FEATURED Rebyu

Pananampalataya, paghihimagsik


Rebyu ng pelikulang ‘Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli’ na dinirehe ni Gil Portes.

Paano nga ba nangyari na ang isang taong marubdob ang pagmamahal sa Diyos at sa kanyang kapwa’y natutong maghimagsik sa mga tinitingalang mga Espanyol at prayle?

Iyan ang nangyari kay Hermano Puli, bansag kay Apolinario de la Cruz na nagtatag ng Cofradia de San Jose, na pinaksa sa pelikulang nagdala ng kanyang pangalan. Nauna pa siyang naging bayani kaysa kina Andres Bonifacio at Jose Rizal ngunit maswerte nang mabanggit sa mga pahina ng kasaysayan.

Gayunman, matagumpay na ipinakita ng pelikula na ang Katolisismo na kinalakhan ni Hermano Puli — na tubong Lucban, Quezon — ang siya ring nagbukas ng kanyang mga mata sa kalayaan sa pananampalataya at pagkakapantay ng mga tao anuman ang kanilang kulay, kasarian at antas ng pamumuhay sa lipunan.

At kaya niya rin itinayo ang Cofradia de San Jose na purong Indio o Pilipino ay dahil sa sadyang pagtanggi ng mga prayle na humalo ang mga Indio sa mga asosasyon o cofradia ng mga Espanyol at mestizo. Napalubha pa ito ng sitwasyong lantaran ang pagmamalupit ng mga Espanyol sa karaniwang mga mamamayan.

Ito na marahil ang patunay sa sinasabi ni Reynaldo Ileto, sumulat ng Pasyon and Rebolusyon, na noong panahong hindi pa dumarating ang mga liberal o sosyalistang ideya sa Pilipinas, ang tanging ideolohiyang napanghahawakan ng mga magsasaka para maghimagsik ay ang mismong Bibliya. Dito sila humuhugot ng paniniwala at lakas mula sa mga progresibo o mapagpalayang salita ng Diyos.

Ganito rin ang karanasan ng mga itim sa panahon ng pang-aalipin sa Amerika. Hitik ang Uncle Tom’s Cabin sa mga kuwento ng pakikibaka at paglaya dala ng inspirasyon ng relihiyon.

Bibliya pa rin hanggang ngayon ang pinanghahawakan ng marami para unawain ang kanilang kalagayan at umalpas dito, sa kabila ng pagsisikap ng Simbahan at mga reaksiyonaryo na pahupain ang ngitngit at galit sa puso ng mga inaapi.

hermano-puli-01

Sa isang banda, kakaiba rin marahil ang galing ni Hermano Puli sa pagpapastor dahil sa maagang edad na 17 ay nakapagbuo na siya ng Cofradia. Ayon sa ilang tala, umabot ito sa bilang 4,000-5,000. Naging banta ito sa simbahan, bago ito marahas na sinupil. Sa edad 27, pinatay si Hermano Puli ng mga Espanyol at ang pugot na ulo ay itinulos sa isang kawayan kasama ang anunsiyong erehe siya at hindi dapat tularan.

Kapuri-puri ang pagtatangka ni Gil Portes na makapagdirehe ng ganitong pelikula na maaaring makapukaw sa anti-kolonyalismo at damdaming makabayan ng manonood. Dangan nga lang at hindi ito pareho ng Heneral Luna na kumita sa takilya at umani ng papuri.

Liban kasi sa magandang sinematograpiya, walang masyadong dating ang pelikula. Bagaman sinikap ni Aljur Abrenica na gampanan ang papel na Hermano Puli, hindi niya naisabuhay ang kakaibang katangian ni Puli na dahilan kung bakit naakit ang maraming sumasampalataya sa kanya.

Halata ring kapos sa rekurso ang pelikula. Tipid ang mga lugar ng eksena, at may pakiramdam kang minsa’y parang nanonood ka lang ng mga eksena sa entablado.

Pinasukan din ng love angle ang pelikula – ang tukso at halos baliw na pagmamahal ng isang babaing “kapatid” sa Cofradia kay Puli – ngunit ang hirap ipuwesto ng pagsisilbing alila ng isang dalaga kay Puli sa makalumang panahon ng Maria Clara.

Isa pa’y halos alam mo na rin ang kahihinatnan ng pelikula na mamamatay ang bida. Isinalba na lang ang ending ng panunumpa ng isang kapanalig ng Cofradia na itutuloy nito ang laban ni Puli. Nakatulong din na sa pangwakas na credits bago magsara ang pelikula ay may pahayag na nagtutuloy ang paghihimagsik ng mga Pilipino.

Anu’t anuman, ang pinakamagandang pangyayari pa rin sa pelikulang Hermano Puli ay ang pagkakataong malaman ang kabayanihan ni Apolinario de la Cruz at ang ikarangal ang lahing Pilipino. Sa ganitong dahila’y hindi ko masasabing nag-aksaya ako ng panahon sa panonood ng pelikula.