FEATURED Pambansang Isyu

Terorismong Kano


May mga ebidensiyang nagsasabing Estados Unidos ang lumikha at sumuporta sa terorismo ng mga grupong tulad ng Abu Sayyaf. 

Pinagmayabang niya sa sinumang nakausap na marami raw siyang koneksiyon: sa gobyernong US, sa gobyerno ng Pilipinas, sa mga grupo ng rebeldeng Moro tulad ng Moro National Liberation Front.

Pinagmayabang niya na miyembro umano siya ng Central Intelligence Agency (CIA), ang ahensiya ng paniniktik ng gobyernong US. Siya si Michael Terrence Meiring, isang British-American na umano’y treasure hunter na 10 taon nang namamalagi sa Pilipinas, lalo na sa Mindanao.

Isang araw, noong Mayo 16, 2002, sumabog ang isang bomba sa Suite 306 sa Evergreen Hotel sa Davao City na tatlong linggo nang tinutuluyan ni Meiring. Sunog ang malaking bahagi ng katawan niya. Halos mawala na ang kanyang mga binti. Wasak naman ang ilang kuwarto ng hotel; tinatayang aabot sa P2-Milyon ang halaga ng sira.

Itinakbo si Meiring sa Medical Mission Hospital sa lungsod. Tatlong araw pagkatapos nito, at bago pa man makasuhan ng mga awtoridad ng Davao (sa pangunguna ng noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte) pumunta ang ilang mga ahente ng National Security Agency at Federal Bureau of Investigation (FBI) ng US sa ospital para puwersahang ilipad si Meiring patungong Maynila at, kalaunan, patungong Texas.

Lubos na ikinagalit ito ni Duterte. Sa mismong karanasan niya, nakita ng noo’y meyor na ginagawa ng US ang gusto nito — sukdulang protektahan ang mga terorista nitong naghahasik ng lagim sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Hanggang ngayon, sa mga panayam sa kanya matapos ang eleksiyon noong Mayo, ito pa rin ang itinuturong dahilan kung bakit wala umanong tiwala ang Presidente sa gobyernong US.

Anak ng agila

Matagal nang itinuturong likha ng CIA ang bandidong grupo na Abu Sayyaf Group (ASG).

Kauna-unawang walang di-mapasusubaliang ebidensiyang titindig sa anumang korte na magpapatunay sa akusasyong ito. Gayumpaman, ganito naman talaga kasi ang katangian ng mga grupong tulad ng CIA: Patagong magtrabaho at manggulo.

Mula katapusan ng World War II hanggang ngayon, nahasa na ang ahensiyang ito ng gobyernong US sa sikretong panghihimasok sa malayang mga bansa na tulad ng Pilipinas para impluwensiyahan ang pulitika at ekonomiya nito pabor sa mga naghaharing uri ng US.

Gayumpaman, maraming ebidensiyang sirkumstansiyal ang kadalasang ipinupunto ng mga tagasuri para sabihing may kinalaman nga ang sikretong ahensiya ng paniniktik ng US sa pagkakabuo ng ASG.

Ang tagapagtatag ng grupo, si Abdurajak Janjalani ay napatunayan nang nagsanay sa ilalim ng Inter-Services Intelligence (ISI) ng Pakistan na pinopondohan, sinasanay at inaarmasan ng US noong huling bahagi ng dekada ’80 hanggang ’90.

Lumahok si Janjalani sa giyera ng mga mujahideen (mandirigmang Muslim) kontra sa pananakop ng Soviet Union sa Afghanistan noong dekada ’80. Kongreso ng US ang nagpondo at CIA at ang US Pentagon (headquarters ng US Armed Forces) ang direktang nagsanay-militar sa nasabing mga mujahideen bilang bahagi ng Cold War ng US kontra sa Soviet Union.

Matapos ang digmaan sa Afghanistan, bumalik sina Janjalani para lumahok sa MNLF. Pero kumalas din sila dito para buuin ang ASG. Isa sa naging mga lider ng ASG noong dekada ’90, si Edwin Angeles, ay umamin sa isang korte na ahente siya ng Armed Forces of the Philippines (AFP). May rekord din si Angeles bilang deep penetration agent sa MNLF at NPA noong dekada ’80.

Si Angeles din, ayon kay Nefeez Mosaddeq Ahmed sa librong The War on Truth: 9/11, Disinformation and the Anatomy of Terrorism, ang unang nagpakilala sa ASG sa gawaing kidnap-for-ransom.

