Pagpupunla ng makabayang awitin


Inilunsad nitong Oktubre 22 ang isang music album na nagbibigay tinig sa boses ng mga magsasaka at katutubo.

Matabang lupa para sa pagtatanim ang kahulugan ng ‘punlaan’. Ito rin ang pamagat ng music album ng makabayang mga musikero na inilunsad kamakailan bilang pagbibigay-pugay sa mga magsasakang Pilipino, katutubo at mga manggagawang pangkultura.

Pinordyus ng IBON Foundation at iba pa, ang Punlaan ay produkto ng kolaborasyon ng iba’t ibang makabayang musikero. Sa pamamagitan ng iba’t ibang tunog at musika na nagmula sa katutubong kultura ng iba’t ibang bahagi ng bansa, isinalarawan ng album ang iba’t ibang problema ng lipunang Pilipino, gayundin ang mga pamamamaraan para solusyonan ito.

Nandiyan ang mga awiting Neo Kolonyal, Manggagawang Bukid, Ambahan at Mangunguma Ako, na tumatalakay sa mga problema ng malakolonyal na katangian ng lipunang Pilipino na nagdudulot ng paghihirap ng mga magsasaka at mamamayan.

Tinalakay din sa awiting On Potok, Saringsing sa Oma, Kabudlay ng Mangingisda, at Bakwit ang pandarambong ng malalaking kompanyang dayuhan at lokal sa lupaing agrikultural at likas-yaman ng bansa sa ngalan ng ‘kaunlaran’ para sa iilan.

punlaanSiyempre tinalakay din sa ilang kanta (Misyonero ng Kanayunan; Pagay; Magsasaka Ikaw ang Punla; Titulo) kung papaano nagbubuklod ang mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo para pagyamanin ang kanilang lupain, iahon ang sarili at makamit ang hustisyang hinahangad sa pamamagitan ng kolektibong paggawa.

Mayroon ding bonus track (Bado Kong Ledot) na tumatalakay sa problema ng isang bata sa kasuotan na sumasalamin sa karalitaan ng kanyang pamilya ng mga magsasaka.

Nakipag-ugnayan ang IBON sa Concerned Artists of the Philippines (CAP), katuwang ang Department of Agrarian Reform, League of Authors of Public Interest Songs (Lapis), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), National Center for Culture and the Arts (NCCA), at sa suporta ng Swedish Society for  Nature Conservation (SSNC).

Ang proyektong Punlaan ay sinangkutan ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa, magsasaka, artista mula sa Kordilyera hanggang Mindanao: Tubaw Music Collective, Salidummay-Dap-ayan iti Kultura ti Kordilyera (DKK), Sining Kanlungan, REDs PangKat Sining (Redemptorists-Simbahan at Sining para sa Katarungang Panlipunan), Bigkis at Lakas ng Katutubo sa Timog Kataglugan (Balatik), Dumagat Sierra Madre, Samahan ng mga Magsasaka sa Kanlurang Mindoro (Samakami), Unyon ng mga Manggagawang Bukid sa Kanlurang Mindoro (UMBKM), Sining Banwa Albay Performance Collective Inc. (Sining Banwa), Artista kag Manunulat nga Makibanwahanon (Ambon), Teatro Obrero, Samahan ng Lingkod na Artista sa Mindanao (Salamin) at Kalinawagan Ensemble.

Sa naturang paglulunsad, nagkaroon din ng eksibit ng organikong mga produkto, larawan at pamamaraan ang Green Action Exchange. Pinangunahan ito ng Green Action PH Network na binubuo ng iba’t ibang grupo na nagtataguyod ng green producerism.

Mabibili ang album sa bookshop ng IBON Foundation sa 114 Timog Avenue, Quezon City