlipunang pagbabago. Marahil, ang pagkakaiba lang, lantad sa model operas ang ideya na bagamat pinapakita nito ang indibidwal na mga kuwento, malinaw na bahagi lang ito ng isang mas enggrandeng naratibo na nangyayari sa lipunan. Kinakatawan nito ang kabuuan. Ineengganyo ang manonood na lumahok sa kabuuan.

May tradisyon din ang rebolusyonaryong teatro ang Pilipinas. Naging inspirasyon nito ang rebolusyonag pangkultura sa China, pero sa pangkalahata’y inangkupan nito ang kalagayan na nasa kalagitnaan ng pakikibaka ang mga mamamayan, nasa minorya pa lang ang mga rebolusyonaryo, at tungkulin ng rebolusyonaryong teatro na palahukin dito ang mas marami pa.

Pagtatanghal ng Red Detachment of Women. Larawan mula sa National Ballet of China

Ipinakita ng mga likhang-sining tulad ng Hamilton, Les Miserables at Heneral Luna na sa pagsapol ng zeitgeist ng partikular na yugto ng kinabibilangan nitong lipunan, makukuha nito, una ang suporta ng kapital, at pangalawa ang publiko matapos magamit ang kapital sa pagpapalaganap nito.

Tama lang, ani Eustis, na maksimisahin ang akses sa kapital na nililikha ng pagkakataon. “Ganito pa rin ang kalakaran ng lipunang kinabibilangan natin,” sabi niya. Sa isang panel discussion, para bigyan-diin ang puntong ito, sinipi ni Eustis ang The Eighteenth Brumaire of Louis Bonaparte ni Karl Marx: “Ginagawa ng tao ang kasaysayan, pero hindi nila ito ginagawa sa mga kondisyong napili nila.”

May punto siya. Tama lang na umangkop ang teatro sa kondisyon ng kasalukuyan: kung sa kaso ng Hamilton, sa komersiyal na pagtatanghal sa Broadway maaabot ang pinakamalawak na odyens, hindi dapat mangimi ang mga artista na pasukin ito. Pero matapos ang tagumpay ng Hamilton, Les Miserables, Heneral Luna at iba pa, panahon na siguro para sikapin ng mga artista sa teatro na isadula ang tunay na mga bayani ng rebolusyon: ang masang sambayanan na naorganisa para kumilos at baguhin ang kanilang abang kalagayan.

Interesante ang pagsipi ni Eustis sa The Eighteenth Brumaire of Louis Bonaparte dahil ang punto mismo ni Marx sa librong ito’y hindi nakadepende ang pag-inog ng kasaysayan sa kadakilaan ng iilang lider, kundi sa tunggalian ng mga uri ng lipunan sa isang partikular na yugto ng kasaysayan.

Mahalaga ang indibidwal sa rebolusyon, pero mas mahalaga ang masa. Ito ang pinakamahalagang maipakita sa entablado ngayon.