FEATURED Magsasaka Maralitang Lungsod

May sunog sa paraiso


Patuloy ang pananaboy sa mga maralitang lungsod para bigyan-daan ang pribadong negosyo sa San Jose del Monte, Bulacan. Pero naninindigan pa rin silang maralita.

Karaniwan nang ginagamit sa mga maralita ang panununog bilang porma ng pagpapaalis sa kanilang mga bahay.

Ganito ang kaso sa komunidad ng mga maralita sa Paradise III. Pero sa kanilang karanasan, di isang beses kundi maraming beses na tinangkang sunugin ang mga bahay nila — para sa malalaking pribadong negosyo.

Isang komunidad na pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ang Bgy. Paradise III sa San Jose del Monte, Bulacan. Ayon sa mga residente, tatlong beses nagkaroon ng tangkang pagsunog sa kabahayan sa kanilang komunidad.

Paulit-ulit

Madaling araw ng Abril 20, dumating ang 15 taong sakay ng puting L300 van at apat na motorsiklo na nagbuhos ng gasolina sa pitong bahay. Sinilaban nila ang mga bahay kahit pa may natutulog na mag-anak sa loob. Naagapan ang tuluyang pagkasunog ng tatlong bahay, habang apat naman ang natupok ng apoy.

Makalipas lang ang isang linggo, nagkaroon muli ng panununog. Dalawang lalaking naka-bonnet na may mahabang baril ang maysala. Muli, napigilan ang panununog sa bahay ni Almario Tolentino.

Tila nagpalamig lang ang mga salarin. Makalipas ang dalawang buwan, Hulyo 3, bumalik na naman ang mga ito para sunugin ang bahay ni Aubrey Yalega. Madaling araw nang gisingin silang mag-anak ng apat na armadong kalalakihan at pinalabas ng bahay. Nakatutok ang baril sa mga biktima habang pinapanood nilang nasusunog ang bahay. Kasabay ng pagsunog sa bahay ni Yalega, nangyari rin ang panununog sa magkakahiwalay na bahay.

Lumikas ang mga tao. Nang balikan ng mga residente ang lugar, nakakita sila ng papel na resibo malapit sa isang bahay na natupok. Nakasulat dito ang total ng biniling 20 litro ng gasolina: P 764 na nakapangalan sa Araneta Properties.

Pagpapaalis

Ayon kay Eriberto Peña ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB), ibinenta ng nag-aangking Rocha Development Corp. ang higit sa 12-ektaryang lupain sa Araneta Properties Inc. Ang lupai’y itinuturing na disputed land sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Binakuran ng barbed wire ng Araneta Properties ang lugar noong Hunyo at nagsabit ng karatulang “No Trespassing Private Property”. Pero wala itong maipakitang fencing permit.

Ayon sa mga biktima, bago pa man ang mga panununog, ipinatawag sa opisina ng Araneta Properties ang 16 na pamilya na naninirahan sa nasabing lupain kasama ang Barangay Agrarian Reform Chairman (BARC) na si Reynaldo Cardona noong Marso 5. Inalok sila ng P 23,000 kapalit sa pag-alis sa lugar. Walang tumanggap dito.

Ayon pa sa AMB, bukod sa isang sako ng bigas at sardinas mula sa lokal na pamahalaan, wala nang natanggap na tulong ang mga biktima— kahit nangako si Meyor Arthur Robes na tutulong ito sa pag-iimbestiga sa kaso.

Kalbaryo

Bagamat positibo ang tugon ng mga magsasaka sa simulain ni Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano, aminado si Mariano na hindi CARP ang solusyon sa krisis sa monopolyo sa lupa.

“Mahigit 28 taon mula nang ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP, wala pa ring malinaw na indikasyon ng pag-alwan ng buhay ng ating mga magsasaka,” ani Mariano.

Walumpu’t limang porsiyento o 4,802 milyong-ektarya na ang naipamahagi ng DAR sa 2,790 na magsasaka sa ilalim ng pamumuno ni Mariano. Ang kalagayan na ito umano ng mga magsasaka’y bunga ng sapakatan sa pagitan ng mga landlord at oligarkiya.

“Sa dulo’y kailangan pa rin nating bumalik sa isyu ng oligarkiya at kung bakit kailangan ng tunay na reporma sa lupa,” pagtatapos ni Mariano.