‘Panahon na para sa independiyenteng polisiyang panlabas’

September 19, 2016

Hinamon ng mga makabayan si Pangulong Duterte na susugan ang kanyang mga pahayag sa pamamagitan ng pagbasura sa di-pantay na mga kasunduan ng Pilipinas at US.

Rali sa harap ng embahada ng US bilang suporta sa mga pahayag ni Duterte para sa independiyenteng ugnayang panlabas ng bansa. <b>Mayday Multimedia</b>

Rali sa harap ng embahada ng US bilang suporta sa mga pahayag ni Duterte para sa independiyenteng ugnayang panlabas ng bansa. Mayday Multimedia

Panahon na para panindigan ni Pangulong Duterte ang kanyang pahayag hinggil sa independiyenteng polisiyang panlabas.

Ito ang inihayag ng iba’t ibang grupong makabayan sa harap ng embahada ng US nitong Setyembre 16, anibersaryo ng pagbasura sa RP-US Bases Agreement noong 1991.

Sandaling hinarang pa ng mga kagawad ng Philippine National Police (PNP) ang martsa ng daan-daang aktibista sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na nagrali hindi para punahin ang nakaupong administrasyon, kundi para suportahan ang mga pahayag ni Duterte hinggil sa pagtatakda ng independensiya sa ugnayang panlabas. Ayon sa mga grupo, makasaysayan ang pahayag ni Duterte dahil sa unang pagkakataon, tahasang sinasabi niyang matagal nang nangingibabaw ang gobyernong US sa pulitika ng Pilipinas–at dapat nang wakasan ito.

Kaugnay ng mga pahayag ni Duterte sa ugnayang panlabas, inihayag din niya na kailangang umalis na ang tropang Kano sa Mindanao. “Yung US Special Forces, kailangan nilang umalis. Kailangan nilang umalis sa Mindanao. Maraming Amerikano doon,”ani Duterte sa kanyang talumpati sa Malakanyang sa harapan ng kanyang huling mga itinalaga sa mga posisyon sa gobyerno. Sinabi niyang nagdudulot lang ng higit na tensiyon ang presensiya ng mga Tropang Kano sa Mindanao.

Matapos nito, ayon sa mga makabayan, panahon na para isabuhay ni Duterte ang kanyang paninindigan: Kailangang ibasura na ang di-pantay na mga kasunduang militar ng Pilipinas at US, katulad ng RP-US Visiting Forces Agreement at RP-US Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Rali kontra sa pagbasura ng base-militar ng Kano bago ang pagbasura nito noong 1991. <b>Boy Bagwis/PW File Photo</b>

Rali kontra sa pagbasura ng base-militar ng Kano bago ang pagbasura nito noong 1991. Boy Bagwis/PW File Photo

Krimen ng US

Bago pa man ang desisyong palayasin ang tropang US sa Mindanao, nauna nang ipinaalala ni Duterte ang mga krimen ng Estados Unidos sa Pilipinas sa panahon ng pananakop nito partikular sa mga mamamayang Moro sa Mindanao sa harap mismo ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) sa Vientianne, Laos.

Kabilang dito ang masaker sa Bud Dajo ng libu-libong Tausug kabilang ang kababaihan at bata sa kamay ng mga Amerikanong sundalo sa Jolo, Sulu noong 1906. Hindi nagawang magbigay ni paumanhin ang Amerika sa masaker na ito.

“Tingnan ninyo ang mga katawan… Habang nananatili tayo kasama ang Amerika, hindi kailanman magkakaroon ng kapayapaan sa lupaing iyon. Mas mabuting itigil na rin natin,” ani Duterte habang ipinakikita ang mga larawan ng masaker sa Bud Dajo.

Nauna nang nakiaalam ang Amerika sa usapin ng karapatang pantao sa gera-kontra-droga ng administrasyong Duterte.

Dahil dito, muling binanatan ni Duterte ang pakikialam ng gobyernong US sa ibang mga bansa sa Middle East partikular sa kaguluhan sa Iraq at Libya na may mga naka-deploy na Amerikanong sundalo. Nauna nang sinabi ng Pangulo na nagdadala ng terorismo ang Amerika sa mga bansa sa nasabing rehiyon.

“Tama si Duterte sa paggiit kung ano ang matagal nang hinihingi ng mga mamamayan: pagtatapos ng mahigit isang siglo ng interbensiyong militar ng US sa Mindanao, na nagresulta sa mga masaker ng sibilyan tulad noong Bud Dajo massacre noong 1906 at nangyari sa Mamasapano noong 2015,” ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Ayon naman sa Communist Party of the Philippines, tunay na dapat alalahanin ng mga mamamayang Pilipino ang barbarismo nang US noong 1899-1913 sa gerang agresyon at kolonisasyon nito sa bansa. Makatutulong si Duterte para mapatampok kung paano isinagawa ng kolonyal na puwersa ng US ang mga masaker, tortyur, panununog ng mga baryo, at puwersang pagpatay at panununog sa mga tao sa kampanya nitong supilin ang paglaban ng mga mamamayang Pilipino.

Independensiya

“Nakahanda ang kilusang masa na makipagtulungan sa rehimeng Duterte sa paggiit ng pambansang soberanya laban sa imposisyon ng imperyalismong US,” pahayag ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Ayon pa sa grupo, hindi ang “pagpapasama” sa relasyon ng Pilipinas-Amerika ang isyu dito. Matagal nang tagibang at sa katunayan ay mapaminsala sa pambansang interes ang relasyong ito. Napapanahon nang magkaroon ng bagong landas at itigil ang neokolonyal na relasyon sa Amerika.

Dagdag pa ng Bayan, upang tunay na maging malaya sa interbensiyon ng tropang Amerikano, dapat umanong ibasura ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng di-pantay na kasunduang militar tulad ng Mutual Defense Treaty, ng Visiting Forces Agreement, ng Enhanced Defense Cooperation Agreement, at ng Mutual Logistics Support Agreement.


 

Pher Pasion

Pher Pasion

Pher Pasion finished his bachelor's degree in journalism at Manuel L. Quezon University. He is also a former national secretary-general of the College Editors Guild of the Philippines.