Pandarahas at paglaban sa Hacienda Luisita

November 16, 2016

Labindalawang taon na mula nang mangyari ang masaker. Walang hustisya sa pamamaslang—at sa pagmamay-ari ng asyenda. 

“Ayaw ko (sanang) magpa-interview, dahil para akong nauubos na kandila. Pinakukuwento ninyo sa akin. Masakit. Masakit sa dibdib.”

Ito ang mga salitang sumasabay sa mga luha ni Violeta Basilio, 49, ina ng isa sa mga martir ng masaker sa Hacienda Luisita na si Jhavie Basilio, 20. Pero sinikap pa rin niyang ikuwento ang sinapit nang nag-iisa niyang anak na lalaki 12-taon na ang nakakaraan. Bawat pakikipanayam, pagbubukas ng sugat. Masakit pa rin, marahil dahil naghahanap pa rin siya — at maraming iba pa — ng hustisya.

Nananatili ang sugat sa mga mamamayan sa loob ng 6,453 ektaryang Hacienda Luisita sa Tarlac. Patuloy ang pag-aangkin at pandarahas ng pamilyang Cojuangco-Aquino. Pero patuloy pa rin ang paglaban.

Labindalawang taon na ang nagdaan, pero tumatangis pa rin si Violeta. <b>Pher Pasion</b>

Labindalawang taon na ang nagdaan, pero tumatangis pa rin si Violeta. Pher Pasion

Gunita ng isang ina

Nang makapanayam ng Pinoy Weekly, ipinakita ni Violeta ang mga larawan ng anak niya. Larawan ito ni Jhavie nang maabutan ng ina ang labi ng anak sa punerarya. Iningatan niya ang mga larawan dahil siya lang ang may kopya nito.

“Nung makita ko nang nakaratay siya sa Ilagan (punerarya), hindi ko alam kung paano ko hahaplusin ang anak ko. Kitang-kita ko ang hirap niya,” ani Violeta.

Sabi ng mga saksi, buhay pa si Jhavie matapos tamaan ng bala sa hita. Pero binugbog muna siya nang damputin ng mga pulis at militar — at saka isinabit sa barbed wire at binaril sa dibdib.

“Yung mukha (niya), maraming pasa hanggang sa likod. Makikita mo, bugbog talaga siya,” ani Violeta.

Nagtatrabaho sa umaga si Jhavie sa asukarera sa Luisita sa umaga bago pumapasok sa kolehiyo sa gabi. Bago ang masaker, may ibang ikinabubuhay noon si Violeta. Ngayon, miyembro siya ng Alyansa ng Magbubukid sa Asyenda Luisita (Ambala). Siya rin ang pangalawang tagapangulo ng Anakpawis Party-list sa loob ng asyenda.

Ang masaker

Nobyembre 6, 2004 nang iputok ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (Catlu) at United Luisita Workers’ Union (ULWU) ang welga upang igiit ang kanilang karapatan sa araw ng trabaho at dagdag sa kanilang sahod. Umaabot lang kasi sa P9.50 kada linggo ang naiuuwi nilang sahod.

Dalawang beses ding tinangkang buwagin ang piketlayn sa Gate 1 ng Central Azucarera de Tarlac noong Nobyembre 6 at 8. Pero hindi sila natinag.

Pero hapon ng Nobyembre 16, 2004, tinangkang buwagin ang piketlayn ng pinagsamang puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Hindi muli nayanig ang welga. Dito na nagsimulang umuulan ng bala. Nasa pito ang agad na napatay: Juancho Sanchez, Jaime Pastidio, Jesus Laza, Adriano Caballero, Jessie Valdez, Jun David, at si Jhavie.

Sinasabi ng mga saksi na mayroon pang mga bangkay na ipinasok sa azucarera na sinunog at hindi na natagpuan. Daan-daan din ang sugatan. Daan-daan pa ang ikinulong.

Kung PNP ang paniniwalaan, nagmula raw sa mga nagwewelga ang putok. May mga miyembro raw ng New People’s Army sa mga welgista. Maging ang pamilyang Cojuangco-Aquino, sinabing pakana lang daw ng mga komunista ang kaguluhan. Pero malinaw sa lahat ng dokumentasyon: sa pulis at militar nanggaling ang mga putok.

Matapos ang masaker, pinagpapatay din ang mga lider ng mga mangagawang-bukid at tagasuporta nila.

Rey Ocampo, 55, nakatakas sa masaker. Hanggang ngayon, saksi at nakakaranas pa rin ng panggigipit ng pamilyang Cojuangco-Aquino. <b>Pher Pasion</b>

Rey Ocampo, 55, nakatakas sa masaker. Hanggang ngayon, saksi at nakakaranas pa rin ng panggigipit ng pamilyang Cojuangco-Aquino. Pher Pasion

Bangis ni Noynoy

Sa pagkakaupo ni Benigno Aquino III bilang Pangulo noong 2010, ibayong hirap ang kinaharap ng mga mamamayan doon.

