FEATURED Pambansang Isyu

Landas tungo sa kaunlaran ng nakararami


Pagkakataon ang usapang pangkapayapaan para ilatag ng mga rebolusyonaryo ang programa nito para sa kaunlarang matatamasa ng masang Pilipino. Panahon na rin para pakinggan ito ng gobyerno.

pw-14-33-p01-cover
Isyu ng PW ngayong linggo

Sa linggong ito magpapatuloy ang pormal na usapang pangkapayapaan ng gobyerno at mga rebolusyonaryo. Ang adyenda: pinakamahalagang mga pagbabago sa ekonomiya at paggogobyerno.

Sa Oslo, Norway, pag-uusapan ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (Caser) — ang “puso” ng usapan. Ang mga panukala rito ang inaasahang tutugon sa ugat ng giyera-sibil — tutugon sa kahirapan at pagsasamantala sa mayorya ng mga mamamayang Pilipino.

Lalamanin kasi nito ang radikal na mga reporma gaya ng pagbuwag sa monopolyo sa lupa, dominasyon sa industriya ng pribado at dayuhang mga kompanya, pag-amyenda o pagtanggal sa mga polisiya at batas na mapagsamantala sa ekonomiya, at muling negosasyon sa mga utang panlabas.

Nakapagpalitan na ng balangkas ang dalawang panig para sa Caser.

“Inaasahan namin ang marubdob at interesanteng diskusyon sa pagbabalangkas nito, at sa isang banda inaasahan din namin magiging medyo kontrobersiyal ito,” ani Randall Echanis, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Mga konsultant ng NDFP, sa isang media forum hinggil sa Caser noong nakaraang linggo. <b>Pher Pasion</b>
Mga konsultant ng NDFP, sa isang media forum hinggil sa Caser noong nakaraang linggo. Pher Pasion

Repormang agraryo

Isa sa mahahalagang pag-uusapan ang repormang agraryo lalo pa’t agrikultural na bansa ang Pilipinas at magsasaka ang kalakhan ng populasyon nito.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, nasa siyam sa bawat magsasaka ang walang sariling lupang sinasaka. Hawak kasi ng malalaking panginoong maylupa ang mga lupain sa Pilipinas gaya ng mga Cojuangco-Aquino, Roxas, Enrile, Araneta, at iba pang angkan.

Kontrol din ng malalaking negosyante at dayuhan ang malalaking plantasyon gaya ng pinya, goma, saging, abaka, palm oil, at iba pa na pawang pinakikinabangan ng dayu-hang mga korporasyon.

Sinasabing ginagamit ng mga panginoong maylupa ang kanilang kapangyarihan sa gobyerno para mapanatiling legal ang kanilang pag-aari sa malalaking lupain. Ito ang nakikitang dahilan kung bakit wala nang batas sa Pilipinas para sa tunay na reporma sa lupa.

Nahaharap ang magsasaka sa iba’t ibang porma ng pagsasamantala gaya ng pangangamkam sa kanilang lupa, di-pantay na hatian tuwing anihan, mahal na upa sa lupa at gamit-pansaka gaya ng abono at maging bayad sa irigasyon, pang-aalipin, at mababang pasahod para sa mga manggagawang-bukid na karaniwang nasa mga plantasyon at asukarera.

“Hanggang ngayon, dinedepensahan pa rin ng katutubo ng Kordilyera ang kanilang lupaing ninuno,” sabi naman ni Kennedy Bangibang, konsultant ng NDFP sa Kordilyera.

Ayon sa NDFP, naipatutupad ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (NPA) ang agraryong rebolusyon sa mga teritoryong nasasakupan sa minimum at maksimum mula sa baryo hanggang sa pamprobinsiyang antas.

Sa minimum, ipinatutupad ang mas mababang upa sa lupa, taas-sahod ng mga manggagawang bukid, mababang usura, at pagpapataas ng produksiyon sa pamamagitan ng kooperatiba. Sa maksimum, kanilang kinukumpiska ang lupain sa despotikong mga panginoong maylupa at ibinibigay nang libre sa magsasaka.

Sa karanasan ng agraryong rebolusyon sa Mindanao, lalo na sa mga rehiyon na malakas ang mga kompanya ng pagtotroso, sinasabing nagsimula ang pagpapatupad ng maksimum na programa ng repormang agraryo, ani Loida Magpatoc, konsultant ng NDFP sa Mindanao.

“Ang rebolusyonaryong mga organisasyon ng magsasaka, katuwang ang NPA, sa pamumuno ng [CPP] ay pinamahalaan ang pamamahagi ng lupa na dati’y monopolyo ng logging concessionaires. ‘Yung mga lupaing iyon, hanggang ngayo’y itinuturing ng GRP na public land pero 40 taon nang nililinang ito ng mga magsasaka,” ani Magpatoc.

Gayumpaman, kinaka-harap ng mga teritoryong ito ang atake mula sa militar, sabi naman ni Jaime Soledad, konsultant ng NDFP.

“Ang kanilang tindahan at mga fishpond ay sinisira. Sinasabing tindahan (ito) ng NPA,” sabi ni Ruben Soluta, konsultant ng NDFP sa Leyte.