Nagbigay ng respeto si Pangulong Duterte sa labi ng isa sa mga biktima ng pagbomba sa Davao City noong nakaraang linggo. <b>Malacanang Photo</b>
Nagbigay ng respeto si Pangulong Duterte sa labi ng isa sa mga biktima ng pagbomba sa Davao City noong nakaraang linggo. Malacanang Photo

Suportado ng militar

Maliban sa koneksiyon sa CIA ng US, ilang beses na ring napatunayang suportado o may ugnay ang ASG sa iba’t ibang yunit ng militar ng Pilipinas.

Pinakatampok na rito ang tinaguriang Lamitan siege o atake sa Lamitan, Basilan noong Hunyo 2001. Nakulong ang mga miyembro ng ASG sa isang compound ng simbahan kasama ang kanilang mga hostage.

Napalibutan na ito ng mga sundalo at pulis. Pero himala, nakatakas pa ang mga ito. Isiniwalat noon ni Fr. Cirilo Nacorda, na dati ring hostage ng ASG, ang naging mga karanasan niya sa kamay ng bandidong grupo: Dumadaan ang mga bandido sa tabi ng mga kampo ng militar. Nag-uusap ang mga lider ng ASG tungkol sa mga armas at kagamitang binibigay sa kanila ng militar.

Kinumpirma rin ito ng misyonaryong dating bihag ng mga bandido: Si Gracia Burnham, na kasama ang kanyang asawa na si Martin na binihag ng ASG noong 2002. Sa kanyang librong In the Presence of My Enemies, kinuwento ni Burnham na sinasabi umano ng mga bandido na nanggagaling ang mga pagkain at armas nila sa militar.

Nandiyan din ang mga rebelasyon ng noo’y Sen. Aquilino Pimentel Jr., sa isang privileged speech sa Senado noong Hulyo 2000. Ayon kay Pimentel, sinabi umano ng ilan sa mga badigard ni Angeles na may mga opisyal ng AFP na nagsisilbing handler ng ASG.

Isang Mindanao Truth Commission ang binuo sa Davao para imbestigahan ang mga pagsabog. Sa nakuhang testimonya ng grupong Magdalo ni Sonny Trillanes, isiniwalat nitong may mga mataas na opisyal ng AFP na nag-utos sa ilang junior officers na bombahin ang ilan pang pampublikong mga lugar sa Mindanao, kabilang ang mga moske, at isisi ito sa Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Front.

Nitong Hunyo 2016 lang, bago umupo sa poder si Duterte, inakusahan ni Sulu Mayor Hussin Amin ang ilang opisyal ng AFP na nakikipagkuntsaba sa bandidong grupo. Ginagamit umanong ahente ng militar ang ilang miyembro ng ASG.

Lumang larawan ng Abu Sayyaf, noong taong 2000. Ikalima mula sa kaliwa si Khaddafy Janjalani.
Lumang larawan ng Abu Sayyaf, noong taong 2000. Ikalima mula sa kaliwa si Khaddafy Janjalani.

Likha ng CIA at AFP?

Matapos mahuli si Meiring na gumagawa at nagtatago ng mga bomba sa isang hotel sa Davao City, naganap uli ang mga pagbobomba. Marso 4, 2003, binomba ang lumang Davao International Airport sa Sasa na ikinamatay ng 22 katao.

Abril 2, 2003, binomba naman ang Sasa Wharf na ikinamatay ng 16 namang katao. Panahong ito diumano’y umigting ang galit ni Duterte sa US, lalo na sa giyera nito kontra sa terorismo.

Lumalabas na kung kinakailangan ng gobyernong US na buhayin ang takot sa terorismo sa Pilipinas para pasunurin ang gobyernong Pilipino sa gusto nito (halimbawa, maipasa ang Visiting Forces Agreement, Enhanced Defense Cooperation Agreement) at bigyan- katwiran ang presensiya nito sa Pilipinas, may mga nagaganap na teroristang atake tulad ng isinasagawa ng Abu Sayyaf.

Malinaw sa rekord ng gobyernong US na kaya nitong manipulahin ang mga grupong may kontrol dito para bigyang presyur ang nakaraang mga rehimen sa Pilipinas.

Matapos ang bagong pagbomba sa Davao noong Setyembre 2 na ikinamatay ng 14 katao na isinisisi sa ASG (o alyado nitong grupo), sinabi ni Duterte na hindi kailangan ang tulong ng US sa pag-iimbestiga. Namura rin niya si Obama na balak sanang kausapin si Duterte hinggil sa mga usaping pangkarapatang pantao sa Laos noong nakaraang linggo.

Sana’y sa pagkakataong ito, tuluyang manindigan na si Duterte laban sa pamemresyur ng US sa kanyang gobyerno gamit ang terorismo.


Featured image: Dibuho ni Gabby Pancho