Sa kabila ng pagpabor ng Korte Suprema sa ilalim ni Chief Justice Renato Corona na dapat nang ipamahagi sa mga magbubukid, hindi ito naisakatuparan.

Sa ilalim ni Aquino, bogus ang pamamahagi ng lupa sa pamamagitan ng sistemang tambiolo. “Kung taga-Balete ka, tapos ang makukuha mong lupa ay sa Brgy. Mutrico pa. Ang layo noon. Tapos ang ibibigay sa iyo, hindi pa titulo. Certificate lang na xerox. Kailangan mo pang bayaran bago mapunta sa iyo,” ani Violeta.

Kaya napipilitang isangla ng mga benepisaryo ang kopya na Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Kadalasang tao ng mga Cojuangco-Aquino ang pinagsasanglaan.

Ang higit na masakit sa sistemang ito, kung sino pa ang tunay na mga benepisaryo, sila ang wala sa listahan at hindi kasama para makatanggap ng CLOA.

“Yung tatay ko, dito na ipinanganak, kasama niya ang lolo ko na naglinis ng lupa para tamnan. Matagal na nagtatrabaho ako rito sa asyenda. Pero wala sa master’s list ako, kasi lumalaban kami,” ani Rey Ocampo, 55, ng Brgy. Mapalacsiao.

Sinimulan din ang paglalagay ng bakod sa mga lupain ng Luisita na inaangkin ng RCBC at Tarlac Development Corp. sa Brgy. Balete. Isa sa pinakamasakit na nangyari ang paninira sa kanilang pananim. Pinagsusunog din ang mga kubo ng mga magsasaka.

Sa araw pa mismo ng inagurasyon ni Pangulong Duterte, nanira ng pananim ng mga magsasaka ang mga tauhan umano ng mga Cojuangco-Aquino.

Suporta, paglaban

Malinaw sa mga taga- Luisita kung kanino naglilingkod ang pulis at militar.

Ipinakita ni Violeta ang lawak ng pananim na sinira at binuldoser. Aniya, nag-spray ng kemikal na pagpatay sa kanilang pananim ang mga tauhan ng mga Cojuangco- Aquino.

“Nangungutang lang kami para sa ganoo’y may gugugulin kami sa bukid. Kapag sinira iyon, magtatanim na naman kami. Mangungutang. Kaya nahuhukay kami sa utang,” ani Violeta.

Pero sa halip na panghinaan, lalong nagkakalakas-loob ang mga mamamayan na lumaban. Mula sa usapin sa sahod, naiangat ang kanilang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Taong 2005, kolektibo na nilang inokupahan ang mga lupain para tamnan ito.

Sa kabila ng mga panghaharas sa kanila, matagumpay na naipagpa-patuloy ang pagtatanim.

Gayumpaman, malaking hamon pa rin ang kinaharap nila. Ikinagalak nila ang pagkakatalaga niya kay Rafael Mariano bilang Kalihim ng Department of Agrarian Reform. Nagkaroon umano sila ng paghinga sa pagtatanim.

“Nakapagpalusot kami ng isang ani mula nang maupo si Ka Paeng (Mariano) at walang nanira ng aming pananim. Pero malaki pa rin ang binabayaran namin sa mga sinirang tanim. Sana maalis na rin ang mga militar at Cafgu,” ani Violeta.

Para naman kay Francisco Dizon, 47, opisyal ng Ambala, bagamat nagagawa na nilang magsaka sa lupa, hindi pa nila maitodo ang potensiyal ng matabang lupa dahil sa kakulangan ng kapital para sa binhi, abono, patubig, at ibang gamit.

Nagsisikap man ang kanilang organisasyon na punan ang pangangailangan, sadyang kinakailangan nila ang malaking suporta. Ang laki ng Luisita’y tinatayang katumbas na pinasamang laki ng mga lungsod ng Makati at Maynila, at ng Ortigas Avenue.

Tuloy pa rin

Masasabing may katahimikan ngayon sa Luisita mula nang maupo si Duterte. Pero hindi masasabing mapayapa na rito.

Sa isang lipunang malapiyudal na nanatili ang tunggalian sa pagitan ng panginoong maylupa at uring magsasaka, tiyak na gagawa ng hakbang ang mga katulad ng mga Cojuangco-Aquino para mapanatili sa kanila ang lupain ng asyenda na pinagmumulan ng kanilang kapangyarihang pampulitika.

Para sa mga gaya nina Violeta, Rey, Francisco, at iba pang nakikibakang mamamayan sa asyenda, hindi lalaya ang uring magsasaka sa Pilipinas hangga’t hindi lumalaya ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita.

Ang lahat ng nangyayari sa mga magsasaka sa buong bansa ay nangyayari sa Hacienda Luisita— pandarahas, pamamaslang, pananakot, pangangamkam at, higit sa lahat, ang nagpapatuloy na pagkakaisa at hindi magagaping layuning magtagumpay.


 

Pher Pasion

Pher Pasion

Pher Pasion finished his bachelor's degree in journalism at Manuel L. Quezon University. He is also a former national secretary-general of the College Editors Guild of the Philippines.