Dahil nagmumula sa lupa ang kapangyarihang pampulitika ng mga panginoong maylupa at lokal at dayuhang kapitalista, inaasahan ang kanilang pagtutol sa tunay na repormang agraryo.

Mekanisadong pagsasaka sa isang industriyalisadong bansa. <b>Wikimedia Commons</b>
Mekanisadong pagsasaka sa isang industriyalisadong bansa. Wikimedia Commons

Pambansang industriyalisasyon

Malaking problemang kinakaharap ng bansa ang kawalan ng batayang mga industriya. Nagdudulot ito ng kawalan ng trabaho ng maraming Pilipino. Ayon sa Ibon Foundation, aabot sa 12 milyong Pilipino ang unemployed at underemployed sa bansa.

“Kaya nating tumayo sa sarili natin,” ani Edberto Villegas, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas-Manila at konsultant ng NDFP sa sosyo-ekonomikong mga reporma.

Binigyan-diin niya ang napakasaganang likas-yaman ng Pilipinas at galing ng mga mamamayang Pilipino. Pero kinokontrol ng mayayaman at dayuhan ang yamang ito gamit ang gobyerno. Kaya iilan lang ang nakikinabang dito habang nasasadlak sa kahirapan ang karamihang mamamayan.

Aniya, napakayaman sa yamang mineral ng Pilipinas na sasapat para makapagtayo ng sariling industriya ang bansa. Sinasabing pangatlo ang Pilipinas sa reserbang ginto sa daigdig. Pang-apat naman ito sa nickel, at panglima sa copper.

Sabi pa ni Villegas, kailangang ibasura ang Mining Act of 1995 para tanggalin ang malalaking kompanyang Hapones, Amerikano at iba pang dayuhan na nakikinabang sa ating mga mineral at sumisira pa sa kalikasan.

Infographic: <b>Darius Galang</b>
Infographic: Darius Galang

“May environmental protection din (ang NDFP). Kaya ang pagmimina, hindi yung bara-bara na lang kasi aalis na sila (mga dayuhan) eh. Gamitin natin ang mga mineral na isa sa pinakamayaman sa daigdig bago pa masaid ito ng mga dayuhan. Susuportahan ng mining industry ang pagka-repeal sa Mining Act of 1995. Bawal ang dayuhan diyan, kailangan ang humahawak diyan ay ang gobyerno,” ani Villegas.

Isinusulong din ng NDFP ang pagsasabansa ng industriya ng langis. Tinatayang 138.5 milyong bariles ang oil reserves ng bansa. Pang-68 umano ang Pilipinas sa 101 bansa na may reserbang langis sa mahigit na 200 bansa sa daigdig.

“Ang ating langis na nakukuha ay 21,000 barrel per day. Yun lang, di natin kontrolado ang pagkuha ng langis, halimbawa, sa Malampaya, Palawan ang kumukuha ay Shell,” aniya.

Isa rin ang Pilipinas sa may pinakamatabang lupa sa daigdig. Dito, maaaring magtanim ng halos lahat ng agricultural crops, maaaring mag-alaga ng mga hayop gaya ng baboy, baka, manok, at iba pa. Kung malilinang lang ng Pilipinas ang sarili nitong lupain, matutugunan nito ang seguridad sa pagkain.

“Bakit pa tayo mag-aangkat ng bigas, samantalang numero uno tayo (sa bigas) dati? Diniktahan kasi tayo ng World Trade Organization (WTO),” ani Villegas.

Isa ang WTO sa nagtulak ng pag-eksport ng likas-yaman natin para sa kakarampot na kita at empleyo sa bansa. Dito ipinasok ang mga bansa sa kasunduan upang magawang manghimasok ng malalaking bansa sa ekonomiya ng maliliit na bansa.

Dagdag pa niya, kapag namodernisa na ng mga Pilipino ang agrikultura, itatayo ang mga pabrika na gumagawa ng mga traktora at iba pang kagamitang pansaka.

“Dito na gagawin ang makina sa agrikultura at hindi na iimport. Pagnanasyunalisa ito, magtatayo ng pabrika para sa agrikultura. Kaugnay ito ng land reform. Kapag tumaas ang productivity sa agrikultura, magiging food sufficient tayo. Mumura pa ang presyo ng pagkain. Imbes na mag-import tayo ng bigas at kung anu-ano. Ang yaman naman ng lupa ng Pilipinas sa food crops, lahat puwedeng itanim,” sabi pa ni Villegas.

Kasunod umano nito ang paggawa ng mga slaughtering factory, poultry, piggery, at iba pa upang makalikha din ng mga trabaho para sa mga Pilipino na oorganisahin sa mga kooperatiba at kolektibo para matulungan ng gobyerno.

