Eyewitness

Pasasalamat sa nagdala kay Raymark sa ospital

October 22, 2016

Kuwento ng bisita ng awtor at ilang taong-simbahan at kapwa-drayber ang biktima ng brutalidad ng pulisya sa dispersal sa US embassy noong Oktubre 19.

Ilang araw na ang nakalipas matapos ang madugong dispersal sa embahada ng Estados Unidos (US). Dinalaw namin ang drayber ng pinagpu-pukpok ng mga pulis sa ulo, si Raymark Sumalbag.

Nakaupo si Raymark sa sahig nang aming madatnan. Kausap ang ilang kasamahan sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Driver at Operator Nationwide (Piston), pati na rin ang kanyang ina at mga kapatid.

Natuwa ako nang makita siyang ngumiti ng aming kamayan. Maayos naman daw ang kanyang kalagayan, maliban sa tuluy-tuloy na pagkahilo. Pero bakas pa rin ang hina ng katawan matapos ang kalupitang naranasan sa mga kamay ng pulis.

“Dumating kanina ang mga taga-Karapatan at ang kasamang abogado, para alalayan si Raymark,” sabi ng isang kasama sa Piston.

Sa isang pahayag, sinabi ng pangkalahatang kalihim ng Karapatan na si Tinay Palabay na komited ito at ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) na magbigay ng suportang paralegal at legal sa lahat ng biktima ng marahas na dispersal, kabilang si Raymark.

Isa-isang nagpakilala ang mga kasama ko kay Raymark at sa kanyang pamilya. Nagbigay din sila ng suportang moral at ilang mga gamot. Hindi napigilan ng ilan sa mga bisita na mapaluha sa sitwasyon.

Amerikanong church worker na si Rebecca Lawson, binisita ang tahanan ni Raymart. <b>JL Burgos</b>

Amerikanong church worker na si Rebecca Lawson, binisita ang tahanan ni Raymark. JL Burgos

Nagsalita si Rebecca Lawson mula sa Pilgrims for Peace. Siya ang huling nagsalita sa aming grupo. Tagalog na nagpakilala si Rebecca, isang Amerikana. Pero habang nagpapakilala, napahinto na siya. Nagpaumanhin na mag-Iingles na lang siya. Mga ilang segundo rin siyang napahinto, tumutulo ang luha, bago nakapagsalita.

I’m sorry that the Philippine National Police is more concerned in protecting and serving my country than serve and protect you and your country,” ani Rebecca. Damang-dama ko ang paghingi ng paumanhin kay Raymark. Hindi na rin napigilan ng ilang bisita ang mapaluha. Tuloy ang kuwentuhan sa maliit na tahanan ni Raymark. May ilang biruan. May ilang mga payo.

Napahinto ang lahat nang biglang may sumulpot sa pintuan ng bahay ni Raymark. Isang pulis ito na nakauniporme. Taga-Internal Affairs Service ng Manila Police District (MPD), ang yunit na pinanggalingan ng mga nandahas kay Raymark. Nais nila kuhanan ng “statement” si Raymark. Napansin ng ilang kasamahan ko ang pangamba kay Raymark at sa pamilya niya. Nagsitayuan ang ilang kasamahan ko at humarang sa pinto.

“May abogado na po si Raymark, sa kanya na lang po kayo makipag-coordinate,” sabi ng kasama sa Piston.

Pulis na bumisita sa tahanan nina Raymart. <b>JL Burgos</b>

Pulis na bumisita sa tahanan nina Raymark. JL Burgos

Natawagan na ang abogado, at ang payo ay huwag magsalita kung wala siya. Sinara namin ang pinto habang patuloy na nakikipagusap sa pulis ang taga-Piston. Pagkasara, kitang-kita sa mukha ng pamilya ni Raymark ang pag-aalala habang patuloy na kinakalma ng ilan sa aming kasamahan ang pamilya ni Raymark.

Umalis ang mga pulis pagkatapos makausap ang abogado ni Raymark sa telepono. Iniwan nila ang bahay at pamilya na nangangamba. Pero hindi ang pagdating at pag-alis ng mga pulis ang bumahala sa akin, kundi ang kuwento ng isang lalaki sa aming likuran bago dumating ang pulis.

“Ako ang nagdala kay Raymark sa ospital at hindi ang mga pulis,”  sabi ni Jaime Alano, operator ng jeep na minamaneho ni Raymark.

Nakita ni Jaime si Raymark na nakahandusay sa sidewalk. Kasama ang ilan pang mga hinuling nagprotesta. Kinausap niya ang mga pulis. Kinumbinsi niyang nirentahan lang sila. Nakiusap sa mga pulis na payagan nang makaalis si Raymark na noong mga oras na iyon ay walang malay.  Kinalaunan, pinayagan na si Jaime na dalhin si Raymark sa ospital. Sinakay niya sa traysikel si Raymart at dinala sa Ospital Ng Maynila. Hindi pulis ang nagdala kay Raymark sa ospital, taliwas sa lumalabas sa mga interbyu ng mga kapulisan.

Di ako nagtataka kung bakit natatakot ang pamilya ni Raymark sa nag-iimbistigang pulis. Kung ang simpleng pagdadala sa ospital ay pasisinungalin nila, paano pa kaya sa imbestigasyon ng kabaro nila?


Featured image: Larawan ni Raymark na pinalilibutan at ginugulpi ng mga pulis. Bago nito, sinapak na siya habang nakaupo sa driver’s seat ng jeep at hinila pababa. (Larawan ni Boy Bagwis
Correction: Sa naunang bersiyon ng artikulo, pinangalanan ang biktima bilang Raymart Sumalbog. Ang tama ay Raymark Sumalbag. Paumanhin mula sa patnugot.
JL Burgos

JL Burgos

JL Burgos is a filmmaker and artist. He is part of PinoyMedia Center, and is also active in the campaign for justice for victims of enforced disappearances, of which his brother Jonas is one.