FEATURED Pambansang Isyu

 Pambansang industriyalisasyon para sa sambayanang Pilipino


Kailangan hikayatin ng progresibong mga mamamayan ang administrasyong Duterte na patotohanan ang mga pahayag na pabor sa industriyalisayon ng bansa.

Susunod na isyu ng PW print hinggil sa pambansang industriyalisasyon.
Susunod na isyu ng PW print hinggil sa pambansang industriyalisasyon.

Ang esensiya ng ekonomiya’y ang pagsisiguro na ginagamit ang likas-yaman ng isang bansa sa paggawa ng mga produktong pasok sa pangangailangan nito at pakikinabangan ng mas nakararaming tao.

Pero, ayon sa Ibon Foundation, kabaliktaran nito ang kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas.

Bagamat kabilang sa pinaka-mayayamang tao sa buong mundo ang  milyonaryong mga pamilya sa bansa tulad nina Henry Sy at Lucio Tan, mas malaking bahagi pa rin ng populasyon ang nanatiling mahirap. Sa isinagawang sarbey ng Social Weather Stations (SWS) noong nakaraang Abril ngayong taon, sampung milyong pamilya ang naniniwalang mahirap sila.

Larawan mula sa <b>industry.gov.ph</b>
Larawan mula sa industry.gov.ph

‘Maka-masang ekonomiya’

Sabi nga, mayaman ang Pilipinas, pero naghihirap ang sambayanang Pilipino.

Patunay ito: Pangatlo ang Pilipinas sa may pinaka-maraming ginto sa buong mundo habang pang-apat at pang-lima naman sa tanso at chromite.

Malaki ang likas-yaman na nakukuha mula sa agrikultura, kagubatan, pangisdaan, at alternatibong enerhiya tulad ng solar at geothermal habang ang 103-milyong populasyon ng bansa’y nangangahulugan ng mas matibay na lakas-paggawa. Pero bakit nananatiling mahirap ang mga mamamayan?

Atrasadong industriya ang tinuturong dahilan ng Ibon kung bakit sa kabila ng likas-yaman ng bansa’y naghihirap pa rin ang sambayanang Pilipino. Nagbunga ito ng kawalan ng trabaho o kung mayroon ma’y mababa ang sahod at walang seguridad sa trabaho.

Nitong nakaraang eleksiyon, tumining sa mga botante ang pangako ni Pangulong Duterte na pagpatupad ng “industriyalisasyon (bilang) susi sa tunay na pag-unlad ng ekonomiya”. Nang maupo siya sa puwesto, itinalaga niya ang negosyanteng si RJ Jacinto bilang tagapayo ng Malakanyang sa pagbangon diumano ng industriya ng bakal sa bansa.

Ikinatuwa ito ng makabayang grupo at ekonomista na nagsabing pagtahak lang sa landas na ito makagagawa ng trabaho para sa kalakhan ng populasyon.

Planta ng bakal sa United Kingdom. <b>Wikimedia Commons</b>
Planta ng bakal sa United Kingdom. Wikimedia Commons

Komprehensibong pag-unlad

Pero ikinalungkot ng mga makabayan at ng Ibon na sa kabila ng makabayang mga pahayag ni Duterte, nagtalaga siya ng mga “eksperto sa ekonomiya” sa gabinete na nagpapatuloy lang ng mga polisiya ng nakaraang administrasyon.

Ayon sa Ibon, ang kasalukuyang industrial roadmap na tinatahak ng kasalukuyang adminsitrasyon na nakadepende sa mga dayuhang mamumuhunan ay dapat nang tumungo sa landas ng pambansang industriyalisasyon.

Nagpanukala ang Ibon Foundation sa administrasyong Duterte na ideklara ang pambansang industriyalisasyon bilang pangunahing estratehiya sa pagpapaunlad ng bansa. Ayon pa sa Ibon, ang “komprehensibong pag-unlad” na ito’y mayroong mga hakbangin na dapat kasangkutan ng mamamayan tulad ng pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, pag-iingat sa karapatan ng mga manggagawa, pagpigil sa tuluyang pagkawasak ng kapaligiran, at pagsiguro na ang mamamayang Pilipino ang makikinabang sa mga industriyang nalikha na.

Sa pambansang industriyalisasyon, nangangailangang bigyan ng suporta ng gobyerno ang pagpapaunlad ng batayang mga industriya tulad ng bakal — mula sa pagkuha nito sa lupa hanggang sa pagpoproseso nito para magamit sa iba pang  industriya.