Nakipagpulong si Pangulong Duterte sa ilang konsultant at negosyador ng NDFP para muling ihayag ang suporta sa usapang pangkapayapaan. Nangyari ang pulong mahigit isang linggo bago ang pagpapatuloy ng usapan kung saan inaasahang isasalang ang panukalang mga repormang sosyo-ekonomiko. <b>Presidential Communications</b>
Nakipagpulong si Pangulong Duterte sa ilang konsultant at negosyador ng NDFP para muling ihayag ang suporta sa usapang pangkapayapaan. Nangyari ang pulong mahigit isang linggo bago ang pagpapatuloy ng usapan kung saan inaasahang isasalang ang panukalang mga repormang sosyo-ekonomiko. Presidential Communications

Paglikha ng trabaho

Ayon kay Adelberto Silva, miyembro ng Reciprocal Working Committee on Socio-Economic Reforms, konsultant ng NDFP at aktibistang may malawak na karanasan sa pakikibaka ng mga manggagawa, dulot na malawak na kawalan ng trabaho kaya nagagawang pababain ang sahod ng mga manggagawa.

“Hindi totoong P491 ang minimum wage. Ito ang deklaradong minimum wage sa National Capital Region. Pero kahit sa NCR, napakaliit na porsiyento lang ng mga manggagawa ang nakakatanggap nito,” ani Silva.

Sabi ng Ibon Foundation, kakailanganin ng isang pamilyang may anim na miyembro ng P1,088 kada araw para mabuhay nang disente.

Kawalan din ng trabaho ang dahilan kung bakit nailalagay sa kontraktuwalisasyon ang mga manggagawa. Itinutulak din ng kawalan ng trabaho ang pangingibang bayan ng mga Pilipino at doon makipagsapalaran. Sabi ng Migrante International, nasa 15 milyong manggagawang Pilipino ang nakakalat sa buong mundo. Nasa 6,000 manggagawang Pilipino naman ang umaalis ng bansa araw-araw.

Binigyan-diin ni Villegas ang potensiyal ng Pilipinas pagdating sa pangisdaan. Bilang arkipelago, napakayaman ng bansa sa marine resources. Pang-apat din tayo sa ship building. Pero ang mga Koreano at Hapon ang may hawak ng ship building industry, ani Villegas.

“Bakit Koreano at Hapon? Wala kasing political will ang past governments ng Pilipinas,” ani Villegas.

Ilan lang ito sa mga industriyang nais isabansa ng NDFP. Mayroon umano silang lista ng mga industriya na ihahapag para mapaunlad.

Maaari umano itong maisakatuparan at mapondohan kung tatanggalin ang sistemang pork barrel sa pambansang badyet, muling pakikipagnegosasyon sa utang panlabas, at pagsuporta sa research and development.

Bagamat nakakakuha umano ang mga Pilipino ng mga trabaho sa export-processing zones at business process outsourcing o call centers, di sapat ang mga ito at lalong di ito solusyon.

Kailangang mabaligtad ang sitwasyon na di tayo hinahayaang maging in-dustriyalisado upang pagtam-bakan lang ng yaring produkto ng imperyalistang mga bansa at taga-eksport na lang ng hilaw na materyales at lakas-paggawa.

“Kailangang dito natin maprodyus ang industrial goods sa halip na manggaling sa ibang bayan, tapos ieeksport natin sa ibang bayan ang trabaho,” sabi pa ni Silva.

NDFP konsultant Prof. Edberto Villegas (kanan), katabi ng kapwa konsultant at dating bilanggong pulitikal na si Alan Jazmines. <b>Pher Pasion</b>
NDFP konsultant Prof. Edberto Villegas (kanan), katabi ng kapwa konsultant at dating bilanggong pulitikal na si Alan Jazmines. Pher Pasion

Hindi paghihiwalay

Nilinaw naman ng NDFP na di isolation o paghihiwalay ng Pilipinas sa mga bansa sa daigdig ang kahulugan ng pagtatayo ng mga pambansang industriya. Isang bansa ang Pilipinas na tatahakin ang sariling landas nito tungo sa kaunlaran na hindi dinidiktahan ng dayuhan pero makikipag-ugnay sa mga bansa sa pantay na kapakinabangan at kasunduan.

“Sa pag-aaral namin, puwedeng maging self-sustaining ang Pilipinas.” ani Villegas. Kaya naman pilit na iginagapos ang Pilipinas sa di-pantay na mga kasunduan at pagbubuyangyang sa yaman ng bansa para mapagsasaan ng mga kapitalista gaya ng sa US.

Dagdag naman ni Silva, hindi umano maaaring maggigiit ng independesiya sa US para lang dumepende naman sa China o Russia.

“Isa tayong bansa na kayang tumayo sa sarili natin. Kaya napakahalaga ang punto na isang sovereign country tayo. At sa peace negotiations, sisikapin nating tahakin ang landas natin,” ani Silva.

Magiging mahaba o kontrobersiyal man ang susunod na pag-uusap, ang mahalaga’y seryoso ang dalawang panig na pag-usapan at maisulong ito.

Nandiyan pa rin ang mga banta ng pananabotahe sa usapang pangkapayapaan ng iilang nakikinabang sa kasalukuyang sistema. Pero nakahanda umano ang mga rebolusyonaryo na isulong ang mga pagbabagong ito saan mang larangan — negosasyon man o pagpapaigting ng digmang bayan.