Pambansang Isyu

5 paraan para itaguyod ang independent foreign policy 


Hindi pa naman tinutupad ni Duterte ang naturang polisiya. Ito ang limang paraan sa ekonomiya para maisabuhay ito.

Sabi ni Pangulong Duterte, gusto niya ng independent foreign policy, o nagsasariling ugnayang panlabas. Ang ibig sabihin lang nito, gusto ng Pangulo na tahakin ang polisiya sa pakikitungo sa iba’t ibang bansa ng daigdig nang walang kontrol o di-makatwirang impluwensiya ng isang makapangyarihang bansa tulad ng Estados Unidos (US).

Hindi kaila kay Duterte na simula’t sapul sa kasaysayan ng Republika, may napakalakas na impluwensiya ang gobyerno ng US sa gobyerno ng Pilipinas. Sa deka-dekada nitong “pagtatanim” ng mga burukrata o opisyal ng gobyerno at pulitiko na sinanay sa pagkiling sa US, sinabi mismo ni US Assistant Secretary of State for East Asian and Pacific Affairs Daniel Russel na kahit na kontra sa kanila ang presidente ng Pilipinas, marami namang naitanim na relasyon ang gobyernong Amerika sa iba’t ibang opisyal at makapangyarihang indibidwal sa loob at labas ng gobyerno ng Pilipinas. Matitiyak pa ring masusunod ang dikta nila.

Pero ano kaya ang maaaring gawin pa ng gobyernong Duterte para totoo ngang tahakin ang independent foreign policy – higit pa sa pagtitiyak na mapaalis ang mga tropang Amerikano sa bansa? Marami rito, may kaugnayan sa pang-ekonomiyang impluwensiya at kontrol ng US sa bansa.

  1. Ibasura ang Charter Change

Gusto ni Duterte idaan sa Constitutional Assembly ang pagpapalit ng Saligang Batas para bigyan-daan ang kanyang panukalang gawing Pederal ang porma ng gobyerno ng bansa. Pero dahil sa malakas na impluwensiya ng US sa pulitika ng bansa, tiyak na ipapasok din sa pagrerepaso ng Konstitusyon ang pagpapayag ng 100 porsiyentong pag-aari ng dayuhang mga korporasyon sa mga lupain, negosyo at kahit sa midya ng Pilipinas. Kung maitutuloy ito, lalong mapapasailalim ang ekonomiya ng bansa sa kontrol ng dayuhang mga monopolyo-kapitalista.

  1. Ibasura sa kontrak-tuwalisasyon, itaas ang sahod ng obrero

Ipinangako ito ni Duterte noong tumatakbo pa siya sa pagkapresidente noong eleksiyon 2016. Itinalaga niya si Labor Sec. Silvestre Bello III na may “marching orders”, aniya, na itigil na ang “endo” o end of contract at kontraktuwalisasyon. Pinaaaral din sa Department of Labor and Employment ang makabuluhang dagdag-sahod ng mga manggagawa. Pero dahil naiiimpluwensiyahan pa ng malalaking lokal na kapitalista ang naturang ahensiya, hirap itong ipatupad ang “marching orders” ng Pangulo. Isang neoliberal na patakaran ang kontraktuwalisasyon na lalong nag-aalipin sa mga manggagawa at nagpapanatili sa kanila sa karalitaan. Dikta ng imperyalistang mga bansa ang murang lakas-paggawa. Kung gusto ni Duterte ng independent foreign policy, kailangang puspusin na niya ang pagpawi sa kontraktuwalisasyon.

  1. Siguruhing di-dehado ang Pinas sa dayuhang ‘investments’

Kasabay ng pagdeklara ni Duterte sa independent foreign policy ang pagdeklarang palalambutin ng kanyang administrasyon ang relasyong diplomatiko sa bansang China (na karibal ng US sa dominasyon sa pandaigdigang ekonomiya). Pagbalik niya galing China at Japan, inanunsiyo niya ang bilyun-bilyong dolyar na “investments” ang ipinangako ng mga kompanya sa mga bansang ito. Pero anong klase ang investments at iba pang pangakong pinansiyal na ito? Mayroong mga utang, na tiyak na may kondisyon (pagbibigay-prayoridad sa kanilang negosyo sa bansa). Mayroong investments na walang pinag-iba sa dati nang “portfolio investments”. Mayroong pangako na magtayo ng mga planta – sa kondisyon, siyempre, na mananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa. Tiyak, mananatili ang kontraktuwalisasyon.

  1. Itigil ang impunity sa bansa, itigil ang Oplan Bayanihan

Ipinapaubaya ni Duterte ang pagsugpo sa problema ng droga sa bansa sa mga institusyon (militar at pulisya) na napatunayan nang kompromisado o sistematikong kurap at bangkarote. Inamin mismo ni Duterte at PNP Chief Bato dela Rosa na sangkot ang maraming heneral ng pulisya at militar sa sistematikong pagkalat ng ilegal na droga sa bansa. Kaya naman hindi nakapagtataka ang lantarang paglabag sa karapatang pantao ng mga sinususpetsahan pa lamang na drug users at pushers. Sa “pagsugpo” naman sa rebelyon, hindi pa iniaatras ni Duterte ang Oplan Bayanihan ng nakaraang presidenteng Aquino. Nakapadron ang Oplan Bayanihan sa Counterinsurgency Guide ng US. Samantala, pulisya at militar ang tumatanggap ng pinakamalalaking suporta mula sa gobyernong US – kaya di nakapagtataka na militar din ang pinakamalapit sa US.

  1. Siguruhin ang tagumpay ng usapang pangkapayapaan, palayain ang mga bilanggong pulitikal

May kongkretong mga panukala ang National Democratic Front of the Philippines para sa kaunlaran sa ekonomiya ng bansa na matatamasa ng mayorya ng mga mamamayang Pilipino.

Pangunahin na rito ang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo. Nasa interes ng imperyalistang mga bansa tulad ng US ang pananatili ng monopolyong kontrol ng iilang pamilya sa mga lupaing agrikultural ng bansa.

Samantala, ipinapanu-kala rin ng NDFP ang pambansang industriyalisasyon, o ang pagmomodernisa ng batayang mga industriya ng bansa.

Kaugnay ng usapang pangkapayapaan, kailangan ding tupdi ng rehimeng Duterte ang pangako nitong pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal – mga bilanggong pulitikal na matagal nang ipinaglaban ang pambansang kalayaan at demokrasya ng bansa.