Kaiba ito sa neoliberal na mga polisiya na naghihikayat ng dayuhang mga mamumuhunan na kunin ang likas-yaman ng bansa at iproseso/gamitin sa kanilang sariling pangangailangan.

Dagdag ng Ibon, mahalagang kasangkapan ang pagbuo ng isang multi-sektoral na National Industrialization Council na lalahukan ng gobyerno, mga pilipinong industriyalista, MSMEs o micro, small, and medium enterprise, mga unyon ng manggagawa, pang-masang organisasyon, akademya, at iba pang mga civil society groups upang matiyak ang partisipasyon ng mayorya ng mamamayan.

Ang pagtataguyod ng isang malawakang kampanya na magtutulak sa paggawa at pagtangkilik ng mga lokal na produkto ang isa sa mga panukala ng Ibon. Maaaring makabuo ng isang maka-Pilipinong ekonomiya sa pagtutulungan ng mga Pilipinong prodyuser at konsiyumer at makapagpatibay sa makabayang kultura at economic patriotism ng bansa.

Isang planta sa China. <b>Wikimedia Commons</b>
Isang planta sa China. Wikimedia Commons

Hadlang sa industriyalisasyon

Sinabi ni Duterte noong nakaraang eleksyon na itutulak nito ang pagpapalakas sa lokal na industriya ng bakal sa bansa bilang isang paraan ng pagkamit sa pang-ekonomiyang kaunlaran.

“Kailangan ang bakal kahit saan. Ito ang ina ng lahat ng industriya at ang pundasyon ng industriyalisasyon na magbibigay sa atin ng kakayahang bumuo ng ating mga pangangailangan tulad ng sasakyan at armas,” aniya.

Bagamat tinitingnan  na isang susing sangkap sa kaunlaran ang industriya ng bakal, tila matamlay ang suporta na natatanggap ng mga lokal na prodyuser nito sa bansa.

Ayon kay Rafael Hidalgo ng Steel Asia, pinapatay ng dayuhang mga importer ang kanilang industriya sa mahabang panahon sa pamamagitan ng mga batas gaya ng R.A. 4109 o “Standards Law.” Sa ilalim ng batas na ito, kailangang magbigay ng Steel Asia ng 20-tonelada sa bawat 20,000-toneladang bakal na magagawa nila bilang quality test sample bago makapasok sa merkado ang kanilang mga produkto.

Samantala, ang dayuhang mga kompanya  ay hinihingan lang ng Bureau of Product Standards ng isang tonelada sa bawat 20,000-toneladang bakal na ipapasok nila sa bansa.

Sa ganitong paraan ng mahinang pagpapatupad ng mga batas sa panig ng mga dayuhang mangangalakal nakakapasok ang substandard na bakal mula sa ibang bansa maliban pa sa mga smuggler na nakakalusot sa Bureau of Customs (BOC). Aminado si Hidalgo na mayroong “trading mafia” sa industriya ng bakal na kinasasangkutan ng mga tao mula sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor dahil naging biktima sila nito nang harangan ang pagtatayo nila ng isang modernong pabrika ng bakal sa Plaridel, Bulacan.

Public Forum hinggil sa pambansang industriyalisasyon. <b>Elisa Alunday</b>
Public Forum hinggil sa pambansang industriyalisasyon. Elisa Alunday

Umaaray din ang Steel Asia sa pandaigdigang mga kasunduang pinasok ng Pilipinas nitong nagdaang dekada gaya ng free trade agreements (FTA) na nagtatanggal sa taripa sa mga pumapasok na produkto dito sa bansa. Binuksan ng mga neoliberal na polisiya ang ekonomiya ng Pilipnas sa hindi pantay na kompetisyon at pagsasamantala ng mga malalaking dayuhang mangangalakal sa likas na yaman ng bansa. Kasalukuyang nakapasok ang Pilipinas sa hindi bababa sa 50 kasunduan sa iba’t ibang bansa gaya ng FTA sa ilalim ng World Trade Organization (WTO).

Ayon naman kay Adelberto Silva, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway, umaasa silang positibong tutugon ang administrasyong Duterte sa binubuong Comprehensive Agreement on Socio- Economic Reforms (Caser) sa usapang pangkapayapaan.

Mahalagang bahagi ng Caser ang pambansang industriyalisasyon.

Bagamat positibo ang inaasahan nilang magiging tugon ng kasalukuyang administrasyon, hinihikayat pa rin ng NDFP ang mga mamamayan na magmulat, mag-organisa at magpakilos para sa pagtutulak ng tunay na pagbabago sa bansa.